Chapter 2.3 - Sa Loob ng Hamog

23 3 0
                                    

"Luntian, maaari bang ikaw ay maupo? Sumasakit na hija ang aking leeg sa iyong pagparoo't-parito. Ano ba ang iyong ikinakabalisa?" tanong ng ama ng dalaga.

"Hindi ko po alam itay. Ngunit bukas na ang unang gabi ng kabilugan ng buwan," balisang sagot ni Luntian.

"Ay ano ba ang iyong ikinakabalisa sa kabilugan ng buwan anak? Pumarine ka at maupo dito at kausapin mo kami ng iyong ama," nag-aalalang tanong naman ng ina at inialok ang upuan, silang tatlo ay magkakaharap na ngayon sa kanilang hapag kainan.

"Inay ako po ay nagbitiw ng aking pangako kay Adolfo," pag-amin ng dalaga. Matapos marinig ito, napausad palapit ang mag-asawa kay Luntian.

"Anong pangako? " halos sabay na tanong ng mga magulang ni Luntian. Rinig sa tono ng mga ito ang pag aalala.

"Inay ako ay lubhang nababalisa..." muling tugon ng dalaga.

Inabot ni aling Maring ang kamay ng kanilang anak at muling nagtanong, "Anak, nais naming malinawan ng iyong ama. Hinding hindi ka namin pababayaan anak. Lagi tayong magkakasama ano man ang mangyari, kaya't ikaw ay magtapat na sa amin kung ano ang iyong iipinangako kay Adolfo."

"Iipinangako ko po ang aking puso sa kanya. Sa unang gabi ng bilog na buwan. At ang gabing iyon po ay bukas na," paliwanag ni Luntian.

"Ito na ba ang iyong pasya? Ngunit bakit ikaw ay nababalisa? Nais mo ba itong bawiin?" tanong ng kanyang ama.

"Nagbitiw po ako ng pangako at kasunduan. Na kung magagawa niya ang tulay mula sa lawa hindi malayo mula sa likuran ng ating bahay, hanggang sa daungan sa gitnang bayan... aking ibibigay sa kanya ang aking puso. Ngunit ang aking pakay ay upang huminto na si Adolfo sa paninilbihan, sapagkat pilit ko mang hagilapin sa aking sarili kung mayroon kahit kaunting pag-ibig na maaari kong ilaan sa kanya, ay wala talaga akong matagpuan inay," halos maiyak na paliwanag ni Luntian.

Nagkatinginan ang mag-asawa, at napasandal ulit sa kani-kanilang mga upuan.

"Luntian. Tulay? Bukas? Daungan?" halos matawang tanong ng kanyang ama, "anak, ikaw ay magpahinga na, at bawiin mo ang nawala mong pahinga. Wala kang dapat ikabahala anak. Walang sino mang tao ang makakagawa ng iyong kahilingan. At ito ay malinaw na pagtangi mo sa kanyang alok na pag-ibig," pilit na pinapakalma ni mang Miguel ang kanyang balisa pa ring dalaga.

"Hayaan mo at makalipas ang kinabukasan, tayo ay malaya na sa kung anumang hiwaga mayroon ang ginoong iyon," paliwanang ni aling Maring, at hinaplos nito ang mga kamay ng kanyang anak, "sulong na at maihanda na ang hapag at ng makabawi tayo ng ating pahinga habang maaga."

Sa 'di kalayuan, si Milagros ay isang aninong nakatago sa taas ng malaking puno ng mangga, nakakubli sa makapal na dahon nito at maingat na nagmamasid sa paligid ng bahay nila Luntian.
"Sila nga lamang ang naririto..." bulong ni Milagros sa sarili. Sa kabilang ibayo ng lawa ay kanyang natatanaw ang maliwanag na mga sulo sa daungan sa gitnang bayan, ang tahanan nila Luntian ay kanya namang tanaw sa 'di kalayuan.

Isang hindi kalakasang kulog ang pinakawalan ng langit, malalim at mahabang kulog na tila ba gumagapang sa madilim na kalangitan. Napatingala si Milagros. Ng muli siyang magbaba ng tingin ay kanyang napunang hindi na niya gaanong maaninag ang liwanag sa daungan sa gitnang bayan at tila ba may hamog na unti-unting sumasaklob sa lawa.

Samantala, sa bahay nila Luntian, kasalukuyang kumakain ang mag anak ng kumulog.

"Diyos ko..." nasambit ni Luntian at napahawak ito sa dibdib.

"Anak, kulog lamang ikaw ay nababahala. Iyo nang ipagpatuloy ang iyong hapunan at ng ikaw ay makapagpahinga," bahagyang inis na utos ni aling Maring, at kanya namang sinunod ang ina. Matapos makapaghapunan ay tumulong sa pagliligpit si Luntian, ang kanyang ama ay lumabas upang iayos ang mga sako ng binhi upang kahit umulan ay hindi ito mabasa. Nang makatapos sa lahat ng gawain at makapaglinis ng sarili, pumasok na sa kwarto si mang Miguel. Sumunod ang kanyang ina, pero nagbilin sa dalaga, "Luntian, huwag ka nang mabahala anak at magpahinga ka na din hija."

Mga AgimatOnde as histórias ganham vida. Descobre agora