Chapter 6.4 - Kapatiran

15 3 0
                                    

Abala sa pag-aasikaso sa mga bangkay ng mga kasamahang nasawi ang mga pagod at sugatang mandirigma.

"Kailangan kong magamot ang babaylan..." mahinang nasabi ng albularyo ng magbalik ulit ang malay nito, "kailangan kong makuha ang aking mga kagamitan sa simbahan ng Santa Monica."

"Ako ay kukuha ng kabayo sa kampo at tutunguhin ang simbahan. Akin ring bibilinan ang ilan sa mga kalalakihan na sumunod sa akin upang masigurong magiging ligtas ang mga naroroon," sagot naman ni Juan.

Ilang sandali pa ay nasa kampo na ng mga kastila si Juan at kanyang inabutan ang mga kastilang nasa loob ng kampo na nagtatago sa isang silid. Nagpaalam ito na kukunin ang isang kabayo dahil nakakapagsalita ng kaunting espanyol ang ginoo. Dali-dali namang pumayag ang mga kawal na nagtutulakan kung lalabas ang mga ito ng silid. Dahil sila man ay saksi sa lagim ng gabing iyon.

Hindi nagtagal ay mabilis nang nakuha ni Juan ang mga kagamitan ng albularyo, kanyang binilinan ang mga nagtatago sa simbahan na manatili sa sikretong silid hangga't hindi dumadating ang mga naatasan niyang mga kasama na sumunod sa kanya at makasama ng mga naririto sa Sta. Monica. Nakasalubong pa ni Juan ang maraming kalalakihan patungo sa Santa Monica nang siya ay humahangos pabalik sa gitnang bayan.

"Pakiusap Inang Indayen, iligtas mo ang aking ama..." nasabi nito sa albularyo ng maiabot ang mga gamit. Hindi naman nag-aksaya ng oras ang albularyo at ginamot ang babaylan. Kumuha ng ilang dahon sa kanyang sisidlan at piniga ito at ipinatak ang katas sa bibig ng babaylan.

Samantala sa labas ng kubol, habang ang lahat ay matamang naghihintay na magamot ang babaylan, "Isang Pintados, hm?" tanong ng Waray na kung tawagin ay Sinibalang, mapula ang mahahabang buhok nito pero ahit ang magkabilang gilid ng ulo. Isa sa mga pinakabatang mandirigmang Waray.

"Aking karangalan ang makidigma sa tabi ng magigiting na magsasaka, at ng maalamat na mandirigmang Waray," nasabi ni Fajardo at inialok ang kamay nito para kamayan ang Waray. Malugod naman itong tinanggap ni Sinibalang at inusisa ng may pagkamangha ang mga marka ni Fajardo sa kanyang mga braso.

"Kami man ay nagagalak na muling makidigma kasama ang Pintados. Bukod sa kagalakang makadigma ang mga Pintados dahil sa taglay na dunong ng iyong tribo sa pakikidigma. Ngunit ikinalulungkot ko ang pagkasawi sa magkabilang panig," nasabi ng isa sa mga Waray at ang mga ito ay isa-isang lumapit at kumamay kay Fajardo na hindi maitatago ang nararamdamang kalungkutan.

Kasama ng kasiyahan sa kanilang tagumpay ay ang lungkot para sa kanilang mga napaslang na kasamahan. Lumabas na din ng kabahayan ang mga ginang at tumulong sa pag-gamot sa mga sugatan. Ilan lamang sa mga ito ang naglakas loob na lumabas dahil nakakalat pa rin sa kanilang bayan ang mga katawan ng Pintados na aswang, higit na nakapangingilabot ang katawan ng mga napaslang na mananaggal na hindi na nakabalik sa kanilang katauhan at nakahandusay sa bayan ang kalahating katawan nito na may pakpak ng tila sa paniki.

"Ikaw ang tumawag sa amin Pintados ayon sa babaylan," nasabi ng Waray na si Domeng habang inaalok ang kamay kay Fajardo.

"Oo ginoo... ipinagkatiwala ng babaylan sakaling dumating ang oras at ito ay hindi magawa ng pinuno sa tamang oras," sagot naman nito.

"Nakakakilos na ang pinuno mga kasama!" nagmamadali namang ibinalita ng isa sa lahat ng nasa labas. Pumasok sa loob ng kubol unang una si Teban, ang Pintados, ang Waray na si Juan at si Domeng at yumukod ang mga ito sa harap ng babaylan.

"Aking magigiting na mandirigma... muli, ay ating napatunayan, na ang lagim ay walang puwang sa lugar na ito. Ang aking pasasalamat sa ating mahal na Pintados, na itinaya ang kanyang buhay upang mabalaan tayong lahat, bukod dito ay naging kaisa natin upang magapi ang kasamaan. Ang aking pasasalamat sa ating mga mandirigmang Waray, na hindi umaatras sa anumang laban, bagkus ay hinahanap pa ito. Ang kanilang mabilis na pagsagot sa tawag ng ating bayan. Ang aking lubos na pasasalamat sa ating mga mandirigma ng Roxas, na sa panahon ng katahimikan ay walang pagod na itinataguyod ang ating bayan upang matustusan ang pangangailangan ng ating pisikal na katawan. Ang aking pasasalamat sa mga mandirigmang Ati at mandirigmang Tumandok na agarang tumugon gamit ang kanilang bilis at liksi at tunay namang walang kapaguran kahit pa ang kanilang pinagmulan ay sa malalayong panig ng Panay. Ang aking lubos na pasasalamat sa kababaihan at mga ginang ng tahanan, sa panalanging walang tigil at sa patuloy na pag-aaruga sa ating mga sugatan. Sa ating mahal na Inang Indayen, na piniling isugal ang sariling lakas upang tayo ay bigyan ng paningin at mapagwagian ang kadiliman. At higit na pasasalamat sa ating Bathala," mabagal pero malinaw na nasabi ng matandang babaylan.

Mga AgimatWhere stories live. Discover now