Chapter 16

28 6 35
                                    

THIRD PERSON POV

"Mabait ka rin pala, Kevin. Pero akala ko ba kay Evangeline ka lang ganiyan?" tanong ni Jessica habang hinahalo gamit ng straw ang iniinom niyang strawberry milkshake na binili ni Kevin para sa kaniya.

Nandito sila ngayon sa isang cafe na malapit sa park. Si Jessica ang nagyaya pagkatapos niyang mahimasmasan at pumayag si Kevin dahil wala siyang trabaho ngayon.

Kapansin-pansing may nagbago kay Kevin sa loob ng ilang taon matapos nilang maghiwalay ni Evangeline. Hindi katulad noon, may nakakausap na siyang iba bukod sa kaniya at kay Luther.

"Paano mo nalaman?" kunot-noo niyang tanong at tumingin sa dalaga.

"Sinabi mo 'yon nung nasa bar tayo, tanda mo?" sinabi ni Jessica na lalong ikinakunot ng noo ni Kevin.

"Sinabi ko ba 'yun?"

"Lah, ulyanin. Atsaka alam mo ba, may napansin ako."

Ininom ni Kevin ang kape niyang nasa tasa at nagtanong.

"Ano?"

"Ang sungit mo kasi noong una tayong nagkita, hanggang ngayon. I mean, natural naman 'yon kasi hindi naman tayo gaanong close," paliwanag ni Jessica at sumipsip muna sa straw para uminom ng milkshake bago muling magsalita. "Pero noong una mong nakita si Evangeline no'ng reunion, para kang naging maamong tuta. Pero nag-iba naman agad kasi halatang galit ka pa sa kaniya."

"O tapos?" naguguluhang tanong ng binata at sumulyap sa kaniya pero agad ding umiwas ng tingin dahil hindi siya komportable sa pinag-uusapan nila.

"Kevin, pre, mahal mo pa ba siya?" tanong ni Jessica at diretsong tumingin sa mga mata ng kausap upang basahin ang isip nito. Pero nanatili siyang nakaiwas ng tingin kaya hindi niya ito magawa.

"Okay, fine. Baka nga hindi mo pa talaga alam ang sagot," pagsuko ni Jessica at umayos ng upo si Kevin bago tumingin sa kaniya.

"Pero sa tingin ko, kailangan niyo talagang mag-usap. Alam kong nabubulag ka ng galit at sama ng loob ngayon dahil sa nagawa niya sa'yo. Siguro naman may rason siya pero hindi ko rin alam kung ano. Kung gusto mo siyang tuluyang kalimutan, kailangan mo siyang kausapin at intindihin ang side niya. 'Wag mo siyang takbuhan tulad ng ginawa niya noon. Pramis, pre, gagaan ang loob mo pagkatapos," payo niya at inusog ang upuan paharap para tapikin ang balikat ni Kevin na nasa harap niya pero hindi niya ito naabot dahil sa ikli ng braso niya. Bahagya naman siyang napatawa na ikinagulat ni niya.

"Tumatawa ka?" Dahil dito, muling naging seryoso ang mukha ni Kevin. Peke rin siyang umubo upang pagtakpan ang kahihiyang naramdaman niya.

"Seryoso ka?" pag-iiba niya ng usapan at nag-thumbs up si Jessica habang nakangiti.

"Oo, habang may oras pa," ani ni Jessica at mapait na ngumiti. Umiwas siya ng tingin nang maalala niya ang huling pag-uusap nila ni Anthony, dating kasintahan niya. Sa katunayan, masaya si Jessica para kay Kevin dahil sa pagkakataong mayroon ito ngunit hindi niya rin maiwasang mainggit at malungkot dahil iba ang sitwasyon niya.

"Ayos ka lang?" tanong ni Kevin at ipinilig ang ulo para tingnan si Jessica. Napansin niya kasing nag-iba ang aura nito. Napalunok siya at kinapa ang baso ng milkshake, habang hindi nakatingin sa lamesa, para sana uminom pero nasanggi niya ito at natapon ang natitirang laman.

Agad silang napatayo at tiningnan ang natapong inumin.

"Hindi ka nga ayos," pagkumpirma ni Kevin at muling tumingin sa kaniya. Nanatiling nakatungo si Jessica bago sumagot.

"A-Ayos lang," mahinang tugon nito. Dahil maliit si Jessica, kinailangan pang iangat ni Kevin ang ulo nito gamit ang kaniyang kamay upang tingnan ang reaksyon nito.

Naasiwa naman ang dalaga kaya tinabing niya ang kamay ni Kevin at tumikhim.

"Mauuna na ako, may nakalimutan akong gawin," pagrarason niya at isinukbit ang bag na nakapatong sa inuupuan niya kanina at tuluyang umalis nang hindi lumilingon kay Kevin.

***
KEVIN LORENZO

"Alam kong nabubulag ka ng galit at sama ng loob dahil sa nagawa niya sa'yo. Siguro naman may rason siya..."

Ito ang sinabi ni Love sa akin kanina na patuloy na tumatakbo sa isip ko kahit na nakahiga na ako sa kama ngayon. Gabi na pero hindi pa rin ako nakakaramdam ng antok dahil sa lalim ng iniisip.

Pumikit ako at pilit na inalala ang pangyayari noong nakipaghiwalay sa akin si Evangeline.

Pero hindi ko pa man ito naiisip, naalala ko ang malungkot na mukha ni Jessica kanina nang sabihin niya iyon sa akin. Kahit na ilang linggo pa lang ang nakalipas buhat noong nakilala ko siya, may kung anong kumirot sa dibdib ko nang makita ko siyang umiiyak.

Inaamin kong nawalan ako ng pakialam sa babae buhat ng mangyari  iyon pero nagbago ito buhat noong nakilala ko si Evangeline. Pero dahil sa hindi inaasahang pangyayari, noong nakipaghiwalay siya sa akin, muling tumigas ang puso ko na para bang mga bagay na naiiwan sa labas kapag taglamig at tila ba wala ng pag-asa pang magbago dahil sa mga naranasan.

Ngunit nagbago ang lahat ng iyon noong nakilala ko si Love. Sa maikling panahong magkasama kami, hindi ko naramdamang nag-iisa ako. Hindi ko man batid kung ano,  isa lang ang sigurado ko, nagkaroon ulit ng direksyon ang buhay ko. Sa kauna-unahang pagkakataon, nais kong malaman ang totoong dahilan ni Evangeline upang matulungan si Love sa kahit na kaunting paraan. Ito kasi ang gusto niyang mangyari.

Teka... bakit ko ba naiisip si Jessica Lovely??

Nagulat ako nang biglang tumunog ang phone ko na nakapatong sa gilid ng kama. May tumatawag. Agad ko itong kinuha sa pag-aakalang si Love ang tumatawag pero nadismaya ako nang makita kong Luther Sandoval ang nakalagay sa caller id.

Sinagor ko ito.

"Pre, nasaan ka ngayon?" tanong ni Luther nang may bakas na kaba at pagkabalisa sa tono ng pananalita. Kumunot ang noo ko at bigla ring nakaramdam ng kaba.

"Bakit?" ani ko at pilit na pinakalma ang sarili.

"Nag-iinom ka ba ngayon?" Napatigil ako sa tanong niya. Nag-iinom.

Ilang araw na ba noong huli akong naglasing? Ah, buhat noong nakilala ko si Love.

"Pre," muling pagtawag niya kaya nabalik ako sa wisyo.

"Hindi. Bakit?"

"Puntahan mo si Evangeline. May nangyari sa kaniya!" tarantang saad niya kaya bigla akong napabangon sa kama.

Kahit na binura ko na ang numero ni Evangeline sa phone, kusa ko itong naisip at tinawagan. Kabisado ko pa rin pala.

Ramdam ko ang panginginig ng mga kamay ko dahil sa pangamba. Napuno rin ang isip ko sa mga posibleng masasamang bagay na nangyari sa kaniya ngayon. 'Wag naman sana, pakiusap.

Nagpalakad-lakad ako sa kwarto habang hinihintay ang pagsagot niya sa tawag. Ramdam ko na rin ang bilis ng tibok ng puso ko at malamig na kamay dahil sa matinding pagkabalisa at kaba. Tila nawala rin ang galit ko sa kaniya dahil sa ibinalita ni Luther.

Ito na yata ang pinakamatagal na segundo sa buong buhay ko. Nanumbalik din sa isipan ko ang mga masasayang alaala naming dalawa at mga pinagsamahan.

Bigla kong naisip ang sinabi ni Love kanina.

"...habang may oras pa," Ito pala ang tinutukoy niya. Hindi natin hawak ang tadhana kaya dapat gawin na natin ang kaya nating gawin para wala tayong pagsisihan sa huli.

Sana nga hindi pa huli ang lahat.

Hindi pa man nakakailang ring, may sumagot na sa tawag ko.

"K-Kevin," boses ni Evangeline. Nang marinig ko ang garagal niyang boses, mabilis akong bumangon sa kama at kinuha ang jacket at susi ko bago lumabas ng bahay.

"Nasaan ka?"

***

Amidst the Season (Symbol #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon