Chapter 19.1

18 6 42
                                    

THIRD PERSON POV

"Ano na namang trip mo? Bakit mo ako pinapunta rito?" tanong ni Kevin at umupo sa tapat ni Jessica Lovely. Nagkita ulit sila ngayon sa 7/11, kung saan sila kumain noong isang gabi, dahil tumawag siya at sinabing may sasabihin siya kay Kevin.

Isang linggo na ang nakalipas buhat noong gumaling si Jessica sa sakit kaya nanumbalik na ang lakas niya ngayon. Dalawang araw lang ito tumagal at sa mga araw na iyon, binisita siya ni Kevin.

"Ba't ka pumunta? Hindi mo ako matiis, 'no?" pagbibiro ni Jessica at tumawa na hindi pinansin ni Kevin. Bukod sa alam niyang nagbibiro lang si Jessica, wala rin siyang maisagot sa biro niya.

"Walang kang trabaho ngayon?" tanong niya ulit at umiling si Kevin.

"Boring," bulong ni Jessica at humigop ng kape na binili niya kanina habang naghihintay sa pagdating si Kevin. Sa katunayan, dalawang oras na ang nakalipas buhat noong pumunta siya rito pero saka niya lang tinawagan si Kevin nang maramdaman niya ang matinding kalungkutan dulot ng pag-iisa. Nahihiya man, sinubukan niya pa rin itong tawag sa pag-asang pupunta ito.

Tumingin siJessica sa labas ng convenience store habang nag-iipon ng lakas ng loob para sabihin ang gusto niyang sabihin kay Kevin. Pumikit siya nang mariin at kinagat ang labi para pigilan ang mga luhang nagbabadyang pumatak mula sa kaniyang mga mata.

Makalipas ang ilang segundo, iminulat niya ang kaniyang mga mata at bumuntong hininga. Muli rin siyang uminom ng kape at pagkatapos ay nagpangalumbaba sa lamesa at tumingin kay Kevin habang nakangiti.

"Bakit mo ako pinapunta rito?" muling tanong ni Kevin, pero ngayon, mas mahinahon na dahil napansin niyang peke ang kasiyahang ipinapakita ni Jessica. Alam niyang nagpapanggap lang siyang maging ayos dahil napagdaanan niya rin ang bagay na iyon. At alam niya kung gaano kahirap gawin iyon.

"Balak kong pumunta sa SM ngayon. Sasamahan mo ba ako?" masiglang saad ni Jessica at ngumiti nang malawak. Tinitigan siya siya ni Kevin para alamin kung anong nararamdaman nito pero hindi niya ito mabasa.

"Wala naman akong gagawin ngayon," hindi direktang sagot ni Kevin at napapalakpak ang dalaga sa tuwa.

"Tara na!" sigaw nito at nagmamadaling tumayo bago isukbit ang bag sa balikat niya. 

"Ngayon na?" gulat na tanong ni Kevin at nagtatakang tumingin sa kaniya. May balak pa kasi siyang mag-almusal dahil hindi siya kumain bago pumunta rito. Ikapito pa lang ng umaga pero tumawag na si Jessica at niyaya siyang pumunta sa 7/11 kaya nagmadali siyang pumunta rito kahit na hindi alam ang rason kung bakit siya pinapunta.

"Wala ka bang trabaho ngayon?" tanong ni Jessica kay Kevin pagkalabas nila sa 7/11. Umiling si Kevin bilang sagot at nakapamulsang naglakad kasabay niya.

"Bakit wala?" makulit na tanong ni Jessica at bahagyang tumingala para tingnan ang katabi niya. Nakakunot ang noo nito at halatang walang balak sumagot. Napanguso siya at humalukipkip. Kanina pa siya nag-iisip ng pwede nilang pag-usapan pero wala siyang maisip dahil tipid ang mga sagot ng binata.

"Fine, sasabihin ko na nga,"  bulong niya sa sarili at muling tumingin sa katabi niya. Blangko lang itong naglalakad habang nakatingin sa kalsada. "Fine, mamaya na lang para magulat siya," pagbawi niya.

"Wait... tama ba 'tong gagawin ko??" aniya at saglit na napatigil.

***

"Nasaan na siya?" bulong ni Jessica at pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng lugar. Maraming taong naggagala ngayon sa SM kaya hindi niya makita nang maayos kung nandoon na ang taong hinihintay niya. Nagpalinga-linga siya sa paligid at naghanap ng isang babaeng nakasuot ng asul na damit at pantalon. Base sa sinabing deskripsyon nito, nakalugay ang mahaba niyang buhok at may kasama siyang bata. Nakatakda dapat silang magkita sa harap ng Jollibee kalahating oras na ang nakalipas pero mukhang hanggang ngayon ay hindi pa rin siya dumarating.

"Kaya ayoko ng Filipino time, eh. Late na nga kami, mas late pa yata siya," naiinis niyang bulong at nagkamot ng ulo.

"Ano bang gagawin natin dito? Gutom ka ba?" nakapameywang na tanong ni Kevin habang nakatingin sa Jollibee na nasa tapat nila.

"Aish, nevermind! Mag-shopping na lang tayo," ani ni Jessica at hinila sa braso si Kevin papuntang department store. "Akala niya ba scam kaya hindi siya sumipot?" sa isip-isip niya.


Halos isang oras ang itinagal nila sa pamimili sa department store pero isang pabango lang ang binili ni Jessica. Naubos kasi ang oras niya sa pagtitingin ng kung anu-anong bagay na makita niya kahit wala siyang balak na bilhin ito.

"Ang bango talaga nito!" tila namamanghang saad ni jessica habang inaamoy ang palapulsuhan niyang nilagyan ng pabango. Paulit-ulit niya na itong sinabi buhat noong makalabas sila sa store kaya hindi na siya pinapansin ni Kevin.

Naglalakad sila ngayon palabas ng mall dahil napagpasiyahan nang umalis ni Jessica dahil sa inis sa babaeng dapat na makikipagkita sa kaniya. Gayunpaman, lumilinga-linga pa rin siya sa paligid dahil sa pagbabakasakaling nandito siya.

Maya-maya'y napatigil si Kevin sa paglalakad kaya pati siya ay tumigil din. Nagtataka niyang hinarap ang binata.

"Kevin, tara na--" 

"Evangeline," blangkong saad ni Kevin habang nakapako ang tingin sa malayo. Sa tapat ng Jollibee. Napalingon din doon si Jessica pero hindi pa rin niya makita dahil sa mga taong dumadaan sa tapat nila. Bukod kasi sa pagiging maliit, malabo na rin ang mga mata niya kaya hindi niya makita nang malinaw si Evangeline kahit na medyo malapit sila sa Jollibee.

"Nasaan? Tara, lapitan natin!" mabilis niyang saad at hinila si Kevin bago pa man siya makasagot. Hindi siya umangal, bagkus, bigla niyang naisip ang sinabi ni Jessica noong isang araw.

"Kailangan kong kausapin si Evangeline," sa isip-isip niya.

Nang huminto na sila sa tapat niya, bumakas sa itsura ni Evangeline ang gulat. Anonymous kasi ang nagpadala ng mensahe at wala si Kevin sa mga pinaghihinalaan niyang nagpadala nito. Akala niya si Luther dahil siya ang humingi ng numero niya noong nasa bar silang apat.

Ibinaba niya ang buhat niyang bata at hinarap sina Jessica at Kevin. 

"Anong balak niya? Gusto niya bang ipaalam sa akin na may bago na siya?" sa isip-isip niya at napasulyap sa kamay ni Jessica na nakakapit sa braso ni Kevin.

Magsasalita sana si Evangeline pero napatigil siya nang biglang umangkla si Jessica sa braso ni Kevin.

"I'm his girl friend," aniya at ngumiti nang matamis. Bahagyang napaatras si Evangeline at bakas sa mga mata niya ang gulat at lungkot pero agad niya rin itong tinago. Napatingin si Kevin kay Jessica pero kinindatan lang siya nito.


"Evangeline ang pangalan mo, 'di ba?" kaswal na tanong ni Jessica kay Evangeline. Tumango lamang ito at ngumiti habang nakatingin sa batang kasama niya. 

Napasulyap din si Jessica sa bata na ngayon ay nakahawak sa laylayan ng suot niyang palda. Napaiwas siya ng tingin at bahagyang napaatras nang may maalalang isang masamang bagay.

"May problema ba, Love?" Lahat sila ay nagulat sa tanong ni Kevin, maski siya mismo. Nasanay kasi siyang Love ang tawag kay Jessica Lovely at ito ang pangalawang beses na natawag niyang ganoon si Jessica sa harap sa ni Evangeline.

"W-Wala, tara na." Bago pa man makasagot si Kevin, hinila na siya ni Jessica palayo. Walang nagawa si Evangeline kundi tumitig sa likuran nilang dalawa habang naglalakad palayo. Napasinghap siya at umiwas ng tingin.

Muling humawak sa kamay niya ang batang babaeng nakasuot ng puting bestida na may disenyong mga bulaklak. Nakahati sa dalawa ang buhok niya at nakatali nang mataas. May suot din siyang puting sapatos at puting medyas. Tumingala siya upang tingnan si Evangeline at nagtanong.

"Mama, sino po sila?"  

***

Amidst the Season (Symbol #1)Where stories live. Discover now