"Anong hindi niyo maintindihan sa salitang gusto ko mapag-isa?!" Singhal niya sa loob ng kwarto. 

Lumunok ako at huminga nang malalim. "Jane. Ako 'to. Si Dave. Papasukin mo ako, please."

Biglang tumahimik sa kwarto niya. Muli ko siyang tinawag. Sa muling pagtawag ko ay nakarinig na rin ako ng sagot sa kanya.

"Pumasok ka na baka bigla pa magbago isip ko."

Ngumiti ako sandali at saka binuksan ang pinto. Pagkasara ko ay nakita ko siya na nakahiga sa kama niya habang nakatalikod sa akin. Bakas sa balat niya ang pamumutla, idagdag pa ang mga pamamantal ng kanyang balat na dulot ng bacteria na lumalason sa kanyang dugo. Ang pagkain din na dinala ni Chris kanina ay hindi pa rin nagagalaw.

"Anong kailangan mo?" Tanong niya na may halong pagtataray ang boses.

Umupo ako sa maliit na upuan na nakalagay sa tabi ng kama niya. "Hindi mo ba ako na-miss? Kasi ako miss na kita. Hindi kasi bagay sa 'yo nagtataray," kunwaring natatawa na saad ko pero sa loob loob ko ay gusto ko siyang yakapin.

Hindi na siya nagsalita ulit. Nanatili lang ako doon sa kwarto niya kahit binabalutan kami pareho ng katahimikan. Buong araw ako nanatili doon sa tabi niya. Kumain siya nang kaunti ngunit hindi niya ako hinayaan na tulungan siya sa pagkain dahil halos manginig siya sa paghawak niya sa plato.

KINABUKASAN, nakapasok ulit ako sa kwarto niya. Sa pagkakataon na 'yun ay naaalagaan ko na siya. Hinahayaan na niya ako na tulungan siya sa tuwing tatayo siya ngunit naging tikom naman ang bibig niya.

Napatayo ako sa kinauupuan ko nang makita siya na gumalaw at bababa sa kanyang higaan. Mabilis akong nagtungo sa harapan niya at saka siya inalalayan. Napangiti ako nang maramdaman ang mahigpit na paghawak niya sa kamay ko. Tinulungan ko siya maglakad patungo sa banyo.

Pagkalabas niya ay nakaalalay agad ako sa kanya. 'Di natakas sa akin ang paglala ng kalagayan niya. Mas malala nung nasa hospital pa siya. 

"Hindi ka ba napapagod?" Biglang tanong niya habang inaalalayan ko siya sa paglalakad.

Mas humigpit ang hawak ko sa kanya kaya napatingin siya sa akin. Ngayon ko na lang ulit natitigan ang mga mata niya. Bakas doon ang paghihirapan.

"Ikaw? Pagod ka na ba? Alam mo naman na hinding-hindi ako mapapagod sa 'yo. Kung pwede ko lang akuin yung sakit na nararamdaman mo, gagawin ko."

Agad siya nag-iwas ng tingin at nagpatuloy sa paglalakad.

"Hindi ako manhid para hindi ko maramdaman kung ano ang tunay na kalagayan mo. Alam ko na nahihirapan ka, nakikita ko 'yun sa mga mata mo. Sobra pa nga sa inaasahan ko pero sana lumaban ka pa, Jane."

Mas tumahimik siya ngunit sa isang iglap ay nakayakap na ang mga kamay niya sa aking likuran. Mahigpit na yakap 'yun at tila ipinaparamdam sa akin na humuhugot siya ng pag-asa.

"Lumaban ka para sa sarili mo, Jane. Hinding-hindi ko bibitawan yung pangako na sa akin."

Bumitaw siya sa mga yakap niya at saka na muling bumalik sa higaan niya. Bago ko siya bitawan ay hindi nakatakas sa akin ang pagpunas niya ng luha.

"Gusto ko nang magpahinga," bulong niya na sakto lang sa pagkakarinig ko.

Hinaplos ko ang buhok niya at ngumiti. "Babalik ako mamaya. Magpahinga ka muna," saad ko at saka na lumabas ng kwarto.

PAGSAPIT ng gabi ay muli akong bumalik sa kwarto niya. Katulad kanina ay natutulog pa rin siya. Na-upo naman ako sa may upuan malapit sa kanya at saka inihiga ang ulo ko sa kama. Nakaharap iyon sa kanya kaya natititigan ko ang napakaganda niyang mukha. 

Friendly Love [Novella Version]حيث تعيش القصص. اكتشف الآن