"Bitawan mo ang salangkay mo ngayon din!" utos ni Astrid sa kapatid pero hindi ito nagpatinag kahit gumagapang na sa buo nitong katawan ang naglalakihang baging.

Mas humihigpit ang pagkakatali nito sa kanyang panganay na kapatid dahilan para maglabasan na ang ilang maiitim na litid nito sa leeg at mukha. Napakapangit na ng hitsura nito at tila mangkukulam na.

Labag sa kalooban niyang gawin ito sa kapatid ngunit ito lamang ang tanging paraan para pigilan ang kasamaan. Kahit nahihirapan ay napangisi pa rin si Leia at gumawa ng isang bilog na liwanag.
Lumabas mula roon ang imahe ni Claud na nahihirapan na rin dahil sa maiitim na baging sa katawan nito. Pinipigilan ng mga ito ang paghinga ng binata. Halos mapasigaw si Astrid sa kinatatayuan nang makita ito.

Napahalakhak si Leia.

Kung hindi niya magawang talunin ang kalakasan ng dalaga ay tutumbukin naman niya ngayon ang kahinaan nito. Unti-unting lumuluwag ang baging na nakagapos sa kanya. Mas lumawak ang kanyang ngiti.

"Claud!"
"Anong ginawa mo sa kanya?! Saan mo siya dinala?"
"Pakawalan mo siya dahil wala siyang kinalaman rito!"

At mukhang alam na niya ang kahinaan ni Astrid.

"Kawawa ka naman. Hindi kaya nahulog na ang loob mo sa mortal na iyan? Gusto mo bang samahan na lang siya hanggang kamatayan?" nanunuyang sambit ni Leia at sinamantala ang kahinaan ng umiiyak na kapatid.

Pinutol niya ang mga baging at ikinumpas ang hawak na salangkay dahilan para tumalsik si Astrid. Bumangga ito sa konkretong pader ng palasyo. Napangiwi naman si Leia dahil sa mga galos ng kanyang katawan. Dumudugo na rin ang ilong niya. Kulay itim ang lumalabas mula roon.

Susuray-suray itong lumapit sa direksyon ng nanghihinang si Astrid at itinutok muli ang salangkay ngunit naunahan siya ni Adelaide at nagpakawala ng kuryente. Paluhod na napabagsak si Leia ngunit hindi ito naging dahilan para sumuko siya.

"Mga hangal!" sigaw nito at tumayo muli na parang walang nangyari. Umalingawngaw ang tili niya na siyang nagpasakit ng tenga ng dalawang prinsesa. Yumanig ang lupa. Parang mawawasak ang buong palasyo.

Nahihilo na si Astrid. Naririndi na rin si Adelaide.

Nakakuha ng tiyempo si Leia at agad gumawa ng malaking bilog kung saan kasyang-kasya lamang siya. Kinuha niya ang pagkakataon upang makatakas. Nang matapos ang paglindol at ang nakabibinging tili niya'y nawala na rin ang bilog na liwanag kung saan siya dumaan.

"Astrid!" sigaw ni Adelaide at nilapitan ang bunso na ngayo'y nakasandal na lamang sa pader kung saan siya napatama.

Naimulat nito ang nanlalabong paningin. Habol nito ang hininga. Kahit hapong-hapo at kumikirot ang mga kasu-kasuan, mas pinili nitong tumayo muli.

"Astrid, tumakas si ate."

"Susundan ko siya."

"Nagbibiro ka ba? Mapanganib! Hindi ka pwedeng pumunta roon nang mag-isa! Sasama ako," giit ni Adelaide at pinulot ang salangkay ng dalaga na tumilapon kanina. Inabot niya ito kay Astrid.

"Kailangan nina ama at ina ng magbabantay rito sa palasyo dahil may posibilidad na bumalik siya. Ipagtanggol mo ang kaharian tulad ng ipinangako natin kay ama. Ako na ang bahala kay ate," determinadong sambit ni Astrid at nginitian ang pangalawang kapatid. Napatango na lamang si Adelaide dahil wala naman siyang magagawa. Laban nila itong dalawa. Ngunit kailangang may maiwan sa palasyo upang mas masiguro ang kaligtasan ng Vianden.

"Mag-iingat ka. Susunod ako oras na masiguro kong ligtas na sina ama at ina," ani Adelaide at si Astrid naman ang napatango.


"Nahuli ba ako sa kasiyahan? Nako naman! Anong nangyari rito? Nagpalabas na pala rito si Leia! Naunahan pa ako."

Pareho silang napalingon nang makarinig ng isang hindi pamilyar na boses. Nakita nila ang dahan-dahang paglalakad ng isang salamangkero bitbit ang tungkod niya at sombrero. Nakangisi ito.

Napaatras ang dalawa.

"Kumusta? Natutuwa akong makita kayo, mga mahal na prinsesa. Mahabang panahon na ang nakalipas matapos kong ibigay ang regalo ko sa inyo. Nakakapanghinayang dahil isa lang sa inyo ang naging tapat sa akin," wika ng salamangkero at humalakhak. Yumuko pa ito bilang paggalang na tila nang-aasar pa.

Nagkatinginan sila. Palagay nila, tinutukoy nito si Leia na ngayon ay naging sunod-sunuran sa kanya. Naging matalim ang titig ni Adelaide rito.

"Astrid, umalis ka na. Ako na ang bahala rito. Sundan mo si ate at iligtas ang kaibigan mo!"

"Pero---"

"Umalis ka na!"

Agad nagtatakbo palayo si Astrid kahit ayaw pa niya sanang iwan ang kapatid. Napaiyak na lamang siya habang tinatakbo ang napakahaba at madilim na pasilyo ng kaharian.

Mayamaya ay nakita niya ang nagliliparang ibon na siyang gumagabay sa kanya sa tamang direksyon. Napaiyak lalo siya sa sobrang tuwa nang makita sa hindi kalayuan ang napakalaking dragon. Hinihintay siya nito.

Sumipol siya dahilan para ipagaspas nito ang mga pakpak.

"Tayo na, mahal na prinsesa!"

"Kasama mo kami sa labang ito."

Agad lumipad ang dragon sa ere lulan ang dalagang si Astrid patungo sa teritoryo ni Leia. Napahigpit ang hawak niya sa kwintas na may pendant na "LC" at napakagat-labi.

Ngayon ay dalawang bagay ang nais niyang mangyari. Ang mailigtas ang binata mula sa kanyang kapatid at makabalik sa Vianden upang protektahan ang kaharian.


***

ETHEREAL | COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon