PROLOGUE

4.4K 239 26
                                    

PROLOGUE


SA kaharian ng Vianden, ipinagbabawal ang paggamit ng mahika. Ang lahat ng lumabag o makitang gumagamit ng salamangka ay pinapatawan ng parusang kamatayan. Walang sinasanto ang hari. Walang pinapalagpas. Para sa kanya, ito ay isang ugat ng kasamaan.

Isa ang Vianden sa pinakatahimik na palasyo dahil sa kaisa-isa nitong kautusan. Kaya naman walang kaguluhan ngunit pawang kamatayan lamang ang tatamasahin oras na nilabag mo ang kaisa-isa niyang batas.
Si Haring Emmanuel at Reyna Sadie ay may tatlong anak na prinsesa.

Si Leia na panganay, Adelaide ang pangalawa at ang bunsong si Astrid. Pawang mga dugong bughaw ang tatlo. Sa musmos na gulang ng mga ito, ginawa na ng reyna ang tama upang masigurong wala sa tatlo ang may kakayahan na makagamit ng salamangka. Dahil kung hindi, malalagot ang mga ito sa minamahal na asawa.

“Makinig kayo, mga mahal kong bubwit,” pabirong tawag ni Sadie at umupo sa marmol na sahig ng kwarto. Maririnig ang hagikhikan ng tatlong bata na nagtatago ngayon sa ilalim ng kama. Problemadong napakamot sa ulo ang reyna.

“Lumabas na kayo riyan. Maglalaro tayo ngayong gabi,” utos niya dahilan para mangislap ang mga mata ng dalawang batang babae na nakadapa ngayon sa ilalim ng higaan upang pagtaguan sana ang ina.

“Talaga po ba?” Lumabas sa pinagtataguan si Leia na nasa edad labing lima. Sumunod roon si Adelaide at umupo kaharap ng mahal na reyna. Hinagilap ng tingin ni Sadie ang ikatlong anak.

“Nasaan si Astrid?” Nagkatitigan ang dalawang magkapatid sa naging tanong nito. Napailing sila dahil hindi nila alam. Agad tumayo ang reyna at tumungo sa terrace ng kwarto. Doon niya naabutan ang bunso na mag-isang nilalaro ang alaga nitong pusa.

“Astrid?” tawag niya rito. Napalingon sa kanya ang bata.

“Halika, doon tayo sa loob,” aya niya sa anak. Alinlangan itong napatingin sa kanya sabay sulyap sa hawak na alaga. Kahit labag sa loob ay binitawan niya ito at dinaluhan ang reyna na naghihintay sa kanya.

PABILOG silang nakaupo at hinihintay magsalita ang reyna. Bakas sa mga mata nito ang excitement sa sasabihin ng ina.

“Ngayong gabi ay maglalaro tayo,” anunsyo ni Sadie sa tatlong prinsesa.

“Anong pong klaseng laro?” tanong ni Adelaide na tila hindi na makapaghintay.

Inilapag ng reyna ang isang baso sa carpet na puno ng mga letra. Nakatunganga lamang roon ang magkakapatid. Si Astrid naman ay tila wala sa sariling nakamasid lamang. May sarili na naman itong mundo.

“Ang kailangan n’yo lamang gawin ay buuin ang inyong mga pangalan gamit ang baso na iyan,” panimula ni Sadie at iminuwestra sa mga anak ang gagawin. Napangiwi naman ang panganay na si Leia.

“Ina, ang ibig mo bang sabihin ay kailangan naming mapagalaw ang baso upang ituro nito ang mga titik ng pangalan namin?” tanong nito kaya napatango ang reyna.

“Paano kaya ‘yon? Wala naman kaming mahika,” saad ni Adelaide kaya pinanlakihan siya ng mata ni Leia.

“Huwag kang maingay! Baka marinig ka ni ama!”

“Bakit? Ikaw ba, meron?” tanong pa nito sa kapatid kaya napabuntong-hininga na lamang si Sadie.

“Kaya nga lalaruin natin ito upang malaman ko kung sino sa inyo ang may kakayahang magpagalaw ng mga bagay-bagay. Hangga’t maaga pa gusto kong masigurong hindi kayo ipapahamak ng mga abilidad na tinataglay ninyo,” paliwanag ng ina at isa-isa silang tiningnan.

“Tingin n’yo po may taglay kaming ganoon?” inosenteng tanong pa ni Adelaide. Naging malikot naman ang tingin ng bunsong si Astrid.

“Gusto ko lang malaman.” Napaiwas ng tingin ang mahal na reyna nang maalala ang sinabi ng manghuhula sa kanya. Isa sa tatlong anak niyang prinsesa ang magtataglay ng hindi pangkaraniwang abilidad pagsapit nito ng sapat na gulang. Kung ganoon, alin sa tatlong prinsesa na kaharap niya?

“Simulan na natin. Ikaw ang mauna, Leia. Ituon mo lamang sa baso ang lahat ng atensyon mo.” Napakagat-labi ang panganay. Itinutok niyang mabuti ang mga kamay sa nakataob na baso. Mariing napapikit at hinahagap ang enerhiya ng paligid. Nanatiling tahimik ang apat.

Mayamaya ay napamulat siya at napangiwi. Ang katahimikan ay nauwi sa malakas na hagalpakan dahil hindi naman gumalaw ang baso.

“Mukha kang baliw kanina!” pang-aasar ni Adelaide at napahagalpak ng tawa.

“Ikaw naman. Tingnan ko lang kung anong hitsura mo,” naiinis na sambit ni Leia at si Adelaida naman ang sumubok. Tulad niya, pumikit rin ito sa pagbabakasakaling mapapagalaw niya ang baso upang mabuo ang pangalan niyang ‘Adelaide’. Ngunit hindi. Otomatiko siyang napamulat at napangiwi.

Nakahinga nang maluwag si Sadie dahil wala sa dalawa ang may taglay na kapangyarihan.

“Ikaw naman, Astrid. Astrid?” Gayon na lamang ang pagkakunot ng noo niya nang mapansin na wala na sa tabi ng mga kapatid ang bunsong anak. Dali-dali na naman siyang napatayo at inalalayan sina Leia at Adelaide sa pagtulog.

“Matulog na kayo,” utos ng reyna.

“Hindi na po ba tuloy ang laro?” nanghihinayang na tanong ni Adelaide sa ina kaya napaismid si Leia.

“Paano ba naman, may isang hindi marunong makisama,” sagot ng panganay na ang tinutukoy ay si Astrid na umalis sa kalagitnaan ng laro.

“Sige na, matulog na kayo. Ako na ang bahala kay Astrid,” kalmadong giit ni Sadie at pinagmasdan ang dalawa na pumunta sa kanya-kanyang higaan. Pagkuwa’y sinilip niya ang bunso sa terrace.

“Astrid?”

“Ayoko pa matulog. Maganda kasi pagmasdan ang buwan rito. Gusto mo ba makapunta ng buwan? Ako rin, gusto ko.” Natutop ng inang reyna ang sariling bibig nang maulinigan ang bunso na nagsasalita mag-isa. Sa tabi nito ay ang alagang pusa na walang kakurap-kurap na nakatitig sa prinsesa. Tila may isip ito at taimtim na nakikinig sa kwento ni Astrid.

Mayamaya pa’y isang hindi pangkaraniwang ugat ang nakita niyang lumitaw sa likod ng mahaba nitong buhok. Kulay berde ito na nagliliwanag. Nanlaki ang mga mata niya at napailing.

Hindi na siya nakapagpigil pa at sinugod ang anak. Nagulat si Astrid sa biglaang paghatak sa kanya ng ina at marahas na paghawak nito sa kanyang braso. Halos maiyak siya sa sakit.

“Meow.” Kapwa sila napalingon sa pusang nakatunghay na pala sa kanila.

“Astrid, a-anong---” Hindi na naituloy ng reyna ang sasabihin dahil sa sagot na narinig niya.

“Sabi niya huwag mo raw akong saktan,” ani Astrid at nakatitig na sa pusang kulay abo ang mga mata. Agad niyang nabitawan ang palapulsuhan ng anak at nanginginig na napaatras.
Kumpirmado na. Hindi siya pwedeng magkamali.

“Bakit, ina?” inosenteng tanong pa nito sa kanya. Hindi siya makasagot. Tila hinatak pailalim ang dila niya. Nang mabalik sa huwisyo ay tinitigan niya ang bunsong anak.

“Hindi ka pwedeng manatili rito sa palasyo. Mamamatay ka,” naluluhang bulalas ng reyna at napalingon sa dalawa pang anak na prinsesa. Mahimbing na itong natutulog at walang kaalam-alam sa milagrong nasaksikhan ng mahal nilang ina.

***

ETHEREAL | COMPLETEDWhere stories live. Discover now