CHAPTER 10

1.2K 88 4
                                    

CHAPTER 10


TAHIMIK na binabagtas ng kotse ni Macky ang kahabaan ng highway. Hindi naman maalis ni Claud ang tingin sa dalagang si Astrid na nasa backseat. Maya't maya niya itong sinusulyapan. Nang mahuli siya nitong nakatitig ay agad siyang napaiwas ng tingin at napatikhim.

"S'ya nga pala, saan muna tutuloy si Astrid habang hindi pa nahahanap ang mga kamag-anak niya?" tanong ni Macky na ang tingin ay diretso sa kalsada na tinatahak.

"Baka sa inyo pwede," sagot ni Claud. Nasamid si Macky dahil sa sinabi ng kaibigan.

"Claud, alam mo naman ang ugali ng sister-in-law ko. Hinding-hindi sila magkakasundo ni Astrid 'pag nagkataon," tahasang sambit ni Macky. Totoo naman kasi. Masyadong matapobre ang pag-uugali nito kaya hindi rin ito makasundo ng kaibigan.

Napabuntong-hininga si Claud at nasapo ang ulo dahil hindi malaman ang gagawin.

"Bigyan mo na lang ng pangcheck-in sa motel," ani  Macky kaya pinandilatan siya ni Claud.

"Siraulo ka ba? First time nga niya sa syudad. Anong motel pinagsasasabi mo? Babae pa rin 'yan!" asik ni Claud sa kaibigan at halos sapakin na ito.

"O, e'di patuluyin mo muna ng ilang araw sa apartment mo. Wala naman sigurong masama roon di'ba?" mungkahi na lamang nito sa kanya kaya hindi siya nakaimik.

"Astrid, ayos lang ba sa'yo?" tanong ni Macky sa dalaga na nasa backseat. Wala silang natanggap na sagot mula rito. "Astrid?"

Sabay silang napalingon roon at tumambad si Astrid na mahimbing na ngayon ang tulog. Nakapatong sa hita nito ang alaga niyang pusa na panay ang linis sa sarili. Kapwa sila nagkatinginan nang ngumiyaw ito.

"Kinakausap ba tayo ng pusa?" tila napa-paranoid na tanong ni Claud kay Macky na naka-focus na ulit ang atensyon sa pagmamaneho. Halos mapahagalpak ito ng tawa.

"Aba, malay ko sa'yo. Depende kung nakakaintindi ka na rin ng lengguwahe ng mga hayop tulad ni Astrid. Pfft!" natatawang sagot ni Macky kaya sinamaan siya ng tingin ni Claud.

Umayos siya ng upo. Buong biyahe ay tila naglalakbay rin ang pag-iisip niya. Dahil mukhang wala siyang ibang pagpipilian kundi ang akuin muna pansamantala ang responsibilidad na alagaan ang dalaga.





"We're here," anunsyo ni Macky nang itigil niya sa tapat ng apartment ni Claud ang kotse niya. Tinapik naman ni Claud ang natutulog pa ring si Astrid. Tulad ng dati, mahinhin pa rin ito kung magmulat ng mata at mag-inat ng braso.

"Salamat, pre." Napatango lamang si Macky at kumaway sa dalawa bago pinaharurot ang sasakyan niya pauwi. Nag-iwan pa iyon ng maitim at mabahong usok dahilan para mapaubo si Astrid. Napangiwi si Claud.

"Masasanay ka rin sa polusyon rito," wika nito at dire-diretsong umakyat ng hagdan papunta sa apartment niyang nasa ikalawang palapag lamang. Napansin niyang hindi kumikibo ang dalaga na iginagala pa rin ang tingin sa paligid at sa nagtataasang building malapit sa unit nila. Napakamot siya sa ulo at tinawag ito muli.

"Oy," untag niya rito. Halatang nagulat si Astrid kaya napatingin siya.

"Ako?" Tinuro niya ang sarili.

"Ikaw nga. Wala ka bang balak sumunod? O diyan ka na lang sa labas matulog. Pambihira!" palatak niya at dire-diretsong umakyat ng hagdan. Iniwan niya ang dalaga na humahangos ang pagsunod sa kanya paitaas kasama ang alaga nitong pusa.

Mas lalo lang siyang nairita. Hindi niya alam kung bakit. Madalas  nakakaramdam siya ng awa para rito. Pero minsan naman ay naiinis siya dahil sa kamangmangan ng dalaga. Halatang buong buhay nito ay sa gubat lamang umikot ang mundo niya kaya wala siyang masyadong alam sa pasikot-sikot rito sa syudad.

Mukhang karagdagang responsibilidad ito para sa kanya. Ang turuan itong mabuhay ng normal at makipagsapalaran tulad ng ibang tao.

Pero sa palagay niya, mahihirapan siya.

"Dito ka muna pansamantala kasi wala ka namang ibang pupuntahan. Depende kung natatandaan mo ang contact number, address o apelyido ng ibang kamag-anak mo para ma-trace agad. Tanda mo ba?" tanong ni Claud pagpasok pa lamang nila sa hindi kalakihang apartment. Tinitigan lamang siya ni Astrid na nasa tapat pa rin ng pintuan. Hindi alam kung anong isasagot.

Marahas siyang napakamot sa ulo.

"Wala ka talagang natatandaan? I mean, paano ka nakasurvive sa gubat na 'yon? Sinong nagdala sa'yo roon? At bakit ang hirap mo intindihin? Saan ka ba talaga galing?" Halos maubos na ang pasensya ng binata kaya napapalakas na boses niya. Mas napayuko si Astrid dahil ramdam niyang naiinis na ito sa kanya.

"S-Sorry," hinging paumanhin ni  Claud at napasalampak ng upo sa malambot na kama.

"Sige, ganito na lang. Tutal ilang araw ka pa rito, magkaroon  tayo ng kasunduan," litanya niya kaya napatitig sa kanya si Astrid na nakatayo pa rin at parang ayaw pa umupo.

"Una, huwag kang pasaway. Bawal ka lumabas ng apartment na ito at pumunta kung saan-saan. Kapag nalaman ni Aling Jocy na nagdala ako ng babae rito, mayayare ako. Gets mo?" Napatango naman ang dalaga.

"Pangalawa, maging masipag ka. Alam kong wala ka pang alam pagdating sa mga gawaing bahay pero hangga't narito ka sa teritoryo ko, dapat ka ring magluto, maglinis, magtapon ng basura at kung ano-ano pa. May angal?" masungit nitong tanong kay Astrid na halos umikot na ang leeg kakailing.

"Buti naman. Dahil iyan lang ang magagawa mong kapalit since hindi mo naman ako matutulungan pagbayad sa ng renta. May pera ka ba?" tanong muli ni Claud sa dalaga.

Umiling ito sa muling pagkakataon.

"Ako rin, wala. Kaya nga nagtatrabaho ako," pabalang na ganti naman ni Claud at inilapag ang bitbit niyang camera sa tabing study table. Bumuka ang labi ni Astrid na parang may gustong itanong pero inunahan na siya ni Claud kaya para na naman siyang napitpit na luya sa kinatatayuan.

"At pangatlo, magsalita ka lang kapag tinatanong. Ayoko ng madaldal, babae." Blanko niyang tinitigan si Astrid. Hindi na ito nagtangkang magsalita pa.

Pinasadahan niya ito ng tingin. Ganoon pa rin ang kasuotan nito. Ang pang-itaas na damit at pang-ibaba ay gawa sa pinagtagpi-tagping dahon. Wala rin itong sapin sa paa. May kung anong nakatali sa ulo na parang bandana. Kapansin-pansin rin rito ang pagiging morena. Hindi tuloy niya maiwasang ihambing ito kay Moana. Pero si Moana ay nakatira sa tabing dagat. Ang isang 'to naman, sa pusod ng kagubatan.

"Kaano-ano mo si Tarzan?" wala sa loob na tanong ni Claud kay Astrid.

"H-ha?"

"O may tribo kang pinanggalingan, no? Kaya ganyan ang pananamit mo," saad pa niya kaya ang dalaga naman ang napangiwi.

"Wala," diretsahang sambit ni Astrid.

"Kung ganoon nga, sino ka at saan ka galing?" walang tigil ang kakatanong ni Claud at uminom muna ng isang basong tubig.

"Ang pangalan ko ay Astrid, mula sa kaharian ng Vianden. Anak ni Reyna Sadie at Haring Emmanuel."

Dahil sa sagot ng dalaga, naibuga niya ang tubig na iniinom.



***

ETHEREAL | COMPLETEDWhere stories live. Discover now