CHAPTER 31

891 56 3
                                    

CHAPTER 31



KUMAWALA sa pagkakayakap ang magkapatid nang makarinig sila ng sigawan mula sa mga panauhin na dumalo ng piging. Nagkatinginan sila at hindi mapakali. Nakarinig  na rin sila ng mga pagsabog at halakhakan.

"Kamahalan!" Humahangos ang isang kawal ngunit bago pa siya makalapit sa hari ay iginupo na siya ng isang napakaitim na usok. Nanlaki ang mga mata ni Astrid matapos makita ang papalapit na si Leia.

May malapad itong ngisi habang nakatitig lamang sa kanila. Napaatras si Sadie at napailing-iling. Hindi ito ang panganay niya.

"Kumusta? Mukhang nagkakasiyahan kayo, ah. Nahuli ba ako? Oh hindi lang talaga ako imbitado?" ani Leia at napangisi muli.

"Nagbalik ka na pala, Astrid," bati pa nito sa bunsong kapatid dahilan para mapaatras ang huli. Agad humarang si Adelaide upang protekahan si Astrid. Natigil sa paglalakad si Leia at humagalpak ng tawa.

"Oh, at may isang mapagmalasakit na ate ang handa ka pang ipagtanggol. Nakakatuwang pamilya. Nakakalungkot lang dahil nagsisisi akong naging parte ninyo ako," sambit pa nito at nagpalakad-lakad.

Lumakas ang hangin sa buong paligid. Sa sobrang lakas ay halos madala na sila nito. Nagkaroon ng pagkakataon si Leia na ipukol sa amang hari ang itim na mahika hanggang sa bumulagta ito sa sahig nang walang kalaban-laban.

"Emmanuel!" sigaw ni Sadie at dinaluhan ang asawa ngunit maging siya ay naabot ng itim na usok at inihampas siya nito sa makapal na pader.

"Ina!" Halos mapatid ang litid ni Adelaide dahil sa nasaksihan. Wala na talagang natitirang kabutihan sa puso ng kapatid nila. Nagtiim-bagang siya at hinigpitan ang  hawak sa salangkay. Mula roon ay malaking boltahe ng kuryente ang kanyang pinakawalan at ibinato sa kapatid dahilan para mawala ang itim na usok.

Gulat na napaatras si Leia. Hindi niya inaasahang magagawa ito ng kapatid niya. Nang bumalik sa huwisyo, ngumisi ulit si Leia. Tipo niyang asarin ang kapatid hanggang sa maglabas ulit ito ng kapangyarihan at manghina. Sa gayon, magagapi niya agad ito.

"Ate, huwag kang padadala sa ngiti niya. Uubusin niya ang enerhiya mo. Huwag mo masyadong pwersahin," babala ni Astrid at hinawakan ang nanginginig na kamay ng kapatid.

"Ako na ang bahala sa kanya. Dalhin mo ang ina at ama sa ligtas na lugar," dgdag pa ni Astrid dahilan para mapatingin sa kanya si Adelaide. Medyo nanghihina na rin ito.

"Paano ka?"

"Huwag mo na akong intindihin. Bilisan mo na!" Walang nagawa si Adelaide kundi lapitan sa hindi kalayuan ang walang malay na ina at ama.

"At may nagpapakabayani. Tingin mo maililigtas mo sila? E, wala ka namang ibang kapangyarihan bukod sa pakikipag-usap sa mga hangal mong hayop." Nakuyom ni Astrid ang kamao.
"Hindi na ikaw ang Leia na kilala namin. Pakiusap, sumuko ka na lang," naiiyak na si Astrid.

"Ayoko. Kahit hindi ko inisip ang bagay na iyan. Ayokong maging gaya ninyong mga talunan!" Agad inihampas ni Leia ang salangkay sa bunsong kapatid ngunit nasalag ni Astrid ang kamay niya gamit ang mahabang baging mula sa kanyang kapangyarihan.

Iwinasiwas muli ni Leia ang braso ngunit hindi niya ito maigalaw. Napalingon siya sa kinaroroonan ni Adelaide at nakahinga siya nang maluwag. Wala na roon ang pangalawang kapatid. Marahil sinunod nito ang utos niyang dalhin sa ligtas na lugar ang mga magulang.

Mas hinigpitan niyang pagpulupot ng baging sa braso ni Leia upang hindi maigalaw ang salangkay. Sa ibang direskyon tumama ang itim na usok. Iginala niya ang paningin. Karamihan sa mga kawal ng hari ay nakabulagta na sa iba't ibang sulok ng palasyo.

ETHEREAL | COMPLETEDWhere stories live. Discover now