CHAPTER 22

879 60 6
                                    

CHAPTER 22



HUNI ng mga ibon ang bumungad sa tatlo matapos nilang marating ang pusod ng gubat. Naigala nila ang paningin sa paligid.

Sobrang laki ng pagbabago. Ang dating maalwan na gubat, ngayon ay mangilan-ngilan na lamang ang mga puno. Kapansin-pansin rin ang pagiging tuyot ng ibang bahagi nito.

Napakagat-labi si Astrid at agad nilapitan ang malaking punong-kahoy kung saan siya madalas umakyat tuwing may darating na panauhin rito sa dati niyang tirahan. Hindi nga pala niya tirahan ito dahil kahit kailan, hindi naman niya ito naging pagmamay-ari.

Napapikit siya at hinawakan ang katawan ng punong iyon. May nararamdaman siyang kakaiba. Isang hindi pangkaraniwang enerhiya ang biglaang dumaloy mula sa punong hinahawakan niya patungo sa kanyang mga palad. Napaatras siya.

"Astrid, ayos ka lang?" tanong ni Claud. Nag-aalala ito dahil napansin niyang namumutla na ang dalaga. Napaiwas ito ng tingin.

"May nagawi rito. Hindi ko alam kung sino," sagot ni Astrid at nagpalinga-linga. Mas naguluhan si Claud dahil sa inaasal ng dalaga. Hindi niya ito maintindihan.

"Guys, tingnan n'yo 'to," tawag sa kanila ni Macky mula sa likod ng puno. Sabay silang napalingon sa tinuturo ng binata.

Mayroon ritong barricade tape na nakapalibot sa mismong likuran ng puno. Nagkatinginan silang tatlo.

"Kaya ba ayaw tayong papasukin rito kasi may nangyaring crime scene?" takang tanong ni Macky. Agad namang binuksan ni Claud ang dala niyang camera at kinuhanan ng litrato ang lugar na iyon.

"It's odd. Wala naman kasing lumabas sa balita na may namatay rito. So para saan ito?"

"They won't let the media get involve with this mess. Masisira ang image nila. Tingin ko hindi nila ito ipinaalam sa public. Or worst, binayaran nila ang press para hindi ito ipakalat." Umaandar na naman ang pagiging detective ni Macky sa hindi malamang dahilan.

Hindi na napigilan ni Astrid ang sarili at pinuntahan ang lugar na napalilibutan ng barricade tape.

"Hoy, delikado riyan!" suway ni Claud pero hindi siya nito pinakinggan. Nasa loob na ang dalaga at hindi na nagpaawat pa. Iginala nito ang paningin sa paligid pati na rin sa lupang kinaroroonan. Waring may hinahanap ito.

"Claud, napaka-weird niya. Ano bang hinahanap rito ni Astrid? Don't tell me may kinalaman siya sa nangyari rito?" pabulong na komento ni Macky kaya siya naman ang sinuway ni Claud.

Napakunot ang noo ni Astrid at pinulot ang isang bracelet na natatago mula sa malalagong damo. Nanlaki ang mga mata niya.

Pamilyar ito. Parang nakita na niya ito noon pa. Hindi lamang niya matandaan kung kanino. Parang may parte sa nakaraan niya sa Vianden ang konektado sa bagay na iyon.

Napapikit siya at pilit inalala ang nakaraan. Sa isang iglap ay napamulat siya at nahihintakutang napatingin kina Macky at Claud.

Hindi maaari. Hindi maaaring isa sa kanila ang narito sa mundo ng mga mortal bitbit ang itim na mahika.

"A-Ate..." nauutal niyang sambit at tuluyang naglandas ang mga luha.











Nakatitig lamang si Morrigan sa pulso niyang may mahabang peklat. Wala siyang emosyon kaya napataas ang kilay ni Raven.

"Para mabilis na mawala ang scar, lagyan mo lagi ng cream. Ikaw kasi e, hindi ko alam kung bakit mo ginawa iyon sa sarili mo? Are you out of your mind, Morrigan?" nakangiwing sambit niya sa tulala pa ring dalaga.

Narito sila ngayon sa terrace at nag-aalmusal. Imbes na sumagot, humigop na lamang ang dalaga sa tasa ng mainit niyang kape. Pansin rin ni Raven ang panginginig ng kamay nito.

Halos mapaawang ang bibig niya. Sa pagkakaalam niya ay hindi kaliwete ang dalaga ngunit bakit ngayon, ito ang ginagamit niya sa bawat mahawakan na bagay? Napaiwas siya ng tingin. Ayaw niyang sabihin na nakahahalata na siya.

Mayamaya pa'y nailapag ni Morrigan ang tasa ng kape at napatitig sa palapulsuhan niya.

"Nasaan na? Bakit nawala?" wika nito kaya napatitig sa kanya si Raven.

"Alin ang nawawala?"

"Iyong pulseras ko," tila wala sa sariling sagot ni Morrigan.

"Bracelet? Wala ka namang suot na bracelet, ah."

"Hindi, suot ko iyon. Saan napunta?" aligagang sambit ni Morrigan at tumayo pa upang silipin sa ilalim ng mesa. Hindi na mapigilang magsalita ni Raven at hinarap ang dalagang abala sa paghahanap ng nawawala raw niyang bracelet kuno.

"Morrigan can you tell me what's really happening to you? Lately, you're acting like someone. Parang hindi na ikaw 'yan!" sigaw niya sa kaibigan sa pagbabakasakaling magbabalik ito sa huwisyo pero hindi.

Mayamaya ay napangisi ito. Nagtaas-baba ang balikat ng dalaga at nag-umpisa nang humalakhak na parang demonyo. Nagkasalubong ang titig nila. Napakatalim nito tumingin. Nabitawan ni Raven ang hawak na tinidor, tumayo at napaatras.

"Morrigan?" sambit niya pero mas napangisi ang dalaga.

"Oh my God!" tili ni Raven nang magsimulang magwala ang kaibigan. Iwinasiwas nito ang buong mesa. Umalingawngaw ang pagkabasag ng baso at pinggan sa sahig. Ngunit mas nangibabaw ang boses ni Morrign. Nakakakilabot ang tawa nito.
Otomatikong nagtatakbo si Raven palayo sa kaibigan at humihingi ng tulong.









Tahimik lamang si Astrid habang nakasakay sila ng kotse ni Macky pabalik ng syudad. Hindi naman ito lingid kay Claud.

Tila lumilipad ang utak ng dalaga. Pabalik sa nakaraan niya noong nasa Vianden pa lamang siya at kasama ang buong pamilya. Mayamaya ay napahigpit ang kapit niya sa bracelet na napulot niya sa loob ng Alhambra. Pinakatitigan niya ito.

Hindi pa siya sigurado kung sino sa dalawa niyang kapatid ang narito at pagala-gala. Ngunit alam niyang malapit lamang ito sa kanya.

Nabalik siya sa reyalidad nang pagbuksan siya ng pinto ni Claud at inalalayan bumaba. Hindi niya namalayang narito na pala sila sa tapat ng apartment ng binata.

Pagkaalis pa lamang ng kotse ni Macky ay napatda na si Claud sa kinatatayuan nang makita ang lahat ng gamit niya sa baba ng kanyang apartment. Nakagayak na ito lahat at halatang pinapalayas na siya sa inuupahan.

Nakita niya si Aling Jocy na nakapamewang habang hawak ang abaniko niya. Mukhang kanina pa siya nito hinihintay.

"Aling Jocy, anong ibig sabihin nito?"

"Obvious naman LC na pinapalayas na kita. May bagong uupa rito simula bukas kaya maghanap ka na ng bago mong lilipatan. Iyong bago, hindi makunat magbayad gaya mo. Sige na, makakaalis ka na. Kahit huwag mo nang bayaran ang isang buwan ng pamamalagi mo rito," litanya ni Aling Jocy at agad naglakad pataas ng paupahang-bahay.

Naiwang nakatulala si Claud habang nakatitig lamang sa kanyang mga gamit. Hindi niya alam kung saan pupunta ngayon.



***

ETHEREAL | COMPLETEDWhere stories live. Discover now