27. Opo, Mama

0 0 0
                                    

Chapter 27

"Nice. Sa tingin ko, nakita ko na siya!" biglang sigaw ni Benedict dahilan para lalong humigpit ang paghawak ko sa palad ni Josefa sabay lingon sa monitor ng Dream Catcher.

At doon, unti-unti, tila animo'y dahan-dahang pagmulat ng mga mata roon ni Josefa sa panaginip niya, unti-unting nagkaroon ng mga imahe sa monitor.

"Anak, ang pangalan mo ay Josefa. Tatandaan mo 'yan ha?" ani ng babaeng siyang ina ni Josefa habang masuyong hinahaplos ang buhok ng batang si Josefa.

"Opo, mama." masayang sagot naman ng bata dahilan para mapangiti ang ina nito.

Maya-maya pa, naglaho ang mga imaheng iyon at napalitan.
...

"Anak, siya si Demetria, kapatid mo siya." may ngiti sa mga labing ipinakita ng ina ang isang sanggol sa anim na taong gulang na si Josefa. "Mamahalin mo siya ha? Aalagaan. Kayong dalawa ang dapat na laging magkasama at magkakampi."

"Opo, mama. Mamahalin ko siya katulad ng pagmamahal ko sa iyo! Aalagaan ko siya tulad ng pag-aalaga mo sa'kin, at habambuhay kaming magiging magkakampi. Pangako ko po 'yan!" muling masiglang ani ng batang si Josefa habang tuwang-tuwa na tinititigan ang batang kapatid na si Demetria.

Sa isang gilap, muling nagbago ang imahe sa panaginip.
...

"Mama, bakit gan'on? Nalaman ko pong Sina Elizalde po pala ang pangalan mo. Sina ang unang pangalan at Elizalde naman ang panghuli. Pero bakit ako po tsaka si Demetria, wala po kaming huling pangalan, mama?" nagtatakang tanong ng batang si Josefa sa ika-pitong taong kaarawan niya.

Ngumiti ang ina nitong si Sina Elizalde. "Bakit mo naman 'yan natanong anak?"

"Yung mga kaklase ko po kase mama, tinutukso nila ako kase wala raw po akong apelyido. Sabi nila wala raw po akong mga magulang. Sila po kasi merong apelyido, mama. Pero bakit po ako, wala?" takang tanong ni Josefa dahilan para mawala ang ngiti sa mga labi ni Sina ng ilang segundo, bago itong mapalitan muli ng matamis na ngiti.

"Anak, sa ngayon, marahil hindi mo pa ito maiintindihan. Pero sa ngayon, sana tandaan mo ang sasabihin ko sa'yo...

"Magulo ang buhay na meron ako. At sa gulo nito, pati ikaw at ang kapatid mo ay damay na rito. Matutulad kayo sa'kin at wala akong magagawa kundi ang pagmasdan lang kayo sa mga bagay na maaring mangyari sa inyo. Pero sana, pakatandaan mo na mahal na mahal ko kayo ng kapatid mo. Maliwanag ba, Josefa, anak? "

Tumango si Josefa dahil sa masuyong ngiti na binibigay sa kaniya ng kaniyang ina. Kahit naguguluhan at hindi niya maintindihan ang mga sinabi ng ina, makita niya lang ang mga ngiti nito'y tatango nalang siya sa lahat ng sinabi nito.

"Mabuti naman." nakangiting ani ng ina nitong si Sina Elizalde tsaka niya masuyong hinalikan si Josefa sa noo.

At matapos ang paghalik ng ina ni Josefa sa kaniya, muli na namang nagbago ang imahe.

...

"Anak, magmula sa araw na 'to, kamumuhian mo na' ko." may pait ang mga ngiting sabi ni mama Sina kay Josefa na ngayo'y nagtataka sa sinabi ng ina.

"Mama? Ano pong ibig mong sabihin?"

Masuyong hinaplos ni mama Sina ang mukha ni Josefa. "Tatlong taong gulang palang si Demetria, samantala ikaw ay siyam na taong gulang palang. Pero ang organisasyon, gusto na nila kayong kunin sa'kin. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kayo matatago, Josefa. Kaya sana lang, sa mga gagawin ko sa'yo, huwag mong kakalimutan na mahal kita ha? "

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 28, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

I am a Huntres (HIATUS!)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon