Fifteenth Glitch

34 4 0
                                    

C A N D A R Y

Matapos ang araw na 'yon, parang lumipas lang ang mga sumunod. Sa dami ng kailangang unahin sa acads, hindi na kami nakapag-usap ni Vaughn maging pagkatapos ng klase sa Big History. Siguro nga ang hirap pa mag-sink in ang mga naiwang tanong na hindi nasagot. Kagaya no'ng sino ang nakita namin na matandang Vil? Nagbigay nga sila ng detalye pero malabo. Kung sa bagay kaysa wala, 'yong tipong as in zero basis talaga kami ni Vaughn. Mas mahirap 'yon. Pagkauwing-pagkauwi ko no'n ay inulit ko 'yong mga na-jot down kong impormasyon mula sa mga taga-Foxtrot. Inayos ko ang pagkakasulat. Literal na future reference. Wala akong ibang napagsabihan nito pati si mama at Teffy. Baka isipin pa nilang nababaliw ako! Bilib na bilib ako sa nakita namin pero may halong takot. Akalain mong posible pala 'yong mangyari sa totoong buhay. Siguro kung Netflix series 'to, kami ni Vaughn ang bida ahahahaha! Ayan, Candary, daanin mo pa sa biro.



“Anak tapos ka na ba?” Narinig kong tanong ni mama mula sa ibaba.

Nandito pa rin ako sa kwarto ko sa taas at nagpapatuyo ng buhok sa electric fan. Ang tanga kasi ng blower pumutok hmmp!



“Sandali na lang po ma.”



“Sige antayin na lang kita rito sa labas ng gate. Baka parating na tricycle ni Kuya Fred.”






Sabado ngayon. Alas otso palang pero maaga kaming gumayak ni mama dahil pupunta kami sa karatig lalawigan. Dalawang beses palang ako napunta roon at halos lagpas isang oras ang byahe. Makikipag-usap si mama roon sa bago nilang supplier ng harina at asukal dahil 'yong dati naming supplier ay titira na raw sa Canada. Ang sabi ni mama, roon daw kami pupunta sa mismong factory. Ang bait talaga ni mama at kami pa talaga ang pupunta para makipag-transaksyon. Nanatiling bukas ang bakery dahil nandito naman sina Ate Rina, at Aling Lourdes.






Ayoko talagang nagde-dress pero dahil binilhan ako ni mama noong napunta siya sa mall, ito ang gusto niyang suotin ko ngayon. Nakakainis! Kung hindi lang kita mahal mama!





Kulay yellow ito na hanggang taas ng tuhod at may manggas. Cotton ang tela at simpleng mapapayat na nakaburdang linya lang ang design. May bulsa rin ito sa kanang bahagi kaya 'di na ako nagdala ng sling bag. Cellphone lang naman ang dadalhin ko. Okay na rin. Pinarisan ko ito ng puting converse. Naalala ko tuloy noong unang gig ko, naka-dress din ako. Cringe! Naglagay na rin ako ng kaunting liptint para naman 'di ako maputla.




“Aba! Ang ganda-ganda talaga ng anak ko!” Bungad ni mama sa akin paglabas ko ng gate. Sakto naman dumating ang tricycle ni Kuya Fred na siyang maghahatid sa amin sa terminal.




“Mama naman!” Ayoko talagang nasasabihang maganda. Mana pa cute. Parang 'di ko masyadong deserve 'yong adjective na 'yon. Matawa-tawa tuloy si Kuya Fred sa reaksyon ko.







Wala pang masyadong tao sa terminal dahil maaga pa at Sabado. Maliban sa mga estudyanteng may pasok. Buti na lang tapos na ako sa NSTP na 'yan. Walang pila kaya agad naman kaming nakasakay ni mama sa bus.



Ang pinakanakakainis sa lahat ay ang makalimutan mo ang earphones sa mahabang byahe! Dibale sana kung 20 minutes lang eh huhuhu. Si mama naman nakapikit agad dahil galing pa siya sa birthday noong kumare niya kagabi kaya puyat. Wala na akong nagawa kundi ipako ang paningin ko sa mga puno, at daang dumuduwang sa bintanang nilalampasan ng bus. Masarap sa paninging makakita ng mga puno at halaman. Tumatama ang malamig na hangin sa mukha at buhok ko kaya naman napilitan akong  ipunin sa kamay ang buhok ko.


Probinsyang-probinsya ang dating. Pero mas okay sana kung may music! Para nakakapag-imagine ako na nasa music video ako ahahaha!



Pero kumusta na kaya si Vaughn? Pagkatapos ng weekend kakausapin ko siya. Hindi ko pa rin mawari kung sino sa Ethics class namin ang babawian ng buhay.  O 'yong kakilala namin. 'Wag naman sana.





Above HeavensTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon