LETTERS FOR AGNES by Aela Raine

16 0 0
                                    

LETTERS FOR AGNES

"Sinta, ako ay babalik. Hintayin mo ako dahil kaunting panahon na lamang at malapit na tayong magkita... Malapit na malapit na.

Nagmamahal, Fransisco."

Napangiti ako habang tinitignan ang kabuuan ng aking liham matapos maisulat ang huling talata nito. Iniisip ko pa lamang na mababasa niya ito ay parang hindi na ako mapakali.

Kumusta na kaya siya? Naabot na kaya niya ang pinapangarap niyang trabaho? Humaba na kaya ang buhok niya? Tumangkad na kaya siya?

Lalo akong napuno ng kutyusidad sa kung anong itsura niya sa ngayon. Sabik na sabik na akong makita ang mga pagbabagong naganap sa sarili niya.

Naputol lamang ang mga kaisipan ko nang bumukas ang pinto at tumambad ang matalik kong kaibigan na si Cassandra.

"Good morning, Francis." Nakangiting turan niya. "Oras na para sa pagkain mo."

Personal na nurse ko si Cassandra na siyang inatasan ng Mama ko na mag-alaga sa'kin magmula nang maaksidente ako. Bago pa man ako mamalagi sa ospital na ito, magkakilala na kami at mas lalo kaming napalapit sa isa't-isa dahil sa pagiging pasyente ko.

Pinanuod ko siyang ilapag ang tray na may lamang pagkain sa kama ko. Napaka-ganda pa rin ni Cassandra lalo na tuwing suot-suot niya ang puting uniporme niya. Marami ang nagkakagusto dito kahit pa may pagka-masungit at mailap ito. Hindi na rin nakapagtataka dahil sa mga katangi-tanging ugali na mayroon siya. 

Kung hindi lamang nakalaan ang puso ko kay Agnes, malamang nahulog na ang loob ko sa kaniya.

Bumangon ako nang bahagya upang sumandal sa bakal ng aking hospital bed. Napasimangot ako nang makita kung ano ang nasa plato ko. Mataman ko itong tinitigan na akala mo naman matutunaw ito sa paninitig ko.

"Ano 'pang tinitingin-tingin mo diy'an? Kumain ka na." Masungit na wika nito. 

Nagsalubong ang mga kilay ko habang napapakamot sa batok ko. "Sabing ayoko ng kangkong, eh."

"Walang aayaw-ayaw dito. Kung gusto 'mong gumaling ka kaagad, kainin mo 'yan." Tinignan ko siya nang masama, pero pinagtaasan niya lamang ako ng kilay.

"Alam 'kong matalik na magkaibigan tayo, pero sa oras na ito, pasyente ka at nurse ako. Sumunod ka sa'kin kung ayaw 'mong hugutin ko 'yang dextrose na nakakabit sa'yo." Puno ng awtoridad na sabi niya 

"Papatayin mo naman ako." Pabirong tugon ko. Dahil sa nakakatakot na banta ni Cassandra ay wala na akong ibang nagawa kung hindi ang sumubo ng kanin na may kasamang kangkong kahit pa nasusuka na ako sa lasa nito.

Tahimik lang niya akong pinapanuod habang nakaupo siya sa dulong gilid ng kama ko.

Sinikap ko na lamang na h'wag isipin ang lasa ng almusal ko dahil alam ko namang para ito sa ikabubuti ko. At isa pa, kailangan ko'ng maubos ito nang mabilis upang magawa niya na ang pang-araw-araw na pabor ko sa kaniya. 

Nang matapos naman ako ay tumayo siya habang nakalagay ang isang kamay sa bulsa niya at ang isa naman ay nakalahad sa'kin.

Kaya nagbago ang pinta ng mukha ko at agad sumigla ang pakiramdam ko. Agad ko'ng inabot sa kaniya ang liham na sinulat ko nang nakatupi nang maayos at nakalagay sa malinis na sobre.

"Pang-ilan na ito?"

"Ika-297 na." Nakangiting saad ko.

Tinignan ko ang kalendaryo. Labing isang buwan na rin pala ang nakararaan nang una 'kong sulatan ng liham ang mahal ko'ng si Agnes.

Mula noong magising ako mula sa pagkaka-comatose ay araw-araw ko nang ginagawa ito. Alam ko'ng mahilig si Agnes sa mga bagay na simple kaya naman ginagawa ko ito upang makabawi sa mga panahong hindi ko ito nagawa para sa kaniya. Para na rin malaman niya na nandito ako at hinihintay siya.

Mixtape of Lullabies Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon