19. I CARE

1.2K 66 4
                                    

“Bakit naman pumayag ka sa gusto ng kapatid mo? Baka mamaya mapahamak iyon sa gagawin niya,” hindi mapigilang saad ni Mayet kay Rosie na abala sa pagiimbentaryo sa stocks nito. Tulog pa rin si Devon ng oras na iyon. Napuyat daw ka-skype ang fiancée nito. Napaismid siya. Hindi niya mapigilan pero hindi siya sangayon sa desisyon nito.

Kailan ba naging tamang magpakasal sa isang tao dahil lang sa business? Batid niyang mayroong ganoon pero para kay Devon? Parang hindi niya iyon matatanggap. Hindi niya maunawaan ang sarili. Alam niyang wala siyang pakialam pero hayun siya. N-A-K-I-K-I-A-L-A-M!

Paano naman ay nakikita niyang ayos lang din iyon kay Rosie. Hindi siya makikialam kung nakikita niyang hindi ito sangayon pero hindi. Pinakinggan lang nito ang desisyon ni Devon at viola! Tapos ang usapan!

Napabuntong hininga siya at hinawakan ang balikat ni Rosie. Doon ito natawa at napailing.

“Bakit ka ba nagaalala? Matalino ang kapatid ko. Hindi niya papasukin ang isang bagay na madedehado siya,” kampanteng sagot nito.

“Hindi ito labanan ng talino! Kasal iyon!” bulalas ni Mayet.

Kinalma niya ang sarili at mabilis pinagana ang isip. “Hindi ka man lang ba nagaalala na hindi aalagaan ni Laize ang kapatid mo? Mahalaga iyon sa buhay may asawa. Ang nanay ko, nagisang itinaguyod ako. Namatay siyang hindi man lang naalagaan ng tatay ko. A-ayokong mangyari iyon kay Devon,”

Napatitig ito sa kanya. “Ayaw mo o gusto mong ikaw ang gumawa noon?” nanantyang tanong nito.

Bumilis ang tibok ng puso ni Mayet. Tinamaan siya sa tanong nito.

Pero napagaralan na niyang tanggapin ang lugar sa buhay ni Devon. Napatango siya sa sarili. Iyon ang eksplanasyon sa lahat ng iyon. Para na niyang nakababatang kapatid si Devon at ayaw niya itong mapahamak.

Huu… nakababatang kapatid daw. Bakit parang selos ‘yan, ha? Naiinis ka kapag naririnig ang pangalang Laize at natuturete ka dahil alam mong hindi niya alagaan si Devon kagaya ng kaya mong gawin sa kanya? Kantyaw ng isang bahagi ng isip niya.

Hindi iyon selos! Concern lang! Pagtatanggol niya sa sarili.

Lihim siyang napailing. Maging sarili niya ay kinakalaban na siya. Pambihira.

“Matanda na ang kapatid ko. May tiwala ako sa kanya, okay?” anito saka hinarap na ang trabaho.

Hindi pa rin siya kuntento sa sinabi nito. Mas lalo lang siyang hindi mapakali. Nagpasya siyang puntahan si Devon at kausapin na lang. Pakialamera na kung pakialamera basta ang mahalaga ay mapangaralan niya ito.

Pagkadating sa bahay nito ay nadatnan niya ito sa terasa. May kausap itong dalawang magandang babae. Mukhang sopistikada at kagalang-galang. Business attire ang suot ng dalawang babae. Mukhang galing sa opisina.

Samantalang mukhang kagigising lang ni Devon. Magulo pa ang buhok nito at mayroong umuusok na tasa ng kape sa tabi nito. Abalang tumitipa sa laptop. Ang dalawang babae ay may kaharap na laptop din at busy sa pag-type. Maya't maya ay naguusap ang tatlo.

Agad siyang kumaway ng mapatingin ito si Devon. Gusto nang lumubog ng puso niya nang mapakunot ang noo nito. Lumapit ito sa gate at pinagbuksan siya.

“Do you need anything?” takang tanong nito.

Gusto na niyang magtampo. Noon ay hindi ito magkandaugaga  sa kanya. Ngayon ay matabang na talaga ito. Gayunman, hindi niya pinahalatang nasasaktan siya sa trato nito sa kanya.

“P’wede ba tayong magusap?”

Lalong kumunot ang noo nito. "About what? We're busy. My secretary and personal assistant came. We are working on a special matter and its ASAP. Nakakahiya kina Mou kung paghihintayin ko sila."

"Sandali lang naman..." napapahiyang sagot ni Mayet. Nanindigan na siya kahit nanliliit ang pakiramdam.

Saglit tumahimik si Devon. Napatingin sa orasan hanggang sa napabuntong hinga. Ilang sandali ay niluwangan nito ang gate.

"Okay. Five minutes. Is this about business? We are really busy and I’m waiting for a call—”

“Huwag kang magpapakasal kung business lang ang dahilan,” pandidiretso niya rito.

Nagdilim ang mukha nito. Saglit siyang napalunok dahil dama niyang hindi nito nagustuhan iyon hanggang sa napailing ito. Namula tuloy ang mukha niya sa naging reaksyon nito.

“And why is that?” naiiling na tanong nito.

“Dahil hindi ka niya aalagaan!” giit niya rito at napahagod sa noo. “Hindi ito naiisip ng ate mo kaya ako na ang magsasabi. Sigurado ka bang magiging mabuting may bahay siya? Aasikasuhin ka ba niya? Kapag nagkaanak kayo, magiging mabuti ba siyang ina? Ang mga ganoong bagay ang dapat na iniisip mo…”

Nagtiim ang bagang nito at hindi na itinagong nainis ito sa sinabi niya. Ilang sandali pa ay muli itong napailing-iling sa kanya.

Bigla siyang kinabahan. “A-Ang sa akin lang naman—”

“Hindi ko kailangan ang opinyon mo. My decision is final. You may go now. I’m busy,” malamig nitong saad saka siya iginiya palabas ng gate at sinaraduhan.

Biglang-bigla si Mayet. Kung noon ay tatango na lang ito, ngayon ay ganoon na lamang siya kung ipagtabuyan nito.

Hindi naman niya ito masisisi. She crossed the line. Nilukob ng lungkot ang puso niya dahil batid niyang lumipas na ang sandaling siya lamang ang pinakikinggan nito.

Nakakalungkot isipin na isa lamang siyang kapitbahay na pakialamera.

Mabibigat ang paa na umuwi na lamang siya at agad na nagtungo sa kusina. Uminom siya ng tubig para pagaangin ang namimigat na dibdib hanggang sa namasa ang kanyang mga mata.

Kinalma niya ang sarili. Wala naman siyang magagawa kung buo na ang desisyon nito. Ginawa na niya ang parte para makabawi pero itinaboy lang siya nito.

Malungkot siyang napabuntong hininga na lamang.

MY HANDSOME LITTLE DEVON (PUBLISHED UNDER PHR)Where stories live. Discover now