12. HEART THAT UNDERSTANDS

1.1K 61 10
                                    

"Nag-review ka na ba? Exam na bukas, ha.” Ani Mayet kay Devon. Sinabayan siya nitong maglakad pabalik.

Galing si Mayet sa CR at kagaya ng dati ay nasa labas si Devon na matyagang naghihintay.

Matapos ang pagpunta nila ni Devon sa plaza ay mas lalong sumipag itong sumulat sa kanya. Itinatago niya iyong maigi dahil noong minsan ay napagalitan siya ng ina nang makita ang isang sulat nito sa ilalim ng unan niya. Nasabon siya ng ina at napagalitan si Devon. Napagsabihan itong huwag nangg sumulat.

Nagkaroon na rin ng gap ang mga ina nila dahil na rin sa nangyari. Si Devon ay napagalitan din daw ng ina nito.

“Yes. May group study kami at sasama ako sa kanila. Sa’yo sana ako makiki-review pero alam ko namang hindi p’wede.”

“Devon… ayoko na sanang lumala pa ito,” amin niya rito at napahinga ng malalim. “Mabuti pa siguro, itigil mo na lang itong ginagawa mo,”

Tumigil si Devon sa paglalakad at napalingon si Mayet. Napalunok siya nang makitang ang lungkot-lungkot nito.

Biglang-bigla, gusto niya itong lapitan at ayuin hanggang sa maalis ang lungkot pero sa huli ay pinigilan niya ang sarili. Batid niyang hindi iyon ang matalinong gawin dahil baka umasa lang ito. Napabuntong hinga siya.

“Wala naman tayong ginagawang masama…” masamang loob na sagot nito at napailing.

“Oo pero nagkakainisan na sila mommy…”

Napabuga ito ng hangin. “Ano ba ang gusto mong mangyari?”

“T-Tama na. H-Huwag mo na akong sulatan at bigyan ng kung anu-ano…” kinakabahang saad niya rito.

Pambihira. Iyong ibang tao, nasosopla niya agad pero pagdating kay Devon… Kalooban niya mismo ang nasasaktan sa ginagawa niya.

Napahinga nang malalim si Mayet nang makitang bahagyang dumilim ang mukha ni Devon saka napatingin sa malayo. Paglingon nito makalipas ang ilang sandali ay tumalon ang puso niya. Napalunok siya nang makita ang kalungkutan sa mga mata nito.

“Titigil ako pero iisipin pa rin kita. Hindi n’yo p’wedeng ibawal sa akin ang bagay na iyon,” anito saka naglakad na palayo sa kanya.

Bumigat ang puso ni Mayet. Ilang beses siyang huminga nang malalim at pinilit na pagaangin iyon saka muling bumalik sa silid.

Tahimik siya sa buong maghapon hanggang sa sumapit ang uwian. Napabuntong hininga na lang siya ng hindi sumabay sa kanilang umuwi si Devon. Sasama daw ito sa group study at bahagya lang siya nitong tinanguan.

“Kakain muna ako bago tayo mag-review, ha,” ani Rosie sa kanya bago siya pumasok sa gate.

Tumango na si Mayet at pumasok na. Agad na siyang nagluto ng hapunan. Naturuan naman siya ng ina kaya marunong siyang magluto ng adobo at kanin. Ilang sandali pa ay dumating na ito at sabay na sila nitong kumain. Nang dumating si Rosie ay umakyat na rin ang ina niya para magpahinga.

Kapwa sila nito nag-aral. Gayunman, napansin niyang aligaga si Rosie. Siniko niya ito. “Ano’ng problema?”

“H-Hindi pa umuuwi si Devon,” alalang saad nito.

Maging siya ay nagalala na. Hindi na rin siya mapakali. Ito na lamang ang laman ng isip niya hanggang sa magpaalam ng umuwi si Rosie.

Pagpasok sa silid ay lakad nang lakad si Mayet. Panay ang silip niya sa bintana hanggang sa nakita niyang may humintong tricycle sa tapat ng bahay ng mga ito. Tumalon ang puso niya ng makitang lumabas doon si Devon.

Dali-dali siyang bumaba. Mabuti na lamang ay nadatnan niya pa itong nagkakalkal ng susi sa bag kaya naabutan niya ito. Hindi na siya nagaksaya ng sandali, dali-dali niya itong hinawakan sa siko at hinila sa halamanan!

“Saan ka galing?!” naiinis na asik niya rito. Inamoy-amoy niya pa ito kung amoy-alak ito o sigarilyo. Hindi niya maiiwasang isipin iyon dahil sa mga napapanood na gawain ng ibang kabataan kapag sumasama ang loob. Batid niyang ikinasama nito ng loob ang paguusap kanina. Baka iyon ang gawin nitong dibersyon o ano.

“A-Anong ginagawa mo? B-Bakit mo ako sinisinghot?” takang tanong nito. Puno ng pasinasyon ang mga mata nito.

Napatitig siya rito at agad na namula ang mukha ng maisip ang ginawang kapangasahan.

Agad niya itong inilayo sa katawan at tureteng nagisip nang sasabihin hanggang sa napabuga siya ng hangin. “Anong oras na. Nagaalala na ang ate mo sa’yo. Bakit hindi ka tumawag na gagabihin ka? Sana, nagpasabi ka para naman hindi sila nagaalala sa’yo,” sermon niya rito.

“Hindi naman gumagana ‘yung telepono nila Lester. I tried but it’s useless. Nauna na akong umuwi dahil alam kong magaalala sila. Come on… don’t be mad. I’m sorry…” ayo nito sa kanya.

Napatingin siya rito. Ngumiti ito ng pa-cute at napabuga siya ng hangin! Unti-unti ng lumilipad ang inis niya dahil sa pagpapa-cute nito pero naisip niya, kailangan nitong mapagsabihan talaga.

Namaywang siya. “Sa susunod—”

“I’m sorry… hindi ko alam na magaalala ka ng ganito. I’m sorry… I mean it…” lambing nito.

“H-Hindi ako nagalala.” Kaila niya at napatikhim. Nagiinit na naman ang pisngi niya dahil nahuhuli siya nito ng wala sa oras. “N-Naiisip ko lang, baka mamaya ano ang mangyari sa’yo sa daan…”

Nagkaroon ng tunog ang ngiti nito. “It’s the same thing. You’re worried. I’m sorry, okay?” sinserong saad nito.

Napabuntong hininga siya at tumango na lamang dito. “O-Okay… sige na. Pumasok ka na sa loob,”

“I’m sorry about my reaction this morning.”

Napatitig siya rito at malungkot itong ngumiti sa . “I just realized… I shouldn’t act that way. I should understand that they were just worried about your dreams and about me falling in love deeply at my young age.”

“D-Devon…” anas niya. Biglang-bigla talaga siya. Hindi niya sukat akalaing makakaringgan ito ng ganoon.

“I should be more patient.” Anito saka napakamot ng ulo. “I’m sorry for acting that way… ang sabi nga ng mga kaibigan ko… ang lalaki, dapat ay marunong maghintay. Naisip kong tama sila kaya gagawin ko iyon.”

Napangiti siya sa sinabi nito. Natutuwa siyang makitang nakita ni Devon ang lahat ng iyon sa positibong paraan at hindi nito ikinasama ng loob. Lalo tuloy nagbago ang pagtingin niya rito.

“Sige na. Pumasok ka na,” anito.

Tumalima na siya at pagkapasok sa gate ay hinintay na muna niya itong makapasok sa bakuran nito. Doon na siya nakahinga nang maluwag at pumasok sa loob ng bahay. Nang nahiga ay umusal muna siya ng dasal. Nagpasalamat siya dahil sa nakikitang unti-unting pagbabago ni Devon. Sana ay magtuloy-tuloy na rin iyon.

MY HANDSOME LITTLE DEVON (PUBLISHED UNDER PHR)Where stories live. Discover now