6. HELLO, CRUSH

1.4K 66 1
                                    

“Good morning, Mayet!”

Lihim na napaungol si Mayet ng makita ang napakaluwang na ngiti ni handsome little Devon. Iyon ang lihim niyang tawag dito dahil guwapong maliit ito.

Nangyari ang kanyang kinatatakutan dalawang linggo ng nakararaan. Hindi ito nagawang ipasok ni tita Rosalie sa Don Bosco dahil ubod ito ng tigas ng ulo. Mukhang hindi kinaya ng powers ni tita Rosalie ang pagiging brat nito.

Sukat sinabing hindi talaga ito mag-aaral at ginawa nga nito! Halos itali na nito ang sarili sa kama. Nagwawala pa hanggang sa nagsumbong ang ina nito sa ama ni Devon at sinabing sundin na lamang ang bata dahil ganoon daw talaga ito: paiiralin daw talaga nito ang katigasan ng ulo at sila rin lang daw ang kawawa. Kaysa naman hindi mag-aral si Devon o gumawa lang ng kalokohan sa Don Bosco ay ipinasok ito sa St. Escolastica Academy, kung saan sila nagaaral ni Rosie.

Ang sarap ibitin ng patiwarik ni Devon sa totoo lang. Wala siyang ibang makita kundi ang pagiging papansin, brat at napakatigas nitong ulo. Gayunman, kapag inasikan na niya ito ay ngingiti lamang ito sa kanya at magpapa-cute. Magbe-behave naman na ikinamamangha ng lahat.

And she found it really amusing. Isang bawal lang niya ay sumusunod ito. Minsan, napapakamot talaga siya ng ulo. Mas sinusunod pa siya nito kaysa sa ina nito na halos mamalat na kakasinghal dito sa tuwing naiinis na sa kasutilan ng anak.

Gayunman, may gandang dulot ang pagpasok nito sa St. Escolastica. Nangako itong mag-aaral mabuti basta doon lamang ito pumasok at tumupad naman ito. Sa ngayon ay maganda naman ang naririnig niyang remarks ng mga guro nito dito. Aktibo daw ito sa loob ng klase. Napansin din niyang mayroon na itong circle of friends agad at mukhang ito pa ang leader-leader-an. Charming din naman kasi si Devon at hindi na siya magtataka pa kung bakit nagkaroon agad ito ng malalapit na kaibigan.

“Si Rosie?” tanong niya saka ginantihan ng ismid ang pang-commercial nitong ngiti.

“She’s outside. Chara na? Chulungan na kitang buhatin ang bag mow,” alok nito. Hindi niya mapigilang lihim na mapangiti sa pagiging trying hard nitong mag-tagalog. Ayaw man niyang aminin ay na-cute-an siya. May pagka-slang kasi ang salita nito at halatadong nagsasanay pa rin. Gayunman, nakakaintindi talaga ito ng tagalog pagdating nito sa Pilipinas. Ayon sa tita Rosalie niya, pinay ang nagaalaga dito sa New Jersey at kinakausap daw ito ng tagalog kaya daw nakakaintindi ito ngunit hindi talaga nakasanayang magsalita noon.

“Huwag ka na ngang mag-tagalog,” asik niya rito at sinuway ang sarili. Ano’ng cute-cute? Bawal siyang ma-cute-an dito! Baka saan pa mauwi iyon. Lubhang napakadelikado noon para sa kanya.

“I’m really trying to learn that. I can’t even understand some terms in Filipino subject. Some terms are deep. My classmates are always doing some translating. I’m sick of it,” angal nito hanggang sa nagkaroon ng kislap ang mga mata nitong tinitigan siya. “If you hate it the way I say it, teach me.”

“Ano?!” nabibiglang tanong niya rito at napanganga na lamang siya ng bigla itong sumuntok sa hangin!

“Yes! You are going to teach me. I’m so excited!” tuwang bulalas nito at napahagod sa buhok. Halos hindi na malaman kung hahawakan siya o ano hanggang sa mariin nitong ipinikit ang mga mata saka huminga ng malalim. Mukhang kumuha pa ng buwelo sa diaphragm bago magsalita!

“I’ll bring my notes. I’ll be serious. Don’t worry, I’m not hard to handle,” anito saka ngumiti.

Nahigit niya ang hininga ng makita ang pogi nitong ngiti. Pakiramdam niya ay nahipnostimo na siya at walang ibang nais gawin kundi pagmasdan na lamang ang mokong. Hindi niya maitatanggi na kapag ganoong klaseng ngiti ang ipinakita nito, tunaw ang puso niya. Walang halong kapilyuhan o pagpapa-cute kundi ngiti na magpapalambot ng kahit gaano katigas na tuhod.

At iyon ang isa sa mga pinakakaiwasan niya rito! Fourteen palang ito pero mayroon na itong epekto kahit sa isang sixteen years old na dalagitang tulad niya! Hindi iyon maaari!

“Marami akong ginagawa,” aniya saka nagpauna ng naglakad dito. Ang bilis-bilis ng tibok ng puso niya.

“Even if I say ‘please’?” lambing nito. Agad nitong binuksan ang gate para sa kanya. Pansin niyang gentleman din ang handsome little Devon. Batid niyang hindi lang sa kanya kundi na rin sa ate nito. Kapag sumasakay ito sa tricycle ay lagi ito sa likod sumasakay at hindi nakikisiksik sa kanila. Kahit papaano ay natutuwa siyang makitang marunong itong gumalang ng babae.

Umingos siya at piniling huwag magpa-apekto sa moves nito. “Magpaturo ka sa ate mo,”

“She’s busy. They are always busy…”

Napatingin siya rito dahil nakaringgan niya ito ng lungkot. Ginawaran siya nito ng simpleng ngiti. Biglang nabagbag ang puso niya. Hindi kasi siya sanay nakikitang may lungkot sa mga mata nito. Isa pa’y batid niyang posible iyon. Pagod na ang mommy nito at tiyahin galing sa salon. Si Rosie naman ay nagsusunog din ng kilay dahil graduating na sila.

“But of course, you’re busy too. I’m sorry,” anito saka nagpauna ng lumabas. Ang tamlay-tamlay na nito sa pagkakataong iyon.

“D-Devon…” tawag niya rito dahil hindi niya matiis ang nakikitang kalungkutan nito. Nakokonsensya siya. Abala na nga ang lahat ng tao sa bahay nito, pati ba naman siya? Pakiramdam tuloy niya ay ang sama-sama niya… paano na lang kung mahirapan nga naman ito sa eskwela?

Tumigil ito sa paglalakad at malungkot na humarap sa kanya. Napahinga siya ng malalim. “Sige na. Pumunta ka ng alas syete ng gabi dito. Isang oras lang, ha. May mga gagawin din kasi ako,”

“R-Really?” hindi makapaniwalang tanong nito at tumango siya. Nagningning ang mga mata nito. Gusto niyang matawa dahil mukhang hindi ito makapaniwala hanggang sa ngiting-ngiti na ito.

“Great!” anito saka mariin pang ikinuyom ang kamao. Parang nanalo ng jackpot ang mokong! Hindi niya mapigilang mamangha sa reaksyon nito. “Okay, okay. I’ll bring my notes and listen carefully. One hour is enough! Thank you so much!” tuwang saad nito.

Agad na siya nitong inalalayan papasok sa tricycle. Si Rosie naman ay napapatingin na lamang sa kanilang dalawa at panay na naman ang hingi ng paumanhin sa kakulitan ng kapatid.

Napailing siya rito. “Magpapaturo daw mamayang gabi. Ikaw naman, bakit hindi mo man lang asikasuhin ang kapatid mo?” sermon niya rito. Kahit papaano ay nais naman niyang makatulong para sa magkapatid. Batid niyang kailangan ni Devon ng pamilyang sa tingin nitong tanggap ito.

Isang bagay iyon kaya kahit papaano’y nauunawaan niya ang katigasan ng ulo ni Devon. Marahil, pakiramdam nito ay walang nagmamahal dito kaya nagpapansin. Tingin niya, oras na maramdaman nito na may pamilya ito ay pipino rin ang kilos nito.

Mukhang napahiya ito at napayuko. “H-Hindi kasi ako sanay na may kapatid, eh… Alam mo naman na matagal din kaming hindi nagkita noon.”

Napabuntong hininga siya. Sa kabilang dako ay nauunawaan din niya ang kaibigan. Pare-parehong naga-adjust ang mga ito. Salamat na rin at hindi nito minasama ang sinabi niya. Gayunman, umaasa siyang wake up call na iyon para ayusin nito ang pakikitungo sa kapatid. Muli siyang napahinga ng malalim.

MY HANDSOME LITTLE DEVON (PUBLISHED UNDER PHR)Where stories live. Discover now