Part 28

33.8K 798 31
                                    


NAHIRAPAN si Anika umaktong normal nang gumising siya kinabukasan at kinailangan niya harapin si Trick. Kasi naman napanaginipan niya kagabi na magkatabi raw silang natulog at na... ah basta, nang magising siya inuntog niya ang sarili sa headboard ng kama kasi pakiramdam niya ang maniac niya para makapanaginip ng ganoon. Ngayon tuloy, nahihiya siyang tingnan ang binata.

Kung na-we-weirdohan si Trick sa kaniya ay hindi nito pinahalata. Pagkatapos nitong sabihin na sa labas na lang sila mag-a-almusal ay pumasok ito sa kuwarto nito at nagbihis. Katatapos lang nito maligo nang magising siya.

Alas singko pa lang nang umaga lumabas na sila sa unit nito. Sa pagkakataong 'yon wala silang nakasalubong na kahit sino hanggang makarating sila sa parking lot at makasakay sa kotse ng binata. Iniwan niya sa unit nito ang bag niya at dinala lang ang wallet at cellphone. Ito na raw ang bahalang magbitbit ng bag niya kapag may matutuluyan na siya.

Sa Chef Derek's sila nagpunta para kumain ng almusal. Biglang naalala ni Anika sina Sheila at Sylve. Baka matulungan siya ng mga ito makahanap ng murang matitirhan! Kaso hindi naman niya alam kung saan makikita ang mga ito. Dapat pala hiningi ko ang cellphone numbers nila. Napabuntong hininga siya.

"What's that sigh for?" takang tanong ni Trick. Nakaupo na sila sa isang lamesa at naka-order na ng pagkain. Hinihintay na lang nila ang mga 'yon.

Kumurap siya at nakangiting umiling. "May iniisip lang ako - " Natigilan siya nang makita niyang lumabas sa kusina si Derek at nakangiting naglakad palapit sa kanila.

"Hey. Ang aga niyo ah," masayang bati ng lalaki. Tinapik nito sa balikat si Trick habang kindat naman ang naging pagbati nito sa kaniya.

Nagsalita na si Anika bago pa siya mapangunahan ng hiya. "Natatandaan mo noong huli kong punta rito? May nakasabay akong kakilala mo rin. Sina Sheila?"

"Natatandaan ko. Bakit?" tanong ni Derek. Si Trick naman medyo nakakunot ang noo habang nakatingin sa kaniya.

"Alam mo ba kung saan ko sila makikita o kahit numero lang sana nila."

"Hindi ko alam ang contact numbers nila pero ang alam ko makikita mo si Sheila sa main office ng Happy Mart. Malapit lang 'yon sa building nina Trick."

Napangiti si Anika at nakahinga ng maluwag. "Talaga? Salamat ha."

"Walang problema," nakangiting sagot ni Derek. Dumating na ang mga order nila at sandaling nag-usap ang dalawang lalaki tungkol sa kung anu-anong bagay. Siya naman ay maganang kumain. Magiging abala siya sa araw na 'yon at kailangan niya mabusog ngayong umaga kasi gagamitin niya ang bawat break time niya mamaya para magpatulong kina Sheila na humanap ng matitirhan.

PAGDATING ng lunch break, nagpaalam si Anika kay Trick na hindi siya makakasabay kumain dito. Nasabi na niya rito kanina ang plano niya at kahit halatang may alinlangan ito ay hindi naman nangielam. Natutuwa siya na tinutupad nito ang napag-usapan nila kagabi.

Nakita niya agad si Sheila pagpasok niya sa Happy Mart convenience store. Ilang minuto nga lang ang layo 'non mula sa gusali nila kung sasakay ng taxi. Medyo kinabahan siya na baka hindi na siya matatandaan ng babae. Pero nakahinga siya ng maluwag nang paglingon nito sa kaniya at bumakas agad ang rekognisyon sa mga mata nito at masayang ngumiti. "Anika!"

Gumanti siya ng ngiti at lumapit dito. "Kamusta Sheila?"

"Ayos naman. Nagkataon lang ba na napadaan ka sa Happy Mart ngayon?"

Umiling siya. "Pinagtanong ko kung saan kita makikita. Mula nang dumating ako sa maynila, kayong dalawa pa lang ni Sylve ang nakilala ko na masasabi kong pwede kong maging kaibigan. Kaya... ano... kailangan ko kasi ng tulong."

"Walang problema. Ano ba 'yon? Halika sa office. Doon tayo mag-usap." Hinatak siya ni Sheila papasok sa opisina at pinaupo sa isang silya.

Huminga ng malalim si Anika. "Kailangan ko ng matitirhan. Nagbabakasakali lang ako na may alam ka o kaya ang mga kakilala mo ng apartment na mura lang. Iyong makakalipat sana ako agad."

"Agad as in kailan?"

Ngumiwi siya. "Agad as in ngayong araw. P-pinaalis na kasi ako sa tinitirhan ko." Ayaw niyang sabihin ang detalye ang 'pagpapaalis' at sana huwag na itong magtanong.

Nasagot ang hiling niya kasi tumango si Sheila at imbes na magtanong pa ay sinabing itatanong nito sa landlady ng apartment building kung saan ito nakatira kung may bakanteng unit doon. Katunayan kinuha agad ng babae ang cellphone at tumawag agad. Mayamaya nginitian siya nito at nag-thumbs up. Nanlaki ang mga mata ni Anika at napangiti nang ibaba nito ang cellphone at sabihing may unit na kakabakante lang daw. "Gusto mo puntahan na natin ngayon? Ilang minuto lang mula rito 'yon. Doon ko pinili tumira kasi malapit sa trabaho."

"Okay lang ba?" tanong ni Anika pero tumayo na siya. Sabik na siyang makita ang apartment na sinasabi nito. May hawak pa naman siyang pera kasi hindi naman pumayag si Trick na gumastos siya sa ospital para sa Tatay niya. Kahit magtipid siya sa kain hanggang sa susunod na sweldo, ayos lang basta may matuluyan siya.

Tumayo na rin si Sheila at nagpaalam lang sandali sa kaniya para raw magsabi kay Jesilyn na aalis ito. Makalipas ang limang minuto bumalik na ang babae at nakangiti siyang inaya palabas ng Happy Mart.

Kompara sa Bachelor's Pad, mas maliit, simple at luma ang apartment building na pinuntahan nila. Pero ayos lang 'yon kay Anika kasi hindi tulad ng tinitirhan ni Trick, maraming bukas na espasyo ang gusali na tinitirhan ni Sheila. E ano kung hindi aircon na katulad ng unit ng binata ang studio-type apartment na ipinakita sa kaniya ng landlady? Malaki naman ang bintana na nakaharap sa parte kung saan sumisikat ang araw. Higit sa lahat, napakiusapan nila ni Sheila ang may-edad na babae na one-month rent deposit na lang ang hingin muna sa kaniya imbes na tatlong buwan.

Bago siya bumalik sa opisina ay mahigpit niyang niyakap si Sheila. Paulit-ulit siyang nagpasalamat sa babae. Natawa ito at gumanti ng yakap. Pagkatapos nilang mangako sa isa't isa na magkikita mamayang gabi, naghiwalay na sila.

Halos takbuhin ni Anika ang hallway ng executive's floor para lang makarating agad sa opisina at makita si Trick. Naabutan niya itong nayuko sa mga papeles sa lamesa nito. Nagtatrabaho pa rin katulad kanina nang iwan niya ito. Nawala ang pagkasabik niya at kumunot ang noo niya. "Hindi ka nag-tanghalian?"

Gulat na tumingala ito. Na para bang noon lang napansing may dumating. Ibig sabihin sobrang tutok na naman ito sa trabaho. Bumuntong hininga siya at lumapit sa lamesa nito. "Alam ko na workaholic ka pero huwag mo pabayaan ang sarili mo Trick. Hindi magandang nalilipasan ng gutom."

"How about you? Did you eat?" tanong nito.

Natigilan siya. Ngumiwi. Nawala kasi sa isip niya kumain. Pero napangiti siya uli nang maalala ang gusto niyang sabihin sa binata. "Pero nakakita na ako ng matitirhan ko."

Umangat ang mga kilay ni Trick. "That's fast."

"Oo nga eh. Ang swerte ko lang kasi nagkataong may kakaalis lang na tenant sa apartment building kung saan nakatira si Sheila. 'Yung gamit ko pala sa unit mo..."

"Pwede natin daanan mamaya bago tayo pumunta sa apartment mo."

Kumurap siya. "Tayo? Sasama ka sa bahay ko?"

"Of course. But for now..." Iniligpit nito ang mga papeles sa harapan nito at pagkatapos ay tumayo. Ngumiti si Trick. "Let's eat lunch. I'm hungry."

"Gutom ka pala bakit hindi ka pa kumain kanina?" takang tanong ni Anika.

Naglakad palapit sa kaniya ang binata, mahinang tumawa at magaan na pinisil ang baba niya. "Hinihintay kita."

Nagliparan ang mga paru-paro sa sikmura niya at bumilis ang tibok ng puso niya. Ngumiti si Trick at hinawakan ang siko niya. "Let's go." Hindi pa rin siya nakapagsalita at hinayaan itong akayin siya palabas sa opisina nito. Nakatitig lang siya sa mukha nito habang parang pinipiga ang puso niya. Alam niya ang pakiramdam na 'yon. Naramdaman na niya 'yon dati. At alam niyang hindi niya dapat maramdaman ngayon. Hindi para kay Trick.

Bachelor's Pad series book 11: ISLAND GIRL'S TYCOONWhere stories live. Discover now