Part 3

42.9K 880 24
                                    

ALAM NI ANIKA LEJARDE na darating ang araw na ito. Alam niya na masyadong masaya ang nakaraang isang buwan ng buhay niya para hindi magkaroon ng katapusan. Ganoon nga yata talaga ang kapalaran niya. Pinatikim lang siya ng sandaling saya at pagkatapos babalik na uli sa normal ang buhay na kinalakihan na niya.

Mahapdi pa ang balat niya dahil sa pagkasunog sa araw at tagaktak ang pawis niya mula sa ilang oras na pagtulong sa tatay niyang mangisda nang humahangos na lumapit sa bangka ang kapatid niyang si Nestor para ihatid ang balita. Ni hindi pa nga sila nakakadaong ng maayos ay sumisigaw na ito.

"May dumating na taga-bayan!"

Iyon pa lang, para nang may sumuntok sa dibdib ni Anika. Nanlamig siya at nagkatinginan silang mag-ama. Isa lang ang pwedeng rason kung bakit may pupunta sa isla nila na dinadayo lang ng mga politiko kapag eleksiyon at nakakalimutan na pagkatapos. "T-tay..."

"Alam nating mangyayari 'to, anak. Sinabi ko nang paghandaan mo 'to," puno ng simpatyang sagot ng kanyang ama. "Hala't magpunta ka na sa bahay. Ako na ang bahala sa huli at lambat natin."

Uminit ang gilid ng mga mata niya pero pilit na kinalma ang sarili. Tumalon siya mula sa bangka at nilakad ang hanggang tuhod na tubig hanggang makalapit siya sa kapatid niya. "Wala naman akong nakikitang bangka ah."

"Sa kabilang dalampasigan sila dumaong. Nasa bahay sila. Ate... aalis na siya?"

Kumirot ang puso ni Anika. May bumara sa lalamunan niya kaya malayo na ang nalalakad nilang magkapatid bago niya nagawang sumagot. "Kung 'yon ang gusto niya."

Halatang nalungkot si Nestor. "Ayaw ko siya umalis, ate." Tiningala siya nito. "Masaya ka mula nang dumating siya."

Kumurap siya at nag-iwas ng tingin. Binilisan niya ang paglalakad para hindi makita ng kapatid niyang naiiyak na siya. Mayamaya pa tumatakbo na sila hanggang makarating sa bahay nilang gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero. Nakabukas ang pinto kaya nakikita ni Anika ang mga tao sa loob. Bumilis ang tibok ng puso niya at nanlamig ang buo niyang katawan habang marahang naglalakad palapit sa mga ito.

"Hindi namin naisip tingnan ang isla na ito sa nakaraang mga linggo. Malaking pagkakamali. 'Di sana mas maaga kang nakauwi sa pamilya mo, Mr. Alfonso." Narinig niyang sabi ng isang matandang lalaki na kung tama siya ng pagkakatanda ay Mayor ng bayan kung saan sakop ang isla kung saan sila nakatira.

"It's okay. I don't regret staying here for one month. Though I know it was hard for my family. Babawi ako sa kanila."

Napakurap si Anika at napasinghap pagkahinto niya sa mismong pinto ng bahay nila. Napalingon sa kaniya ang lahat ng naroon, kabilang na ang kanyang ina at ang lalaking ngayon lang niya narinig magsalita ng ingles. Nakakaintindi siya at marunog naman magsalita 'non kasi naka-graduate naman siya ng high school. Pero hindi 'yon ginagamit sa bahay nila. Elementary lang ang naabot sa pag-aaral ng magulang niya kaya kaunting tagalog at bicolano lang ang alam ng mga ito.

Nagkatitigan sila ng lalaki. Halatang nagulat itong makita siyang naroon.

"Still, Mr. Alfonso. Dapat nagpahatid kayo sa bayan umpisa pa lang. Marami ang nagsasabing baka patay ka na," sabi nang isang lalaki na kasama ng Mayor nila.

"Ayaw niya magpahatid sa amin kasi wala raw siyang natatandaan maliban sa pangalan niya. Nag-alala kami na baka nasa panganib ang buhay niya kaya siya napadpad sa isla kaya hindi na namin ipinilit na dalhin siya sa bayan o ipagkalat na nakita namin siya," sagot naman ng Nanay ni Anika.

Bachelor's Pad series book 11: ISLAND GIRL'S TYCOONWhere stories live. Discover now