Part 6

35.1K 792 26
                                    


KUMALAT ang kilabot sa katawan ni Anika habang hayagan siyang pinapasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa nang lalaking tinawag na Trick. Kung hindi lang siya naiilang at nahihiya baka pinakatitigan niya rin ito. Kanina pa lang, nang sandali niyang masulyapan ang mukha nito ay nakita na niyang guwapo ang anak ni Patrick. Matangkad din. Maganda ang pangangatawan at ang tindig. Maganda rin magdala ng damit at malakas ang dating. Pero kung maamo ang mukha ng tatay nito, si Trick mukhang suplado.

Base rin sa mga naging kuwento ni Patrick habang nakasakay sila ng eroplano papunta sa Maynila, masyado raw seryoso ang anak nito at hindi marunong tumawa. Kaya naman pala sa edad na bente siyete ang kinis pa rin ng mukha ni Trick. Walang laugh lines at hindi kita ang pores. Sabi rin ng tatay nito, genius daw ang binata. Hindi rin daw marunong magrelax at ayaw nagsasayang ng oras.

Pero ang impormasyon na talagang tumatak kay Anika ay ang sinabi ni Patrick na hindi raw ito close sa anak. Katunayan, sa nakaraang isang buwan daw na pananatili nito sa isla nila, narealize ng lalaki na ito ang may kasalanan kung bakit napalayo ang loob ng anak nito. At na ngayong nabigyan ito ng pangalawang pagkakataong mabuhay, gagawin nito ang lahat ng makakaya para maging malapit sa anak.

Sa tingin niya mahihirapan si Patrick sa plano nito. Kasi iba sa inaasahan niya ang reaksiyon ng anak nito. Hindi ba dapat masaya ito na nagbalik ang ama na nawala ng isang buwan? Pero bakit ganito ka-tensiyonado ang sandaling ito? Ganito ba talaga ang mayayaman?

Naglakas loob si Anika na titigan ang mukha ni Trick na tiyempo namang nag-angat na ng tingin kaya nagtama ang mga mata nila. Wala sa loob na napasiksik siya sa tagiliran ni Patrick nang makita ang galit at disgusto sa titig ng binata. Tumayo ang mga balahibo niya at nanginig siya sa takot. Kasi alam niya na siya ang dahilan ng galit na 'yon.

"You must be kidding," mahina pero malamig na sabi ni Trick. Ang tatay nito ang kausap pero sa kaniya pa rin nakatingin.

"No. I've never been this serious for a very long time, Trick," seryosong sagot ni Patrick.

Mariing tumikom ang bibig ng binata, naningkit ang mga mata. "You really are a selfish man. Hindi mo man lang ba naiisip ang nararamdaman ni Mama? For God's sake, grow up, Papa!"

Humigpit ang braso ni Patrick na nakaakbay kay Anika. "That is exactly what I'm doing now, son. Siya ang dahilan kaya buhay pa ako ngayon. Dapat lang na gantihan ko ang kabutihang ginawa niya para sa akin."

"You can just give her money! Bakit kailangan mo pa siya dalhin dito?"

Napaatras na naman si Anika, nasaktan sa sinabi ni Trick.

"That's enough!" sigaw ni Patrick. "Nakapagdesisyon na ako. So stop talking as if she's not here. Dito na titira si Anika. She will be under the protection of our family and that's final."

"Oh, Pat, why can't you get it? Why are you doing this to me?" hagulgol ng asawa ni Patrick. Tumalikod ito at habang umiiyak pa rin ay patakbong umakyat sa hagdan. Naramdaman niyang na-tense ang katawan ng lalaki habang nakasunod ang tingin sa asawa na para bang gusto nitong tumakbo pahabol pero nagpipigil lang.

Napatingala siya sa mukha nito at kumirot ang puso ni Anika. Kasi mula pa kanina nang dumating sila sa bahay na 'yon, nang makita niyang yakapin ni Patrick ang asawa nito at halikan ito sa mga labi, nasiguro niya na talagang mahal nito ang babae. Nakikita niya sa mga mata nito habang hinahabol ng tingin ang asawa ang pagmamahal na hindi nito maibibigay sa kaniya kahit kailan.

Kailangan na niyang kalimutan ang pagmamahal na naramdaman niya para sa Patrick na nakilala niya sa isla. Kasi hindi 'yon ang lalaking nasa tabi niya ngayon. Ang lalaking nakasama niya sa isla, isa lang ilusyon at gawa lang ng imahinasyon niyang desperadong tumakas sa reyalidad.

Bachelor's Pad series book 11: ISLAND GIRL'S TYCOONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon