Part 14

32.8K 783 8
                                    


Naglakad sila palapit sa pareha. Malayo pa lang sila napatingin na sa kanila ang lalaking katabi ni Janine Visperas. Umangat ang mga kilay nito at pinagpalit-palit ang tingin sa kanila.

"May kasama ka. That's surprising," sabi ng lalaki nang makalapit sila. Nakatutok kay Trick ang tingin nito.

"She's my assistant, Draco." Mukhang hindi naniniwala ang lalaki at tiningnan ang kamay ni Anika na nakakapit sa braso ni Trick. Agad na bumitaw siya at medyo lumayo ng konti sa binata. Masyado yata silang magkadikit para sa isang boss at assistant. Napatingin sa kaniya si Draco at umangat ang gilid ng mga labi nito na parang naaliw sa ginawa niya. Uminit ang mukha niya.

"Stop staring at her," biglang sabi ni Trick sa tono na noon lang niya narinig mula rito. Napalingon siya rito. Nakasimangot ito habang masama ang tingin kay Draco. "Nasa tabi mo lang ang fiancée mo."

Natawa si Janine. "I don't mind but looks like you do, Trick. Bakit kaya?"

Natensiyon ang buong katawan ni Trick at nang sulyapan niya ito parang tumingkad ang kulay ng mga pisngi nito. "I don't know what you're talking about."

Nagkatinginan sina Draco at Janine. Pagkatapos ay sabay na tumawa. Hindi alam ni Anika kung ano ang nakakatawa. Pero may palagay siyang ang boss niya ang tinatawanan ng mga ito.

"Kung hindi lang kita possible business partner, mag-wo-walk out na ako, Janine."

Ngumisi ang babae. "Then I'm glad you are interested sa plano kong expansion. After all, ikaw ang unang nag-suggest 'non. At bago kita maging business partner, kaibigan ka ng fiancée ko so kaibigan na rin kita." Sumulyap ito sa kaniya, lumawak ang ngiti at inilahad ang kamay. "Hi. Anong pangalan mo?"

"Anika." Inabot niya ang pakikipagkamay nito.

"Anika. I'm Janine. Enjoy the night, okay?"

Ngumiti siya at tumango. Mayamaya pa nagpaalam na ang pareha para lumapit sa iba pang bisita. Nagpunta naman sila sa isang malaking lamesa kung saan naroon ang iba pang mga kaibigan nito. Katulad nina Draco halatang nagulat ang mga ito na may kasama si Trick. At kahit nang ipakilala siya nito bilang assistant hindi pa rin tumigil ang mga kaibigan nito na mangantiyaw. Halatang nainis ang boss niya pero sa lamesang 'yon pa rin sila pumuwesto. Magkatabi silang umupo at nanatili roon kasi nagsimula na ang program.

Sa unang pagkakataon nakita ni Anika kung paano umakto si Trick kapag mga kaibigan ang kasama. Wala naman masyadong kaibahan sa attitude nito kapag nasa opisina sila. Hindi pa rin ngumingiti at seryoso pa rin ang mukha. Pero napansin niyang mas malambot ang ekspresyon sa mga mata nito. Halatang importante at komportable ang binata na kasama ang mga kaibigan nito. Hindi niya tuloy mapigilan mapangiti sa tuwing napapatitig siya sa mukha nito.

Bandang alas diyes ng gabi, naging kaswal na ang kanina ay pormal na party. Siguro kasi nakainom na ang mga tao at relaxed na. Nagtatawanan na at maraming pareha ang nagsimulang sumayaw sa dance floor. Sa isang iglap, naubos ang tao sa lamesa nila. Puro pareha kasi ang kasama nila. Naiwan tuloy sila ni Trick na tahimik lang na nanonood sa mga kaibigan nito.

"Nang makilala mo ba sila, magkakarelasyon na sila?" basag ni Anika sa katahimikan.

"No. The guys are my neighbors. We all live in the same building and they became my friends eventually. May iba pa na hindi naka-attend ngayong gabi. Though may iba na lumipat na ng tirahan kasi nag-asawa na sila, we still see each other at least once a month."

Napangiti na naman siya habang nakatitig sa mukha nito. Pero sa pagkakataong 'yon tumingin din ito sa kaniya kaya nahuli nitong nakatitig siya. Uminit ang mukha ni Anika at bago pa niya mabawi ang tingin ay umangat na ang mga kilay ni Trick at kumislap sa kuryusidad ang mga mata. "Why are you smiling while staring at me like that?"

Sandaling itinikom niya ang bibig bago sumagot, "Nakakatuwa ka lang tingnan kapag napapalibutan ka ng mga kaibigan mo. Nagiging mabait ka tingnan. Kasi kahit hindi ngumingiti ang labi mo, nakangiti naman ang mga mata mo. Ngayon lang kita nakitang masaya kaya natutuwa ako."

Kumurap si Trick. Pagkatapos lumingon sa dance floor at parang may iniisip. "Maybe because they are my only friends," mahinang sabi nito. "Bago ko sila nakilalang lahat, hindi ako nagkaroon ng interes makipagkaibigan. I think it's a waste of time. Pero mali pala ako." Ibinalik nito ang tingin sa kaniya. "Katulad nang mali ako na hinusgahan kita agad at nagalit ako sa'yo kahit hindi ko pa naman alam ang buong kwento tungkol sa koneksiyon niyo ni Papa. I should have asked properly instead of jumping into conclusions."

Na-touch si Anika. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin kaya ngumiti na lang siya. Matagal na nagkatitigan sila. Pagkatapos, sa pagkabigla niya ay umangat ang gilid ng mga labi ni Trick. Isang munting ngiti. Bigla ay parang hinalukay ang sikmura niya. Tumalon ang puso niya. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag ang epekto ng ngiti nito sa sistema niya. Pero mukhang nakita 'yon ng binata sa kanyang mga mata. Kasi nawala ang ngiti nito, kumurap at sandaling bumaba ang tingin sa baso ng wine na hawak nito.

Napatingin din tuloy siya sa baso sa harap niya. Nakita niya sa gilid ng mga mata niyang inubos nito ang laman ng baso nito. Kaya 'yon din ang ginawa niya. Kahit hindi siya sanay uminom ng wine pinilit pa rin niyang lunukin 'yon. May init na humagod sa lalamunan niya hanggang sa sikmura niya. Biglang tumayo si Trick kaya napatingala siya rito. "Saan ka pupunta?"

Umangat ang mga kilay nito at inilahad ang isang kamay sa harap niya. "Sa dance floor. Tayong dalawa na lang ang nakaupo sa isang tabi."

Nanlaki ang mga mata ni Anika at iginala ang tingin sa paligid. Tama ito. Sila na nga lang ang nakaupo. Halos lahat ay sumasayaw. Ang iba nakatayo sa iba't ibang panig at masayang nagkukwentuhan. Ibinalik niya ang tingin kay Trick, alanganing ipinatong ang kamay sa palad nito at saka tumayo. "Baka maapakan kita o kaya matisod ako. Hindi ako komportable sa sapatos na suot ko," bulong niya.

Humigpit ang hawak nito sa kamay niya. "Don't worry. Just relax, enjoy the music and everything will be all right." Saka siya nito hinila papunta sa dance floor.

Tama ang binata. Nang sandaling nasa gitna na sila at gumalaw sa saliw ng awitin, habang nakapatong ang mga kamay niya sa balikat nito at ang mga kamay naman nito magaang nakahawak sa baywang niya, narealize ni Anika na nag-e-enjoy siya. Nang tingnan niya ang mukha nito, nakita niyang relaxed din ang ekpresyon nito at umangat pa ang gilid ng mga labi nang makitang nakatingin siya.

"See? Madali lang sumayaw," bulong nito.

Matamis siyang ngumiti at tumango. "Ang saya pala ng ganito. Noong high school ako, hindi ako nakasama sa prom kasi wala akong pambiling damit. Hindi rin ako nakakasali sa mga sayawan kapag fiesta. Ito ang unang beses na sumayaw ako ng ganito," pag-amin niya.

Napatitig sa mukha niya si Trick. May dumaang emosyon sa mga mata nito na hindi niya mabigyan ng pangalan. Medyo dumiin ang mga kamay nito sa baywang niya. Pero hindi ito nagsalita. Ayos lang. Basta komportable at masaya siya sa sandaling 'yon. Hindi na kailangan pa ng mga salita. Kasi pakiramdam niya, kahit papaano naging mas malapit sila sa isa't isa sa gabing 'yon. Ewan niya kung bakit, pero para siyang nabunutan ng tinik sa dibdib at nakahinga siya ng maayos sa isiping 'yon.

Bachelor's Pad series book 11: ISLAND GIRL'S TYCOONWhere stories live. Discover now