9. LETTER TO MAYET

Začít od začátku
                                    

“Papaano ka nakapasok?” malayong sagot niya rito.

“Umakyat ako ng bakod. Pasensya na talaga, ha.” Hinging paunmanhin nito.

Napabuntong hininga siya. “Devon… hindi mo dapat ito ginagawa. Papaano na lang kapag nalaman nilang wala ka sa bahay ninyo ng ganitong oras? Tiyak na magaalala ang pamilya mo…”

“Gusto lang naman kitang makita at makasama,” malungkot nitong saad. “Pati ba naman ikaw, pipigilan mo pa ako?”

Naloko na. Nagsabi na ito ng ganoong salitang nagpapalambot ng depensa niya. “D-Devon…”

“Nag-aaral naman akong mabuti…” anito. Napakagat siya sa ibabang labi ng ilabas nito sa bulsa ang isang quiz paper nito at napangiti siya. Filipino subject iyon at lima lang ang mali nito. Noon kasi ay laging kalahati ang nakukuha nito. Natutuwa siyang makitang malaki na ang naging improvement nito. “Magaaral pa akong maigi para dito na lang ako. Ayoko na rin sa New Jersey. Wala naman akong nakakasama doon. Mabuti pa rito. Nand’yan sina ate. Nandito ka rin… alam mo bang ikaw ang inspirasyon ko?”

“D-Devon…” anas niya. Umaalon na ang puso niya ng sandaling iyon. Alam niyang mali pero hindi niya mapigilang makaramdam ng ligaya dahil sa kaalaman siya ang ginagawa nitong inspirasyon.

“Ang talino mo. Sikat na sikat ka sa school dahil sa mga achievements mo kaya dapat lang na hindi ako maging alanganin sa’yo,”

Tunaw na tunaw ang puso niya. Saglit siyang hindi makahagilap ng mga dapat na sabihin dito. Ni hindi niya ito magawang mapangaralan. Biglang nablanko ang isip niya dahil sa ligayang hatid nito ng sandaling iyon.

“I never thought about age gap.” Masuyong saad nito at hinawakan ang magkabilang pisngi niya. Naginit ang mukha niya dahil iniyuko siya nito. “Even our heights don’t really matter to me.”

Hindi niya mapigilang matawa sa sinabi nito. Napasimangot ito at lalo siyang natawa. “I’m serious,” angal nito.

Umalog-alog ang balikat niya. “Sorry… hindi ko mapigilan.” Amin niya rito.

Ang totoo’y hindi niya pinagtatawanan ang agawat ng height nila kundi naaliw siya sa lakas ng loob nitong digahan siya sa kabila ng agawat nila.

“Tatangkad din ako,” tiwalang saad nito.

“Alam ko,” aniya saka ngumiti rito. Matagal niya itong tinitigan hanggang sa ipinatong ang kamay sa ulo nito at ginulo ang buhok noon. “Umuwi ka na. Gabi na,” bilin niya rito.

“I also wanted to give this. Last time, pinagalitan ako ni ate. Nakakahiya daw ang ginagawa ko.” anito saka napasimangot. “Wala naman akong makitang masama dito. I shouldn’t be ashamed of expressing my feelings, right?”

Napanganga siya ng iabot nito ang isang liham sa kanya. Halos matulala na siya sa mga aksyon nito. Nagririgodon tuloy ang puso niya! “Pero Devon…”

“Pati ang mommy mo, kinausap ako. Marami ka raw pangarap sa buhay at baka guluhin ko lang ang isip mo,” seryosong agaw nito sa sasabihin niya at tinitigan siya nito. “I won’t be a hindrance, I promise. Maghihintay naman ako. Kahit ako, kailangan ko rin naman mag-aral maigi kaya makakaasa kang hindi ko guguluhin ang pag-aaral mo.”

Napatango siya. Doon niya naunawaan ang naging aksyon ng mommy niya. Ganoon din naman siya kaya hangga’t maaari ay hindi siya tumatanggap ng manliligaw. Si Devon lamang ang makulit at hindi niya matanggihan.

“Aalis na ako, ha. Okay lang kahit hindi mo sagutin ang mga sulat ko. Basta basahin mo, ha.” Lambing nito sa kanya. Hinawakan pa nito ang kamay niya at pinisil. Naginit ang puso niya sa lambing nito.

“S-Sige…” aniya at tumango ito. Naglakad na ito palayo sa kanya at tumalon ang puso niya ng huminto ito saka muling pumihit pabalik. Malalaki ang hakbang nito at dumagundong ang puso niya sa kaba.

Napasinghap na lamang siya ng hawakan nito ang kamay niya at hinalikan ang palad niya. Para siyang tinamaan ng kidlat! Matindi ang boltaheng iyon na nagpatunaw ng tuhod niya.

“H-Hindi ko pa abot ang pisngi mo kaya sa palad na lang ang good night kiss,” nahihiyang amin nito saka tumakbo na.

Natutop na lamang niya ang palad sa dibdib habang nakatangang pinanood itong umalis.

Muli, iniwanan na naman siya nitong halos sumabog ang puso sa pagkabigla. Hindi talaga ito nauubusan ng paraan para biglain siya hanggang sa napahagikgik siya.

Napakaloko din ni Devon ngunit sa sweet at nakakatuwang paraan. Napahinga siya ng malalim para pakalmahin ang pusong nagwawala ng sandaling iyon. Nang makahuma ay pumasok na siya at nahigang muli na may ngiti sa labi.

Napatingin siya sa liham nito at binuklat iyon.

Dear Mayet,

                         Sana, matupad lahat ng pangarap mo. Nandito lang ako. Behave lang sa isang tabi at hindi kita guguluhin. Pangako ‘yan.
                      
                                          Devon

Tuluyan na siyang napangiti at napailing. Tinago na niya ang liham sa ilalim ng unan at nagbasa ng leksyon.

Ang gaan-gaan ng puso niya ng sandaling iyon at gusto niyang matawa sa sarili dahil nakangiti siyang nagbabasa. Napailing na lamang siya sa sarili.

MY HANDSOME LITTLE DEVON (PUBLISHED UNDER PHR)Kde žijí příběhy. Začni objevovat