Liham ng Pag-ibig 14

100 5 0
                                    

TAHANAN NG MGA DEL PILAR,

SAN JOSE, BULAKAN

"ANDENG! Nagbalik na sila!" Agad akong sinalubong ng pinakamatanda naming kapatid, batid kong umaasa siya na makarinig ng isang magandang balita.

"Kamusta ang lakad ninyong mga musketero?" Sa oras na malaman ng mga ate na hindi kami nagtagumpay na makuha ang basbas ng pangulo, ay paniguradong gagawin rin nila ang lahat upang hindi matuloy ang aming plano.

"Mahal ko, anong nangyari?" Lumapit si ate Andeng kay Socorro at pilit itong pinatiningin sa kanya gamit ang paghaplos sa mukha nito. Huwag kang iimik, Socorro.

"Bakit ba walang umiimik sa inyo? Huwag ninyong sabihing sumablay ang inyong pakay?" Nasa akin ang mata ng lahat, kailangan ko nang magsalita. Dito nakasalalay ang pangalan at dignidad ng aking hukbo.

"Si Goyo na lamang ang inyong tanungin." Malamlam kong tiningnan si ate Maria, at nabuo ang aking desisyon.

"Ibinigay ng Presidente ang kanyang basbas." Nagliwanag ang mukha ng aking mga ate, samantalang pagkadismaya ang narinig ko mula sa buntong-hininga ng aking mga kasama.

"Ngunit, hindi niya kami mabibigyan ng dagdag fuerza, hindi ba mga kasama?" Mga gunggong, umayos kayo! Pinanlakihan ko sila ng mata, at isa-isa silang nagsitanguan bilang pagsang-ayon.

"Tama po ang Capitan, ateng Maria, ateng Andeng." Salamat naman at naisip ni Isidrong umimik upang mawala ang pagtataka ng aking mga kapatid.

"Totoo ba iyon, mahal ko?" Sapul na takot sa asawa itong si Socorro, kaya't laking pasasalamat ko rin sa kanyang pagsang-ayon.

"Pinagdududahan ba ninyo itong ating utol?" Ginulo ni Kuya Julian ang aking buhok at hinila na ako papasok ng aming bahay.

"Goyong, sigurado ka ba sa iyong desisyon?" Kaya naman pala, hindi natuwa si Kuya Julian sa aking ginawa. Binubulungan niya ako ngayon habang nasa likod namin ang iba at kasunod.

"Hindi tayo seseryosohin ng presidente, kung hindi tayo gagawa ng hakbang na walang bigat." Sisiguraduhin kong makukuha namin ang loob at respeto ng presidente pagkatapos ng paglusob na ito.

"Sisimulan na ba natin ang pagpa-plano sa gagawing paglusob?" Napakasigla ng ate Andeng ngayong araw, minimithi rin ba niya ang paglusob?

"Sandali, anong 'natin', mahal ko?" Marahil ay hindi na natatandaan pa ni Socorro ang napag-usapan kagabi, lunong-luno sa alak ang aking bayaw!

"Hindi ba't pumayag sina ate na tumulong sa paghahanda para sa ating kasuotan?" Agad akong pumagitna sa kanila habang inaayos ang aking uniporme.

"Ah, tungkol sa kasuotan, hindi na kami makatutulong ni ate Maria." Anong hindi? Saan kami kara-karakang makakukuha ng sampung terno? Hindi naman ako maaring manghiram mula sa aking mga kaibigang babae, baka mamaya niyan ay magi ko itong isang malaking utang na loob. Hindi magandang bagay ang magkaroon ng utang na loob sa isang babae, lalo na kung alam mong may lihim itong pagtingin sa iyo, binibigyan mo lamang ng pag-asa.

"Kung ganoon ay sino ang magpapahiram sa amin ng kasuotan?" Bakit ba hindi maaari ang kanilang mga kasuotan? Kung pagsasama-samahin nila ang kanilang kakaunting pag-aari ay makabubuo naman ito ng sasapat para sa aking hukbo.

"May kailangan ka lamang kalabitin at lambingin, Goyong." Kalabit at lambing? Anong tingin sa akin ng ate? Isang lalaking bayaran, na pagkatapos suyuin ang isang babae ay manghihingi ng kapalit?

"Ano?"

"Ang anak ng mananahi, si Consuelo. Marami siyang baro't sayang maaaring ipahiram sa inyo." Ano? Yoong matabang binibini? Dios ko po! Sa tuwing magkakasalubong kami'y kulang na lamang ay maglaway siya sa aking harapan! Makakaya ko ba ito?

Huling Pag-ibig ng Batang HeneralWhere stories live. Discover now