Panimula

621 24 1
                                    

"Hinayaan ako ng Heneral na mamili ng mga sundalong maaaring mag-buwis ng buhay at inatasan ako upang depensahan ang paso. Napagtanto ko kung gaanong kakila-kilabot ang utos na ini-atas sa akin, ngunit sa kabila nito ay naramdaman kong ito na ang pinaka-maluwalhating bahagi ng aking buhay. Ang aking ginagawa ay para sa mahal kong bayan. Walang ng sakripisyo pa ang mas hihigit dito."

-Heneral Gregorio del Pilar Y Sempio

(Huling tala sa kanyang dyornal)

-

Sa isang artikulo ng Boston Evening Transcript, idinetalye ni John MacCutcheon; isang mama-mahayag ng gyera ang tungkol kay del Pilar. Isinulat niya na si Gregorio del Pilar at Dolores Nable Jose ay nakatakdang ikasal noong kalagitnaan ng buwan ng Nobyembre, taong 1899, ngunit ito ay naunsyami at tuluyang hindi natuloy.

Nakasaad din sa artikulo na nang namatay ang Heneral ay nasa mga labi nito ang isang panyong may nakaburdang 'Dolores' at ang mga liham na nanggaling sa dalaga.

Kilala ni McCutcheon ang Heneral pagkat makailang ulit na niya itong nakapanayam noong kasagsagan ng gyera. Kasama pa nga siya nang dambungin ng mga Amerikanong sundalo ang bangkay ni del Pilar. Kung s'ya man ay nagkamali sa naitala ay itinama na sana niya ito, ngunit walang nagbago.

Ang bayograpiya namang isinulat ni Isaac Cruz Jr. tungkol kay del Pilar na pinamagatang 'GENERAL GREGORIO DEL PILAR: Idol of the Revolution ay naglalaman ng mga panayam kina Lt. Jose Enriquez at Capitan Isidro Wenceslao na siyang mga nakaligtas nang maganap ang Labanan sa Pasong Tirad.

Si Enriquez ay kapatid ng aide de camp ni del Pilar na sina Vicente at Analecto; sila rin ay kababata at kapit-bahay ng Heneral. Sinabi niyang ipinakita ni Maj. March ang mga personal na gamit ng Heneral na nakulimbat nila at mismong si Dolores Nable Jose ang hinahanap upang may isauli.

Si Capitan Isidro Wenceslao naman ay ang isa sa Pitong Musketero ng Pitpitan na siyang kasama ni Del Pilar sa Labanan sa Kakarong de Sili. Sinabi niyang si Dolores lamang ang namamalagi sa isipan ni del Pilar nang huli silang makipagkita sa Presidente .

Isa pa ay ang istorya ng 'NANDARAGUPAN: The story of a Coastal City and Dagupan Bangus'. Pinangalanan nito si Dolores bilang isang magandang dilag na nakapagpa-ibig sa Batang Heneral.

Kasabay ng pagkamatay ng Heneral ay siya ring pagkawala ni Dolores sa kasaysayan, 'pagkat hindi nabanggit ang kanyang pangalan sa isang pagdidinig sa hukuman na nagtala ng pangalan ng kaniyang Ama at mga kapatid noong taong 1916.

Ika-4 ng Disyembre, 1965
Philippine Free Press
Remembering del Pilar
by: Carlos Quirino

Isang matandang babae ang nakapanayam ng manunulat na si Carlos Quirino na nagngangalang Remedios Nable Jose. Kanyang isiniwalat na siya ang huling pag-ibig ng Batang Heneral at hindi ang kanyang kapatid na si Dolores.

Labing-pitong taong gulang pa lamang siya nang makilala niya ang Heneral. Inilarawan niya ito bilang isang "very romantic young man".

Sa katunayan nga raw ay nakatakda silang mag-isang dibdib ngunit nang mapagtanto niyang babaero si del Pilar ay hindi niya ito sinipot sa altar.

Nang mamatay ang Heneral noong ika-2 ng Disyembre, 1899, ipinatawag daw siya ni General Arthur McArthur upang isauli ang mga liham na pagmamay-ari ng Batang Heneral na nanggaling kay Remedios, ngunit hindi siya nagpunta kaya't ipinadala na lamang ang mga ito.

Kung tunay man ang kanyang sinabi ay walang makapagpapatunay, lalo't hindi ang mga sulatan nilang hindi mawari kung ano ang sinapit matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa kabila ng lahat ng ito ay nananatiling misteryo ang buhay-pag-ibig ni del Pilar.

Sino nga ba ang tunay na huling pag-ibig ng Batang Heneral?

Huling Pag-ibig ng Batang HeneralWhere stories live. Discover now