Liham ng Pag-ibig 20

94 2 1
                                    


Pilit kong iwinawasiwas ang aking mga kamay upang pigilan ang aking pagkahulog, at sa wakas ay may nahawakan na ako, ngunit hindi ko makita kung ano ito. Malambot.. ito ba'y isang.. kumot?

Napabalikwas ako sa aking pagkakahiga, at nakitang kumot nga ang aking hawak-hawak, may unan rin akong kinukuyumos. Agad kong binitawan ang lahat, at napagtantong panaginip lang ang lahat. Isang masamang bangungot na maaari kong gawan ng paraan upang masiguradong hindi ito mangyayari at nangyari.

Patakbo akong bumaba mula sa hagdan, at nakasalubong si Felicidad.

"Goyo, kamusta ang iyong tulog?" Naala-ala ko ang kanyang ginawa sa aking bangungot, at natakot ako sa kanya, kaya naman hindi ko siya sinagot, at nagdirediretso na palabas upang makaalis na.

Puñeta! Hindi ko nga pala dinala ang aking kabayo. Wala akong ibang magawa kundi ang maglakad nang paspasan upang makasigurong wala talagang masamang nangyari kay Remedios. Bakit ba ipinakita sa akin ng Diyos ang pangitaing iyon? Isa ba itong senyales na dapat ko nang itigil ang kalokohan ko sa kababaihan, at higpitan ang pagbabantay sa bayan? Puwes ay hindi ko ito nagustuhan.

"Heneral Goyong, saan ka ba pupunta at nagmamadali ka?" Nakasalubong ko si Ka Miong, at sa aking pagmamadali'y halos hindi ko na siya napansin.

"Sumama ka sa akin, may mahalaga tayong dapat pag-usapan." Wala nang mas hahalaga pa kay Remedios. Kailangan kong makita nang personal ang kanyang kalagayan. Hindi ako mapapakali hanggat hindi ko nasisilayan ang kanyang mukha.

"Maari ho bang sa susunod na lamang presidente?" Hindi mapapalagay ang aking loob hanggat hindi ko siya nakikita. Makahihintay ang bagay na gustong pag-usapan ni Ka Miong.

Hindi ko na hinintay pa ang sagot ng presidente, at nagpatuloy na sa pagmamadali. Lahat ng madidilim na dinaanan ko sa aking bangungot ay nagliwanag na ngayon, animoy nasa impyerno ako kagabi at ngayo'y nagbalik na sa mundong ibabaw.

Matapos ang isang oras na paglalakad ay narating ko na tahanan nina Don Mariano. Ninais kong pumasok na lamang at hindi na kumatok, ngunit naisip kong iyon ay isang kabastusan.

'Tok! Tok! Tok!' Nakatatlong katok ako sa pinto, ngunit ilang minuto na ang nakalipas ay walang nagbubukas nito. Namutawi ang takot at pag-aalala, kaya't sinubukan ko muli.

'TOK! TOK! TOK!!' Sa oras na ito ay nilaksan ko na ang hampas sa pintuan na halos manginig ang paso sa tabi nito. Wala pa ring nagbubukas kaya't nagbakasakali ako sa likod-bahay. Umikot ako papunta sa likod, at nakita kong bukas ang pintuan dito.

"Magandang gabi po." Nadatnan ko ang isang matanda.

"Dumating nga. Ikaw nga ba iyan? Ang Heneral Del Pilar?" Nanlaki ang kanyang mga mata, at ibinaba ang basahang ipinamumunas niya sa mga plato. Tama ba ang narinig ko? Ang pagdating ko'y inaasahan niya?

"Ako nga po ito. Nais ko lamang pong malaman kung nasaan po si Binibining Remedios?" Mas lalong niya akong pinanlakihan ng mata, at saka tumingin sa kanyang bandang likuran.

"Ah, nako heneral. Wala rito ang binibini."

-

Lumipas ang mga araw na hindi ko nasisilayan si Remedios. Maging si Pepay ay iniiwasan ako. Pikang-pika na nga si Angelito sa aking pangungulit kung may liham ba para akin. Ilang sulat na ang aking ipinadala, ngunit ni isa ay wala akong natanggap na sagot.

Ngayon ay dapat lamang na subukan kong muli na kutaptapan si Remedios sa kanilang likod bahay. Malamang ay nagtatampo siya sa akin, kung kaya't ni anino niya ay ipinagdadamot mula sa akin.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 18, 2021 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Huling Pag-ibig ng Batang HeneralWhere stories live. Discover now