Liham ng Pag-ibig 6

157 11 1
                                    

Ika-20 ng Hunyo, 1899

Pamunuan ng Pangasinan

Heneral Gregorio del Pilar,

Nais naming kayong anyayahan upang dumalo bilang pangunahing panauhin ng isang palabas sa Plaza ng Dagupan ngayong darating na a quince ng Hulyo, taong 1899.

Ang nasabing palabas ay tungkol sa inyong kabayanihan at kontribusyon sa matagumpay na digmaan laban sa mga Kastila na inihanda ng mga kabataang tumitingala sa inyo.

Kasama na rin dito ang kuwento ng inyong buhay mula noong musmos pa lamang kayo.

Hinihiling namin ang inyong pagdalo sa nasabing petsa. Maraming Salamat Heneral del Pilar.

Lubos na gumagalang,

Gobernador Quesada

-

"Tao po!" Nasa malayo pa lamang ako'y naririnig ko na ang matinis na sigaw ng isang batang lalaki.

"Tao pooooo!" Habang papalapit ako sa aking tinutuluyan ay mas lumalakas ang boses ng bata, at nang makarating ako sa tapat ng bahay ay naroon nga ang batang panay ang sigaw.

"Tao po! TAO P- WAAAAAAA!" Parehas kaming nagkagulatan. Siya ay nagulat sa pagtapik ko sa kanyang balikat, habang ako namay nagulat sa pagsigaw niya habang nakakanganga ang bunganga nang pagkalaki-laki.

"Bakit ka ba sigaw nang sigaw dyan, ha bata?" Nanlalaki pa rin ang mata ng bata, at halatang gulantang pa rin.

"Hoy bata." Wari mo'y mananakbo na siya, ngunit mas pinili niyang manatili.

"Ah, kayo po? Bakit kayo narito?" Aba, talagang tinatanong pa ako ng batang ito? Hindi mo ba ako kilala, ha bata?

"Dito ako nanunuluyan." Nagliwanag ang mga mata ng bata sa aking sinabi, bakit kaya?

"Ibig po ninyong sabihin ay kilala ninyo si Heneral del Pilar?" Ha! Ako lang pala ang sadya ng batang ito.

"Oo, bakit? Anong kailangan mo sa guwapong Heneral?" Naisip kong paglaruan ang bata 'pagkat hindi niya ako kilala.

"Guwapo ho? HAHAHAHA!" Bakit ako pinagtatawanan nito? Walang mali sa sinabi ko!

"Bakit? Hindi ka ba sumasang-ayon sa mga bali-balita?" Tingnan lang natin.

"Ang sabi ho ng aking ina ay hindi mahihigitan ng isang magandang mukha at katawan ang pagkatao. Kung tunay man ang sinasabi ng mga kababaihan sa bayan, ay walang kwenta ito dahil pinagsasabay naman sila ng Heneral na iyon!" Naala-ala ko ang sinabi ni Remedios nang hangaan ko ang kagandahan niya, at nainis ako sa bata.

"Bakit bata? Sapat na ba ang mga bali-balita tungkol sa Heneral upang masabi na bulok ang kanyang pagkatao?" Anong bulok sa aking pagkatao? Dahil lamang ba sa pagkahilig kong manuyo ng mga kababaihan ay hindi na katanggap-tangap ang aking pagkatao?

"Para ho sa akin ay sundalo ng Pilipinas ang Heneral, ngunit tila mas mahal niya ang kababaihan kumpara sa ating bansa." Ganoon na ba ang tingin sa akin ng mga kapwa ko Pilipino? O baka naman sadyang nawawala na ang pagkasundalo sa akin.

"Babaero man ako ay mas higit ang pagmamahal ko para sa Pilipinas." Habang binibitawan ko ang mga salitang iyon ay mayroong pagdadalwang-isip na namumuo sa akin. Hindi ako sigurado sa aking nararamdaman, punong-puno ako ng pag-aalinlangan at pagtatanong sa sarili. Kailan pa ito nangyari?

"Kayo po- HALA!" Hindi magkamaliw sa pagyuko at pagluhod ang bata sa aking paa, at nang animoy hahalikan niya ito ay pinigilan ko siya at itinayo.

Huling Pag-ibig ng Batang HeneralTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon