Kabanata 51

4 0 0
                                    

Sa Wakas Namumuhay na Ako nang Kaunti na Parang Tao

Xiangwang Sichuan Province

Lubos kong nadarama na kinakastigo ako tuwing nakikita ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos na: "Malupit, marahas na sangkatauhan! Ang pakikipagsabwatan at intriga, ang pagsasakitan sa isa't-isa, ang pag-aagawan ng reputasyon at kayamanan, ang palitang pagpatay—kailan ito matatapos? Ang Diyos ay nagsalita ng daang-libong mga salita, ngunit walang isa mang tao ang natauhan. Sila ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, at mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, pag-asa, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa kanilang mga damit, para sa pagkain at sa laman—kaninong mga pagkilos ang talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos upang mapanatili ang kanilang sariling kapakanan? Ilan ang hindi nang-aapi ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan? Kaya, ang Diyos ay sapilitang hinatulan ng kamatayan nang di mabilang na beses, di-mabilang na salbaheng hukom ang humatol sa Kanya at minsan pang ipinako Siya sa krus" ("Ang Masama ay Nararapat Parusahan" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Iniisip ko kung bakit hindi ko hinanap ang katotohanan, kung paano sa pagganap ko sa aking tungkulin ay paulit-ulit akong nakipagkumpitensya sa aking mga katrabaho, kung paano ko pinipigil o inaayawan ang iba alang-alang sa aking reputasyon at pakinabang—kung paano ako nagdulot ng pagkawala kapwa sa buhay ko, at sa gawain ng pamilya ng Diyos. Bagama't isinaayos ng Diyos ang maraming sitwasyon para iligtas ako, naging manhid ako at lubos kong hindi naunawaan ang layunin ng Diyos. Pero patuloy akong kinahabagan ng Diyos, iniligtas, at pagkatapos lamang ng paulit-ulit na pagkastigo at paghatol ako nagising at naunawaan ko na nais ng Diyos na iligtas tayo, na isinasantabi ang pagnanasa kong gumanda ang aking reputasyon at katayuan at magsimulang kumilos nang kaunti na parang tao.

Noong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sa panahong iyon ginampanan ng aking pamilya ang aming tungkulin na magiliw na makitungo at nakita ko kung gaano kaganda ang pakikipag-ugnayan ng ilang kapatid, nagamit nila ang mga salita ng Diyos para sagutin ang anumang tanong. Naging handa kaming lahat na makipag-usap sa kanila, at kami ay makikipag-ugnayan nang hayagan sa kanila tungkol sa anumang mga problema. Kinainggitan ko sila, na iniisip na: Hindi ba maganda kung magiging katulad nila ako balang araw, na napapaligiran ng mga kapatid, na nilulutas ko ang kanilang mga problema? At sa layuning ito sinimulan kong gampanan ang aking tungkulin sa iglesia. Noong 2007 natanggap ko ang pagtataas at pagpapahalaga ng Diyos at binigyan ako ng tungkulin bilang pinuno ng distrito. Sinabihan ako ng aking mga kapatid kung mali ang mga sakop ng aking gawain, ang sarili nilang mga paghihirap, at ang iba't ibang problema sa distrito. Pakiramdam ko'y nasa gitna ako ng mga bagay-bagay at naging makabuluhan ang mga taon ko sa gawain: Ngayo'y maaari ko nang ipaalam ang ilang katotohanan at tulungan ang aking mga kapatid sa kanilang mga paghihirap. At kahit medyo mabigat ang gawain, naging handa akong magpakasipag. Para manatili sa katungkulang ito at matupad ang aking kahambugan, nagpakita ako ng maganda at positibong halimbawa sa pagganap sa aking tungkulin. Anumang gawain ang ipagawa sa amin ng mga pinuno, kahit pakiramdam ng mga katrabaho ko ay mahirap iyon o ayaw nilang tumulong, laging maganda ang tugon ko, at kung mahirapan ako tumahimik lang ako at patuloy na sumang-ayon sa kanila. Kahit may mga bagay akong hindi naunawaan nakisama lang ako, para mapuri ako ng aking mga pinuno.

Para gumanda ang reputasyon ko sa aking mga pinuno at mamukod-tangi ako sa mga katrabaho ko, sinimulan kong buuin kung paano makakamtan ang mga layon ko: Pinakamadali ang magpapansin, para patunayan ang mga kakayahan ko at mapuri ako ng aking mga pinuno, habang gumagawa ng gawain ng ebanghelyo. Basta't epektibo ang gawaing iyon, hindi malaking problema kung hindi epektibo ang ibang gawain mo—hindi ako pupungusin o pakikitunguhan ng mga pinuno. Kaya nga nagsimula akong magtrabaho: binago ko ang paraan ko sa gawain ng ebanghelyo, hindi na ako pasensyoso sa paggabay ng aking mga kapatid. Kung nag-ulat sila ng anumang mga paghihirap sa gawain ng ebanghelyo, pupungusin o pakikitunguhan ko sila. Sinimulan kong pigain at guluhin ang mga pinuno ng iglesia para sa mga resulta, at kung hindi kasiya-siya ang mga resulta nagagalit ako: "Bakit kakaunti ang mga tao mo? Gusto mo bang manatili sa gawaing ito? Kung wala kaming makitang mas magandang resulta sa susunod na buwan, papalitan ka na namin!" Hindi ko inisip ang katayuan ng aking mga kapatid, ni ginamit ang katotohanan para lutasin ang mga problema at paghihirap na naranasan nila. Piniga at ginulo ko lang sila para manatili ako sa sarili kong katungkulan. Mabilis na gumanda ang mga resulta, na nakasiya sa akin. Ang mas magagandang resulta ay nangahulugan na kabilang ako sa pinakamagagaling sa aking mga katrabaho at minahal ko ang sarili ko. Hindi nagtagal isang kapatid ang itinalaga sa amin. Magandang lalaki siya at mahusay magsalita at makipag-usap. Nakihalubilo siya sa mga iglesia at pinuri ng lahat ng kapatid ang kanyang pagbabahagi. Nainis ako rito: Pinuri nilang lahat ang kanyang pagbabahagi—na ibig sabihi'y hindi maganda ang sa akin! Mas mabuti sana kung hindi na siya pinapunta rito. Nang ikumpara ko ang sarili ko sa kanya nalaman ko na talagang mas mahusay siya kaysa sa akin. Pero ayaw kong sumuko. Noong panahong iyon nag-alala ako sa reputasyon at pakinabang at hindi ako interesado sa iba't ibang problema ng iglesia. Nagsimula akong mag-alala tungkol sa suot ko, kung paano ako magsalita at kumilos. Sa mga pulong sadya kong ipinakita ang karunungan ko para hangaan ako ng aking mga kapatid. Kung minsan hinahamak ko ang kapatid na inatasang tumulong sa akin at tinitingnan ko kung paano ako itinuring ng mga sakop ng aming gawain. Mali ang tinirhan kong estado at hindi ko nailigtas ang aking sarili. Sa lahat ng bagay ikinumpara ko ang aking sarili sa kapatid na iyon at lubos na nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi nagtagal, pinalitan ako. Nang marinig ko ang balita parang kutsilyo iyon na nakatarak sa puso ko—kumusta naman ang aking mukha, ang aking katayuan, ang aking hinaharap? Hinahatulan at kinakastigo ako ng Diyos, subalit hindi ko maunawaan ang aking likas na pagkatao. Bagkus nag-isip-isip ako kung paano ako susuriin ng mga pinuno sa ibang mga lugar: Paano ko haharapin ang mga tao, ano ang iisipin ng mga nakakakilala sa akin? Nabitag sa web ni Satanas, nagsimula akong magreklamo, na nagsisisi na tinupad ko ang aking tungkulin bilang pinuno, na kung hindi ko tinanggap ang tungkuling iyon ay hindi sana nangyari ito. ... Nang lalo akong mag-isip, lalo akong nagdusa. Sa ilalim ng pagkastigo ng Diyos hindi ako makatulog at masama ang iniisip ko. Sa huli halos gumuho na ang aking espiritu, at ilang beses kong inisip na humiga sa lansangan para magpasagasa. Alam ko na sa puntong ito ay nanganganib na ako, pero hindi ko mapalaya ang sarili ko at wala akong magawa kundi tumayo sa harap ng Diyos at manalangin: "O Diyos, sa sandaling ito ako'y nasa kadiliman, naloko ako ni Satanas at labis na nagdurusa. Ayaw kong tanggapin ang lahat ng nangyari sa akin ngayon, gusto kong takasan ang Inyong pagkastigo at paghatol, at nagreklamo at nagtaksil ako sa Inyo. O Diyos! Nagsusumamo ako na protektahan Ninyo ang aking puso, na makayanan kong suriin at unawain ang aking sarili, mahabag Kayo sa akin." Pagkatapos nito nakita ko ang pagbabahagi ng taong ito: "Tinatrato ng Diyos ang ilang tao nang may partikular na kabaitan at pagtataas. Ginawa silang mga pinuno o manggagawa, binigyan ng mahahalagang tungkulin. Pero hindi sinusuklian ng mga taong ito ang pagmamahal ng Diyos, nabubuhay sila para sa sarili nilang laman, para sa katayuan at reputasyon, na naghahangad na patotohanan ang kanilang sarili at magtamo ng respeto. Mabubuting gawa ba ang mga ito? Hindi. Hindi nauunawaan ng mga taong ito kung paano panatagin ang Diyos, wala silang konsiderasyon sa mga kagustuhan ng Diyos. Hangad lang nilang bigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang mga taong ito ay sinasaktan ang damdamin ng Diyos, na puro kasamaan ang ginagawa, na nagsasanhi ng malaking kapahamakan, napakalaking kapahamakan, sa damdamin ng Diyos. Ginagawa sila ng Diyos na mga pinuno, mga manggagawa, para paunlarin sila, para maging perpekto sila. Pero wala silang konsiderasyon sa mga kagustuhan ng Diyos at nagtatrabaho lang para sa kanilang sarili. Hindi sila nagtatrabaho para magpatotoo sa Diyos o nagtatrabaho para ang mga taong napili ng Diyos ay magkaroon ng buhay. Nagtatrabaho sila para patotohanan ang kanilang sarili, para makamit ang sarili nilang mga layunin, para magkaroon ng katungkulan sa mga taong napili ng Diyos. Ito ang mga taong pinakakumakalaban sa Diyos, na pinakanakakasakit ng damdamin ng Diyos. Ito'y isang pagtataksil sa Diyos. Sa mga salita ng tao ito'y isang kabiguang pahalagahan ang ginawa para sa kanila, sa espirituwal na mga kataga sila ay masasamang tao na kumakalaban sa Diyos" ("Ang Mahalagang Kahulugan sa Likod ng Paghahanda ng Mabubuting Gawa" sa Pakikibahagi at Pangangaral Tungkol sa Pagkakaroon ng Buhay II). Ang komunikasyong ito ay parang isang espadang may magkabilang talim na sumasaksak sa puso ko, at naiiwan akong lubhang kinastigo. Ang kabaitan at pagtataas ng Diyos ang nagtulot sa akin na maging pinuno, at nagawa Niya ito para maging perpekto ako. Pero wala akong konsiderasyon sa layunin ng Diyos at hindi ko alam kung paano suklian ang Kanyang pagmamahal. Nabuhay ako para sa katayuan at reputasyon, para patotohanan ang sarili ko, at ang likas na katangian nito ay kumakalaban at nagtataksil sa Diyos. Kinamuhian ng Diyos ang lahat ng ginawa ko kaya itinigil ang aking paglilingkod, para ipakita sa akin na sa pamilya ng Diyos ang Diyos at ang katotohanan ang naghahari. Ginunita ko ang aking hinangad: Akala ko makatitiyak ako sa aking katungkulan kapag nanatili ang mabuting relasyon ko sa aking mga pinuno, kaya yumukod at sumipsip ako sa kanila at sumang-ayon ako sa bawat salita nila. Pero mabagsik at mapamintas ako sa aking mga kapatid. Napakasama ko! Gagawin ko ang lahat para sa katayuan. Tinangka kong gamitin ang aking mga kapatid para makamtan ang aking layunin na mamukod-tangi sa iba; hindi ko tinupad ang aking mga responsibilidad sa buhay ng aking mga kapatid. Piniga at ginulo ko sila, hanggang sa katakutan at iwasan ako ng mga sakop ng aking gawain, na hindi nangangahas na ilantad ang kanilang sarili sa akin. Subalit hindi ako tumalikod at hindi ko sinuri ang aking sarili. Isinugo ng Diyos ang kapatid na iyon sa akin at hindi lamang ako nabigong matutuhan ang aral na ito, mas nakipaglaban ako para sa reputasyon at pakinabang, na inilalantad ang aking laman at isinasanhing kamuhian ako ng Diyos at mawala ang gawain ng Banal na Espiritu. At ang kapalit ko ay ang katuwiran ng Diyos na dumarating sa akin: ang pinakamagandang posibleng paghatol sa akin, ang pinakamagandang kaligtasan, ang dakilang pagmamahal ng Diyos. Kung hindi ay nagpatuloy sana ako nang walang kamalay-malay sa daan ng anticristo. Pinigil ng Diyos ang aking makasalanang mga hakbang. Lubos akong nagsisi na ang aking orihinal na intensyon para sa aking mga gawain ay mali at na hindi ako nagtuon sa paglutas sa problemang iyon, na pawang nagresulta sa kabiguan sa ngayon. Noong panahong iyon, tuwing kakantahin ko ang himno ng karanasan humihikbi ako, tumutulo ang mga luha sa aking mukha: "Matapos kong saktan ang Inyong disposisyon bumagsak ako sa kadiliman at lubos kong nadama ang pananakit ni Satanas. Nalungkot ako at pakiramdam ko wala akong magawa, sinusundot ako ng aking konsiyensya, na nagdurusa nang higit pa sa kamatayan, at noon ko lamang nalaman ang kaligayahan ng isang payapang konsiyensya. Napakaraming oportunidad na maging perpekto na sinayang ko, sa kabiguang makita ang Inyong mabubuting layunin. Kahit ibigay ko ang lahat hindi ko kayang tumbasan ang pananakit ng damdaming ginawa sa Inyo. O Diyos, praktikal na Diyos, talagang nais kong balikan ang nakaraan at magsimulang muli. Paano tayo magkakasundo samantalang may lihim akong mga luho? Nagnanasa ako ng mga pakinabang na maibibigay ng katayuan—kaya paanong hindi ako babagsak? Palagi kong hindi isinasaalang-alang ang Inyong mga naisin, hindi ako kumikilos at kinakalaban ko Kayo, at habang pinaglilingkuran Kayo lumaban din ako at nanloko. Kung hindi sa Inyong habag, wala sana ako rito ngayon. Dahil sa nagawa ko hindi ako tutubusin ng kamatayan. Ang aking mga paghinga ay natatamo dahil sa Inyong pagtitimpi. O Diyos, praktikal na Diyos, hindi ko Kayo dapat pinagdusang masyado para sa akin. Ang Inyong mga salita ng buhay ay umaantig sa puso ko, ang Inyong mga pangaral ay nagbibigay sa akin ng walang-katapusang lakas, nagtutulot na muli akong makatayo sa gitna ng pagkatalo, nagpapakita sa akin ng kahalagahan ng buhay at ng dahilan kung bakit ako nilikha. Kaya kapag naharap ako sa Inyong huling kahilingan, paano ako muling makakaiwas? Nais kong tunay na kumilos upang palitan ang halagang Inyong binayaran. Magtamo man ako ng mga pagpapala o kahirapan, nais ko lamang Kayong bigyang-kasiyahan, ibigay ang aking sarili sa Inyo, sundan Kayong mabuti kahit wala akong matanggap na kapalit" ("Ang Habag ng Diyos ay Nagbigay sa Akin ng Panibagong Buhay" sa Sundan ang Kordero at Umawit ng mga Bagong Awitin). Ang pagpipinong ito ay kasama ko nang mahigit isang taon at sa kabila ng pagdurusa sa buhay at kamatayan, na parang binabalatan ako nang buhay, nasumpungan ko na nanghina ang aking mga pagnanasa sa katayuan at pagkakataon, at nakita ko kung gaano kahalaga ang pagpipinong ito.

Mga Patotoo ng Karanasan sa Paghatol ni CristoWhere stories live. Discover now