Sino'ng May Sabing Hindi Mababago ang isang Mapagmataas na Disposisyon

1 0 0
                                    

Ni Zhao Fan, Tsina

Magbabasa ako ng isang bahagi ng mga salita ng Diyos: "Hindi mababago ng mga tao ang kanilang disposisyon nang mag-isa; sila ay kailangang sumailalim sa paghatol at pagkastigo, sa pagdurusa at pagpipino ng salita ng Diyos, o pakikitunguhan, didisiplinahin, at tatabasan sa pamamagitan ng Kanyang salita. Pagkatapos lamang noon na matatamo nila ang pagiging masunurin at pagiging tapat sa Diyos, at hindi na tatangkaing linlangin Siya at makitungo sa Kanya nang basta-basta na lamang. Sa ilalim ng pagpipino ng salita ng Diyos na nagkakaroon ang mga tao ng pagbabago sa kanilang disposisyon. Yaon lamang mga sumailalim sa paghahayag, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo sa pamamagitan ng Kanyang salita ang hindi na mangangahas na gumawa ng mga bagay nang walang pakundangan, at sa halip magiging kalmado at mahinahon. Ang pinakamahalagang punto ay ang nagagawa nilang magpasakop sa mismong salita ng Diyos at sa gawain ng Diyos, at maging ito man ay hindi nakaayon sa mga pagkaunawa ng tao, kaya nilang isantabi ang mga pagkaunawang ito at maluwag sa kalooban na magpasailalim" ("Ang mga Taong Nagbago na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Napakapraktikal ng mga salita ng Diyos. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng mga ito, at pagtatabas at pakikitungo ng mga ito sa atin, hindi natin mababago ang ating mga makademonyong disposisyon o maisasabuhay ang normal na pagkatao. Talagang mapagmataas ako dati. Sa gawain, parating ramdam kong mas may kakayahan at mas mahusay ako kaysa sa iba, kaya inisip kong dapat silang makinig lahat sa akin. Pagkatapos kong magkaroon ng pananampalataya, madalas na naibunyag sa akin ang mapagmataas na disposisyong ito. Gusto ko parating nasa akin ang huling salita sa lahat ng bagay, at nagmamalaking pinapangaralan at hinihigpitan ko ang iba. Nakapipigil at nakasisira ito sa mga kapatid ko. Tanging sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo at pagtatabas at pakikitungo ng Diyos sa akin ako nagkamit ng kaunting pag-unawa ng aking mapagmataas na kalikasan at nagawa kong magsisi at kamuhian ang sarili ko. Hindi nagtagal, nagsimula akong magpakababa sa aking mga pakikisalamuha at kapag nakikipagtulungan sa iba para tuparin ang aming mga tungkulin. Natutuhan kong sadyaing hanapin ang katotohanan at tanggapin ang mga mungkahi ng mga tao. Noon ko lang naisabuhay nang bahagya ang kawangis ng tao.

Naalala ko noong 2015, napili akong maglingkod bilang lider ng iglesia. Sa panahong iyon, talagang masaya ako. Naisip ko sa sarili ko, "Napakaraming tao sa iglesia ang bumoto para sa akin, ipinakikita noon na ako ang pinakamahusay rito. Kailangan kong magsikap nang mabuti para matupad ang tungkuling ito nang sa gayon ay makita ng mga kapatid na hindi maling tao ang pinipili nila." Pagkatapos niyon, nagpakaabala ako araw-araw; kapag nakikita kong parang may problema ang isang kapatid, humahanap agad ako ng ilang nauugnay na sipi mula sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay magbabahagi ako sa kanila para lutasin ang isyu. Dumaan ang ilang panahon, at talagang bumuti ang aming buhay sa iglesia. Maraming gawain sa iglesia ang dapat matapos, pero nagawa kong pamahalaan ang bawat bahagi nito nang malinis at maayos. Noong nakita ko na medyo mas mabuti ang buhay sa aming iglesia kaysa sa ibang simbahan, lalo akong nasiyahan. Hindi nagtagal ay nakita ng mga lider na talagang maayos ang gawain ng aming iglesia, kaya sinabi pa nila sa ibang iglesia na gayahin ang ginagawa namin. Bukod pa rito, may ilang mahalagang gawain ang iglesia na gusto nilang maging bahagi ako. Naisip ko, "Pati mga lider, mataas ang tingin sa akin at pinupuri ang kakayahan ko; mukhang hindi talaga ganoon kasama ang kakayahan ko—at talagang mas mahusay pa kaysa sa karamihan!" Bago ko pa mapagtanto, masyado na akong bilib sa sarili ko. Pakiramdam ko'y kaya kong gawin lahat at nauunawaan ko ang lahat ng bagay. Isa pa, kung may anumang iminungkahi ang mga kasamahan ko sa gawain, halos hindi ko sila pinapansin; parati kong nararamdamang mas nakatataas ako sa kanila, at inuutus-utusan ko sila. Kapag hindi nila ginagawa kung ano'ng gusto ko, hindi ko napipigilang mamuna at mangaral sa kanila. Isang beses, may sasaguting tanong ang isang kapatid na kasama ko sa gawain. Nang medyo nahirapan, gusto niya itong talakayin sa akin. Naisip ko sa sarili ko, "Ano bang meron para pag-usapan? Hindi ito mahirap na tanong; kaya naman hinayaan kitang magsanay na sumagot. Kung hindi mo nga malutas ang ganoon kaliit na isyu, hindi ka puwede sa trabaho. Kung ako iyon, nalutas ko na iyon nang ganoon lang." At kaya sinabi ko sa mapagmataas na tono, "Huwag mo nang abalahin ang sarili mo; ako na ang sasagot." Bilang resulta, naramdaman ng kapatid na ito na pinigilan ko siya, at kapag nagkakaroon siya ng iba pang problema, hindi na niya sinusubukang pumunta sa akin para humingi ng tulong. May isa pang pagkakataon noong inirekomenda ko si Sister Wang para sa isang partikular na tungkulin. Ang mungkahi ni Sister Chen, "Napakahalaga ng tungkuling ito; kailangan natin ng malinaw na ideya kung paano karaniwang kumikilos si Sister Wang bago tayo makasiguro." Medyo nasaktan ang loob ko rito. Naisip ko, "Maraming beses ko nang nagawa ang ganitong gawain, pero sa tingin mo, hindi ko ito naiintindihan? Tsaka, lagi ko siyang nakakasalamuha, kaya paano mo nasasabing hindi ko siya nauunawaan? Gusto mong tanungin ko ang bawat isa tungkol sa kanya, pero hindi ba't maaantala lang noon ang mga bagay?" Mahigpit na mahigpit kong sinabi sa kanya, "'Wag na tayong mag-aksaya ng oras. Umusad na lang tayo." Tumahimik na lang si Sister Chen noong makitang mapilit ako. Nakita kong medyo napigilan siya noong oras na iyon, pero wala lang talaga akong pakialam. Mula noon, kapag may kapatid na nagbibigay ng mungkahi, parati kong nararamdamang hindi sila ganoon kahusay o kahinog, kaya ginagamit ko ang lahat ng puwedeng katwiran para tanggihan ang mga pananaw nila, at pagkatapos ay ipinapahayag ko kung ano ang itinuturing kong ilang magagandang ideya, at sinusubukan kong maipagawa sa lahat kung ano ang sinabi ko. Sa pagtagal ng panahon, lahat sila ay hinigpitan ko, at habang tinatalakay ang gawain, naging ugali nilang manahimik. Kinalaunan, halos hindi ko na lang tinatalakay ang mga bagay sa kanila, dahil ramdam kong pormalidad at aksaya sa oras lang iyon. At kaya, ginawa ko ang aking tungkulin nang humuhugot mula sa aking mapagmataas na disposisyon, at naging lalong padalus-dalos at di-makatwiran.

Mga Patotoo ng Karanasan sa Paghatol ni CristoWhere stories live. Discover now