Kabanata 14

2 0 0
                                    


Ang Ganitong Uri ng Paglilingkod ay Tunay na Napakasama

Ding Ning Lungsod ng Heze, Lalawigan ng Shandong

Sa nakalipas na ilang araw, inayos ng iglesia ang pagbabago sa aking trabaho. Sa pagtanggap ko ng bagong gawaing ito, naisip ko, "Kailangan kong samantalahin ang huling pagkakataong ito na magpatawag ng isang pagpupulong kasama ng aking mga kapatid, makipag-usap nang malinaw sa kanila tungkol sa mga bagay, at iwanan sila ng isang magandang impresyon." Kaya naman, nakipagkita ako sa ilang mga diyakono, at sa oras ng pagtatapos ng aming pagsasama, sinabi ko "Hiniling sa akin na umalis dito at lumipat sa ibang trabaho. Umaasa akong tatanggapin ninyo ang pinunong darating upang palitan ako at makipagtulungan sa kanya nang may isang puso at isang isip." Sa sandaling narinig nila ang mga salitang sinabi ko, namutla ang ilan sa mga kapatid na babaeng naroroon, at naglaho ang ngiti sa kanilang mga mukha. Hinawakan ng ilan ang mga kamay ko, ang ilan naman ay yumakap sa akin, at umiiyak na nagsabing, "Hindi mo kami maaaring iwanan! Hindi mo kami maaaring iisantabi at ipagwalang-bahala ang mga pangangailangan namin! ..." Ang kapatid na babae mula sa pamilyang tinutuluyan ko ay talaga namang tutol na hayaan akong umalis. Sinabi niya sa akin, "Napakabuti na narito ka sa amin. May kakayahan kang magtiis ng kahirapan, at magaling ka sa pagbabahagi ng ukol sa katotohanan. Maging kailan ka man namin kailanganin, laging naroon ka na matiyagang tumutulong sa amin. Kung aalis ka, ano nang gagawin namin? ..." Sa nakikitang pagtutol nila na mawalay sa akin, napuno nang tuwa at kaluguran ang aking puso. Inaliw ko sila sa pamamagitan ng mga salitang ito: "Magtiwala sa Diyos. Kung kaya ko, babalik ako at bibisitahin kayo...."


Ngunit pagkatapos nito, sa bawat oras na binabalikan ko ang eksenang paglisan sa aking mga kapatid, nababagabag ang aking puso. Naisip ko, nagkataon lang ba ang mga naturang pagpapahayag ng kalungkutan? Bakit sila kumilos na parang isang kakila-kilabot na bagay ang pag-alis ko? Bakit nga ba gusto ng iglesia ang pagbabago ng aking tungkulin?" Nabalot ng ulap ng pagdududa ang aking puso, kaya naman madalas akong lumapit sa harapan ng Diyos sa paghahanap ng mga kasagutan. Isang araw habang binabasa ko ang "Mga Usaping Prinsipyo na Dapat Maunawaan para sa Paglilingkod sa Diyos" nakita ko ang siping ito: "Ang mga maglilingkod sa Diyos ay dapat na itaas ang Diyos sa lahat ng bagay at maging mga saksi ng Diyos. Sa gayong paraan lamang nila maaaring makuha ang bungang akayin ang iba na makilala ang Diyos. At tanging sa pamamagitan lamang ng pagtataas sa Diyos at pagsasaksi para sa Kanya nila maaaring dalhin ang iba sa harapan ng Diyos. Ito ang isa sa mga prinsipyo ng paglilingkod sa Diyos. Ang tunay na bunga ng gawain ng Diyos ay ang eksaktong gawaing nagdadala sa mga tao upang malaman ang gawain ng Diyos at nang sa gayon ay makapasok sa Kanyang presensya. Kung ang mga nasa posisyon sa pamumuno ay hindi nagtataas sa Diyos at naglilingkod bilang mga saksi ng Diyos, ngunit sa halip ay patuloy na ipinangangalandakan ang kanilang mga sarili..., kung gayon talagang inilalagay nila ang kanilang mga sarili laban sa Diyos. ... Tunay na nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa kaluluwa ng mga tao. ... Samakatuwid, kung ang paglilingkod ng mga tao ay hindi nagtataas sa Diyos at sumasaksi sa Diyos, kung gayon tunay nga na nagpapasikat sila. Bagaman dala nila ang bandila ng paglilingkod sa Diyos, nagtatrabaho lamang sila para sa kanilang sariling katayuan; at nagtatrabaho lamang sila para sa kasiyahan ng laman. Hindi talaga nila itinataas ang Diyos o sumasaksi sa Diyos sa kanilang gawain. Ang sinumang magkanulo sa prinsipyong ito ng paglilingkod sa Diyos, pinatutunayan lamang nito na nilalabanan niya ang Diyos" ("Mga Bagay Tungkol sa Prinsipyo na Dapat Maunawaan para sa Paglilingkod sa Diyos" sa Mga Ulat ng Kasaysayan ng Pagsasamahan at mga Kaayusan ng Trabaho ng Iglesia I). Habang binabasa ko, lalo lamang nabagabag ang puso ko. Habang binabasa ko, lalo lamang akong natakot. Ang pakiramdam ng pagsisi sa sarili ko ay lalong nadagdagan. Mula sa pakikitungong ipinakita ng aking mga kapatid sa akin, nakita ko na ang aking trabaho ay hindi talaga upang akayin ang aking mga kapatid patungo sa harapan ng Diyos, ngunit sa halip upang akayin sila sa aking sariling presensya. Ngayon hindi ko mapigilan na muling suriin ang maraming eksena sa panahong iginugol ko sa aking mga kapatid. Madalas kong sabihin sa kapatid na babae ng tinutuluyang pamilya, "Tingnan mo kung gaano kayo kasuwerteng lahat. Ang buong pamilya mo ay mga mananampalataya. Kapag nasa bahay ako, buong araw akong minamaltrato ng asawa ko. Kung hindi niya ako sinasaktan, minumura niya ako. Ginampanan ko ang tungkulin sa abot ng makakaya ko, at tingnan kung gaano katinding pait ang tiniis ko dahil sa aking paniniwala sa Diyos." Kapag nakakaranas ng mga paghihirap ang mga kapatid ko, hindi ko sinasabi ang kalooban ng Diyos sa kanila; hindi ako kumikilos bilang isang saksi sa gawain ng Diyos at pag-ibig ng Diyos. Sa halip, palagi kong inuuna ang laman at sinusubukang ipakita sa mga tao na napakabait at mapagbigay ako. Tuwing nakakakita ako ng isang kapatid na gumagawa ng isang bagay na taliwas sa mga prinsipyo, natatakot akong makasakit ng damdamin, kaya naman hindi ako tumutulong o nagbibigay ng direksyon, palaging sinusubukang protektahan ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao. Sa lahat ng ginagawa ko, ang tanging pinangangalagaan ko ay ang aking posisyon at ang aking imahe sa puso ng mga tao. ... Ang pangunahing layunin ko ay palaging makuha ang simpatiya at paghanga ng iba; ito ang naging pinakamalaking kasiyahan ko. Tunay na ipinapakita nito yaong pagtataas ko sa aking sarili, nagsisilbing saksi para sa aking sarili. Ang lahat ng ginawa ko ay talagang pagsalungat sa Diyos. Naisip ko ang mga salita ng Diyos, na nagsasabing, "Ako ay gumagawa sa gitna ninyo ngayon ngunit kayo ay ganito pa rin. Kung isang araw ay walang sinuman ang naroon na mangangalaga at magbabantay sa inyo, hindi ba kayong lahat ay magiging mga hari ng burol?[a]Sa oras na iyon, sino ang mag-aayos- ng gusot pagkatapos kapag nakagawa kayo ng isang malaking sakuna?" ("Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)" sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Ang mga salita ng Diyos ang muling nagdala sa akin ng kabatiran kung paano na ang paglilingkod ko sa Diyos ay isa talagang pagsasaksi sa aking sarili at pagtataas sa aking sarili at tinulungan akong makita ang malubhang kahihinatnan ng pag-uugaling ito. Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na makita na yaong kalikasan ko, na tulad ng sa arkanghel, ay magdudulot upang ako ay maging isang malupit na bandido, at magsasanhi ng isang malaking kapahamakan. Naisip ko ang tungkol sa kung paanong hindi ko naisagawa ang paglilingkod sa Diyos alinsunod sa tamang mga prinsipyo ng paglilingkod; hindi nito itinataas ang Diyos at hindi sumasaksi sa Diyos, hindi ginagawa ang aking tungkulin. Sa halip, ang mga araw ko ay iginugol sa pagpapasikat sa aking sarili, pagsasaksi sa aking sarili at paghila sa mga kapatid ko patungo sa aking presensya. Hindi ba napakasama ng ganitong uri ng paglilingkod? Hindi ba isa lamang itong "paglilingkod" ng anticristo? Kung hindi dahil sa pagpaparaya at awa ng Diyos, malamang ay isinumpa na ako ng Diyos at pinabagsak.

Sa oras na iyon, nanginig ako sa takot at kahihiyan; ang pakiramdam ng aking napakalaking pagkakautang ang umapaw sa aking puso, at nagpatirapa ako sa lupa, umiiyak nang buong kapaitan at nagsusumamo sa Diyos: O, Diyos! Kung hindi dahil sa Iyong pagbubunyag at pagliliwanag, hindi ko alam kung gaano kalalim ang ikahuhulog ko. Tunay ngang higit pa sa kaya kong bayaran ang utang na loob ko Sa Iyo. Salamat sa kaligtasan na handog Mo sa akin! Salamat sa pagtulong sa akin na makita ang pangit at kasuklam-suklam na katauhan sa kaibuturan ng aking kaluluwa. Salamat sa pagpapakita sa akin na sa katotohanan ang aking paglilingkod Sa Iyo ay paglaban Sa Iyo. Kung ako ay hinatulan sa pamamagitan ng aking mga aksyon, hindi ako karapat-dapat sa kahit na ano kundi ang Iyong sumpa, ngunit hindi Mo ako pinakitunguhan nang ayon sa aking mga pagkakamali. Sa halip binuksan Mo ang aking mga mata, pinatnubayan ako, at binigyan ako ng pagkakataong magsisi at magsimulang muli. O, Diyos, nakahanda akong tanggapin ang karanasang ito bilang isang aral na siyang madadala ko sa buong buhay ko. Nawa'y lagi akong samahan ng Iyong pagkastigo at paghatol, at nawa'y makatulong ito nang maaga sa akin na iwaksi ang lumang katauhan ni Satanas at tulungan akong maging isang tunay na magalang na alagad ng Diyos nang sa gayon ay maaari ko nang simulan ang pagbabayad sa napakalaking pagkakautang ko."

Mga talababa:

a. Isang kasabihang Tsino, ang literal na kahulugan nito ay "mga tulisan na umookupa sa mga bundok at ipinapahayag ang kanilang mga sarili bilang mga hari."

Mga Patotoo ng Karanasan sa Paghatol ni CristoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon