Kabanata 24: Mga Pangarap

5 0 0
                                    

Ang sumusunod na komposisyon ng mga salita ay isang maikling buod ng isang kabanata ng aklat ni Dr. Jose Rizal, ang kilalang El Filibusterismo.
----

Bago magdilim, masayang naglakad si Isagani sa Paseo Maria Cristina patungong Malecon upang makipagkita sa kasintahang si Paulita. Pag-uusapan nilang dalawa ang dahilan ng 'di-pagkakaunawan noong nakaraang gabi kaya dala niya ang sulat na nanggaling sa kasintahan. Hinanda na niya ang sarili sa kung anumang kahihinatnan ng pag-iibigan nilang iyon ngunit manghihinayang rin siya kung sakaling mauuwi ito sa tuluyang pagkawasak ng kanilang mga damdamin.

Hulog na hulog si Isagani sa kaniyang pagmumuni kaya't ang mga pangyayari sa kaniyang paligid ay 'di na niya alintana. Hanggang sa mapalapit siya sa monumento ni Anda, narinig niya ang sinabi ni Ben Zayb, na noo'y nakikipag-usap sa isang kaibigan, na maysakit raw ang alaherong si Simoun at sa pag-alala'y nagpadala daw ang Kapitan Heneral ng katulong upang suriin ang kalagayan ng nauna. Naisip tuloy ni Isagani na mas mapalad ang alahero sapagkat nagawa ng Kapitan Heneral na ipadalaw ito na ni minsa'y hindi pa niya nagawa sa mga sugatang sundalo.

Nasagi sa kaniyang isip ang kaniyang bayan na nasadlak na sa hirap, nalungkot sa isiping iyon. Ngunit napagdesisyunang kung hindi papalarin sa kaniyang buhay pag-ibig ay tutulungan na lamang niya ang kaniyang bayan na maahon sa kahirapan.

Mas lalo pa siyang nalungkot nang malapit ng dumilim ay hindi pa rin dumating si Paulita. Agad ring napawi iyon nang makita niya ang kalesa na lulan ang kasintahan kasama ang tiyahing si Donya Victorina at isang alila.

Bago pa man nagkausap ang magkasintahan ay nilapitan na ni Donya Victorina si Isagani upang makausap kung nakita na ba nito ang kaniyang asawang si Don Tiburcio. Kinakailangan na daw nitong makita ang asawa pagkat may balak siyang mag-asawang muli. Nang itanong ni Isagani kung sino ang napupusuang mapangasawa ay isinagot ng Donya ang pangalang Juanito Pelaez.

Sa kabila ng awa ni Isagani kay Don Tiburcio ay napangiti pa rin ito sa itinuran ng Donya, hindi na dapat niyang pagselosan si Juanito. Nasagi ng paningin niya ang kasintahan, namamaypay ang dalaga na animo'y init na init gayong malamig naman ang simoy ng hangin sa dalampasigang malapit sa Malecon.

Naiinip na si Paulita dahil nais na rin niyang kausapin ang kasintahan kaya't pasadyang inihagis niya ang pamaypay sa may batuhan ng dalampasigan. Nagsisigaw naman ang alila at sinabi kay Isagani na nahulog ang pamaypay ng dalaga sa batuhan. Kaya't sinamantala ni Isagani ang pagkakataon na makawala sa Donya upang makausap na nga ang kasintahan. Subalit nagulat na lamang siya nang nauna pang nagsabi ng pagdaramdam ang dalaga sa hindi niya pagpansin sa kaniya sa dulaan. Humingi ng paumanhin si Isagani at nagpaliwanag.

Matapos ang pagpapaliwanagan ay nauwi si Isagani sa pagtatapat ng kaniyang pagmamahal sa kaniyang lalawigan. Punong-puno ng pag-asa ang binata na aahon sa kaapihan ang bayan ngunit negatibo naman ang naging pananaw ng kasintahan.

Maggagabi na kaya't inaya ni Donya Victorina si Isagani na sumakay sa kanilang kalesa. Naupo si Donya Victorina at ang alila sa likuran at ang magkasintahan naman sa unahan. Habang nasa daan ay hindi alintana ni Isagani ang mga nangyayari sa paligid dahil napuno ang kaniyang isipan ng mga magagandang alaala kay Paulita. Kung hindi pa sinabihan ni Paulita na nasa Sta. Cruz na sila ay hindi pa magigising sa mga magagandang alaala ang binata.

----
A/N: Ito'y isinulat ko ng personal dahil sa kadahilanang kami'y kailangang magpasa ng isang buod ng isang kabanata ng El Filibusterismo sa aming asignaturang Filipino. Gusto ko lang pong ibahagi ang gawa ko pong ito (na malamang sa malamang ay ibinase ko rin naman sa nasabing aklat sa ibabaw, mas pinaikli ko lang at may iniba na mga salita). Just skip it if you don't like reading this. No hate, just love💕

Under the MoonlightWhere stories live. Discover now