Chapter 16

46.6K 1.5K 563
                                    

Chapter 16

Royal

Nalukot ang aking noo. Kung maaaring mapunit ito ay nangyari na sa akin. Pilit kong iniisip kung bakit nangyayari sa akin ang lahat ng ito. At nasa tamang lugar pa ba ako? Panaginip lang hindi ba?

Walang nangahas na magsalita pagkatapos ni Tatay. Nilingon ko ang asawa ko para humingi ng tulong. Ang sabi niya ay ipaglalaban niya ako. Pinangako niya iyon.. "Q-quinn..?" maingat kong tawag sa kanya.

Nakatitig siya sa akin. Nagkatiim ang kanyang bagang. Anong nangyayari sa kanya?

Tiningnan ko ulit ang mga magulang ko at si Lola. Ang Lola ko ay umiiyak na, inaalu ni Nanay. At si Tatay ay halos patayin na kami ng matalim niyang tingin sa amin ni Quinn.

"P-paanong..?" nagsimulang manubig ang mga mata ko. Wala. Wala ni isa sa kanila ang gustong dugtungan ang sinabi ng Tatay ko. Wala ang gustong tumutol o tumawa man lang!

"Apo.." banayad pero maawtorisadong tawag sa akin ni Don Eugenio Altamirano.

Ito ang unang beses na nakita ko siya. Ang tanging alam ko sa kanya ay pinangingilagan ang kanilang pamilya at mahigpit na kalaban sa negosyo ng mga Santiaguel. Malupit. Iyon ang sabi nila. Pero ngayon..ni hindi ko makitaan ng kalupitan ang matandang ito. Tinaas niya ang kamay upang hikayatin akong lumapit sa kanya.

Napaawang ang aking labi. Nang kumawala ang luha ay halos hindi ko na napansin pa.

Lumapit ako sa kanya at inabot ang naghihintay niyang mga kamay. Ang bigat ng bigat ng pakiramdam ko.

Nanginginig na mga kamay ko siyang tiningnan. Kinulong niya ang mga kamay ko sa kanyang palad. Ang ngiti ay tila nahihirapan.

"Royal..ikaw ay aking apo rin. Ngayon ko lang din nalaman na nagkaroon kami ng anak ni Milagros bago kami nagkahiwalay. At iyon ay si Ildefonso..narito ang tiyuhin mo, si Carlos at ang maybahay niya, si Andrea. Ang mga magulang ni Quinn. May mga kamag-anak pa kaming naninirahan sa maynila. Ipapatawag ko sila para makilala ninyo at nang pormal ko na kayong ipakilala sa angkan natin." Nakangiting sabi niya.

Pero natulala lamang ako. Pakiramdam ko ay isa itong hampas ng delubyo.

Tiyuhin ko ang ama ni Quinn.. pinakasalan ko si Quinn.. nanigas ang aking lalamunan nang ilang beses na pumarada sa isipan ang maiinit na gabing namagitan sa amin. Ilang beses at paulit-ulit namin iyong ginawa.

Pagkatapos ay..sasabihin nilang..pinsan ko ang asawa ko?

Panibagong luha ng kumawala sa akin. Binubugbog ang isipan ko at ang puso ko.

Paano ba baliktarin ang lahat ng ito? Umaasa akong itatama ng asawa ko ang mga ito. Pero nanatili siyang walang kibo at umaktong tahimik na nagagalit.

Nagpahanda ng marangyang salu-salo si Don Eugenio. Hindi gaanong masaya dahil sa hindi inaasahang rebelasyon at kahit na tumanggi ang Tatay ko ay pinigilan siya ni Carlos Altamirano. Ang Tatay ko..kahit na nagagalit ay nagpapakita pa rin ng respeto sa kanila.

Umupo sa gitna ng mahabang lamesa ang matandang Altamirano. Sa kanyang mga gilid ay naroon si Carlos at ang Tatay ko. Katapat ng Nanay ko si Andrea, katabi ng Lola at naupo katapat si..Quinn. agad na sumakit ang dibdib ko at lalamunan nang masulyapan siyang titig na titig sa akin. Hindi siya kumikibo.

Maraming nakahain sa mahabang lamesa. Ang mga pinggan at kubyertos ay nangingintab sa kinang. Nang magsimulang kumain ang matanda ay nagsunuran na rin ang lahat. Pero ako ay hindi makagalaw. Ang Nanay ko na ang naglagay ng kanin sa plato ko.

"Anak kumain ka na." bulong na udyok sa akin ni Nanay. Nagawa ko siyang sulyapan at hinawakan ang kutsara ko. Ngunit pinaikot-ikot ko lamang ang kanin sa kutsara ko. Hindi ko rin naman magagawang lunukin ito. Hindi ko kaya. Gaya nang kung paano ko mapapaniwalaan ang lahat ng ito.

Real (Boy Next Door #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon