Prologue

137K 2.6K 520
                                    

Author's Note:

Soon to be available to read on Inkitt (Gianna1014), Dreame (Gianna) and on Facebook Notes (i-follow lamang ang page 'Gianna's Corner' para sa upcoming updates) Salamat po. All for FREE. 

***

Prologue

1955

Tumayo mula sa pagkakayuko si Milagros pagkaramdam ng pananakit sa kanyang baywang at likod. Tinaas niya ang isang kamay na may hawak ng pamutol sa tubo at pinunasan ang lumandas na butil-butil na pawis sa kanyang noo at mukha. Nasa gitna ng tindi ng araw. Kahit balot na balot ang buong katawan ay ramdam na ramdam pa rin niya ang pagtagos nito sa kanyang balat. Malalim siyang bumuntong hininga at pinagmasdan ang mga kasamahang nagtatrabaho.

Magsimula pa sa kanyang mga magulang ay ganito na ang nagisnan nilang hanapbuhay. Dating mga alila ang mga ito sa ilalim ng mga dayuhang nagmamay-ari dati sa Hacienda Esperanza. Pero mula nang ipagbili ng gobyerno sa isang Pilipino ay saka lamang sila nakaranas ng kaginhawaan.

Sa hustong gulang na disi-siete ay naranasan na niyang magsunog sa ilalim ng araw para may makain silang pamilya. Salat sa edukasyon ang kanyang mga magulang at nang mag-alok ng libreng edukasyon ang bagong may-ari ng hacienda ay hindi na nila iyon pinalagpas pa.

Nang pumanaw ang kanyang Lolo ay sinagot ng Hacienda ang pangburol at libing nito. Lahat ng manggagawa ay nakaranas ng magandang pamamalakad sa bagong may-ari. Hindi pa man ganoong kaganda ang ani ay hindi pa rin sila pinabayaan ni Senyor Tomas Altamirano Jr. Kahit na halos masunog ang balat sa araw ay wala na silang reklamo pa. Dati nga ay alipin lamang sila, ngayon ay 'tao' na ang turing sa kanilang mga dukha. Kung maaari nga lang ay makapagtapos na siya sa pag-aaral.

Gusto niyang maging guro sa elementarya at sigurado siyang maiaahon sa kahirapan ang mga magulang at mga nakababatang kapatid. Napawi ang kanyang pag-iisip nang sumigaw mula sa kanyang likuran ang nakababata niyang si Pepe.

"Hoy, Milagros! Wala ka na naman sa iyong sarili! Aba'y kailangan nang ilagay sa traktora ang mga ani at nang maihatid na sa Azucarera!"

Nakita ni Milagros ang mapaglarong mga mata at ngiti ng binata kung kaya't ngumuso siya. Magkapareho lamang sila ng edad ni Pepe, magkaklase na rin. Tiningnan niya ang ibang mga kasama na pare-parehong may mga mapaglarong ngiti para sa kanya.

"Oo na ho, ito na, mahal na hari." Kunwari'y nagdabog siya upang ipakita sa kanyang ayaw nitong tinutukso siya patungkol sa kawalan sa sarili.

"Ay sus. Kilalang-kilala na kita, Milagros. Pustahan pa tayo at nangangarap ka naman ng gising sa katanghaliang tapat." Balik niyang tukso sa magandang dalaga.

Pinasadahan ng tingin ni Milagros mula ulo hanggang sa kanyang maruruming mga paa. Ang suot niyang kulay kahoy na damit ay butas-butas na. Ang pamatong nitong mahaba ay sa Tatay pa niya minana. Ang puting bimpo sa kanyang balikat ay magusing na rin. At ang kanyang sumbrerong gawa sa abaka ay gutay-gutay na ang mga gilid. Pinamaywengan niya ito at tiningnan nang masama.

"Hindi ba't parang kawalan ng galang ang uri ng iyong pananalita, Pepe? Baka nakakalimutan mo, mas matanda ako sa iyo ng isang buwan at kalahati! Dapat mo rin akong igalang bilang nakakatanda sa iyo. Hindi talaga akong mangingiming isumbong ka sa mga magulang mo." Turan niya.

Pero imbes na kabahan ay umayos pa ito ng tayo at pinagtawan ang dalaga. Aba't!

"At bakit mo 'ko inuutusang igalang ka? Ang gusto mo ba ay lagyan ko ng 'Po' at 'Opo' ang sasabihin ko sa iyo, Milagros? Tandaan mo, hindi nagsasabihan ng ganoon ang magkasintahan."

"Hindi kita kasintahan!"

Sabay-sabay na nagpahaging tukso ang mga kasamahan nilang nakarinig sa sinabi na iyon ni Pepe.

Real (Boy Next Door #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon