Chapter 4

61.7K 2.1K 389
                                    

Chapter 4

Royal

Dumungaw ako sa malaking bintana at tinanaw na lang ang lupain ng hasyenda. Wala akong magawa. Hindi ako makakatakas dito dahil sa higpit ng Quinn na iyon. Bawat galaw ko ay sinusuri niya. Palagi siyang nakaantabay o nakabantay sa akin at sa lalabasan ko. Kapag siya ang nakikita ko ay kinakabahan ako, pero no'ng dumating iyong William ay naiibsan ang kaba ko. Sa kanya lang yata ako napanatag dahil iba ang tinging binibigay sa akin, iyong normal na tingin. Samantalang iyong Quinn Altamirano..iba.

Napakamot ako sa lalamunan sa pag-iisip ko na naman do'n sa lalaking iyon. Ilang sandali pa ay napatingin ako sa sariling suot. Hindi pa naman ako naiinitan pero kahapon ko pa suot itong kupasing maong na pantalon at malaking t-shirt. Nilingon ko ang isang antigong aparador. Nagdadalawang-isip kung bubuksan ko ba iyon at titingin ba ako doon, kukuha ng maisusuot. Hindi pa ako sigurado kung dapat pa ba akong magdalawang-isip dahil hostage ako hindi ba?

Napanguso ako. Ganoon na nga ba ang maitatawag sa akin dito? Iyon ang sinabi ko sa kanya at iyon naman talaga ang tawag doon hindi ba? Labag sa karapatan ko ang mamalagi rito. Hindi niya ako pinayagang makauwi dahil mayroon daw siyang gustong makuha—

Dalawang katok sa pinto at niluwa doon ang lalaking iyon. Pumasok siyang may dalang puting damit sa kanyang kamay. Isang beses niya lang akong tiningnan at saka nilapag sa ibabaw ng kama ang dala.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapaniwalaan na naging sikat na singer siya. Ibig sabihin no'n ay mabait siya at magiliw sa mga humahanga sa kanya, e bakit hindi ko maramdaman?

Ah, baka balatkayo lang iyon at ito ang tunay niyang ugali. Mabagsik. Malupit. Iyong tanging katangian ng isang Altamirano.

"Kung gusto mong maligo, ito ang damit na pamalit mo. Hindi ako makahiram sa mga katulong kasi..mukhang hindi magkakasya sa'yo." Sabay sulyap sa mga dibdib ko!

Naramdaman ko ang pag-init ng mukha ko at halos umangat ang mga braso ko para takpan ang sa tingin ko ay minomolde niya ng tingin sa isip. "'Yang mga mata mo!" bulyaw ko.

Doon lang tumaas ang mga mata niya sa mukha ko. Ngumisi at saka umiling.

"Maligo ka at nang mahismasmasan ka." Saka ako tinalikuran at iniwan sa kwarto.

"Bwiset ka!" sigaw ko kahit na nakaalis na siya pero alam kong narining pa niya iyong sinigaw ko. Inis na nilapitan ko ang gilid ng kama at tiningnan ang damit na dinala niya sa akin.

***

Hindi ako mapili sa damit, pero itong pinasuot niya sa akin ay halos duster na ng Nanay ko. Isang malaking puting t-shirt at maluwag na itim na shorts. Kahit yata hindi ako mag-shorts ay matatakpan pa rin ang mga hita ko. Naginhawaan ako pagkatapos maligo. Pero naasiwa ako sa suot ko. Damit panlalaki kasi ang mga ito.

Mula sa puno ng hagdanan ay natanaw ko kaagad si Quinn na nakaupo sa sofa at may binabasa sa cellphone niya. Maliliit man ang hakbang ko ay nilingon niya ako sa unang tapak ko pa lang sa baitang. Napahawak ako nang mahigpit sa barandilya maging sa dulo ng t-shirt kong suot para ibaba pa iyon. Nakita ko ang pagkatigil niya. Hindi kumukurap. Humagod ang tingin niya sa akin, bahagyang tumigil sa mga hita ko at saka binalik pataas ang mga mata. Hindi ko siya masalubong ng tingin, tumikhim ako at nilalabanan ang pagkakagulo sa dibdib ko.

At sa unang pagkakataon na siyang mas lalong nagpatibok ng mabilis sa puso ko ay nahuli ko ang paraan ng pagbasa niya sa kanyang labi na para bang ilang libong taon nang nauuhaw habang nakatingin sa akin. Iyong paraan na ngayon ko lang naramdaman. Hindi ko maalalang binigyan ako ng ganitong tingin ni Garett. Tumitibok pa rin ang puso ko kapag nakikita ko siya pero..hindi ganito ang ragasa. Hindi ganito kabilis.

Real (Boy Next Door #5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon