12th Page

29 10 0
                                    

Kabanata 12

V i s i o n s

NANGINGINIG ang aking mga kamay habang binuklat ang makapal na cover ng notebook.

Isang sulat na naman. Huminga ako nang malalim at sinimulang basahin ang mga katagang pipiga na naman ng aking puso.

Mahal kong Lheira,

Magtatatlong taon na tayo, Min. Salamat sa pagtitiyaga mo sa akin. Alam kong minsan, nagagalit ako sa'yo. Pero heto pa rin tayo, lumalaban at lalaban sa huli. I love you.

Maikli pero malaki na ang epekto nito sa akin. Binuklat ko muli ang notebook sa isa pang pahina.

Tatlong salita, walong letra
Para sa minamahal ko, puso'y ibabandera
Mga salita'y 'di kayang tumbasan
Ang tunay kong nararamdaman
Para sayo, susungkitin
'Di lamang mga kumikinang na bituin
Pati na rin ang patak ng ulan, iipunin
Kahit saan man ako, ikaw lang ang hahanap-hanapin
Nasa magkabilang mundo man
Pagmamahal ko sayo'y mahirap wakasan
Dahil ito'y nakatanim sa kailaliman ng aking puso
Na hindi matitibag ng anumang tukso
Sa huling hininga ko
Pangalan mo pa rin ang bibigkasin ko
Ikaw lang, wala ng iba
Habang buhay, ika'y kasama

Nabitawan ko ang notebook at napatulala. Magang-maga na ang mga mata ko pero parang nakaimbak ata ako ng maraming supply ng luha kaya 'di maubos-ubos.

"B-bakit? B-bakit ganito?" mahinang bulong ko sa hangin habang nagkakarerahan ang mga luha ko.

"May mga tanong talaga Lheira na sa ngayon, hindi pa kayang bigyan ng tamang kasagutan. Pero darating ang araw na masasagot na ito at maiintindihan mo na kung bakit ganito ang buhay." sabi ni Fate at pinulot ang notebook sa lupa.

"Ako muna ang hahawak nito, pansamantala. Okay na siguro ang dalawa sa araw na ito." at isinuksok ang notebook sa kanyang bulsa.

"Pumasok na tayo, Lheira. Kailangan mo nang magpahinga." sabi niya.

Tumango na lang ako bilang tugon at pinunasan na ang aking mga luha. Pumasok na kami sa loob ng bahay.

Nadatnan ko si Lola na nililigpit ang mga plato. Agad niya akong napansin.

"Oh Lheira---" biglang naputol ang kanyang pagsasalita. Napatitig na lamang siya sa kawalan, 'di gumagalaw.

"Lola? Lolaaa?"

Bigla akong kinabahan. Lalapit na sana ako kay Lola pero nagulat ako dahil hindi ko maigalaw ang aking mga paa.

"Lolaaa! Lolaaaa!" sigaw ko. Hindi ko na maintindihan ang takot na bumalot sa aking pagkatao.

"Fate? Fate? Tulungan mo ako! Faaaatee!" pagmamakaawa ko sa kanya.

Ngunit hindi sumagot si Fate. Pinilit kong makagalaw, sa abot ng aking makakaya. Pero hindi ko talaga kaya. Para lang akong isang tuod na naghihintay ng malakas na hangin para makagalaw.

Biglang dumilim ang paligid. Wala na akong makita. Ano bang nangyayari sa akin? Ipinikit ko na lang ang aking mga mata.

"Lheira! Lheiraaaaaa! Bakit mo kami iniwan?"

Isang iyak ang aking narinig. Boses iyon ni Tita!

Imumulat ko na sana ang aking mga mata kaso hindi ko ito magawang imulat. Kahit paggalaw ng aking mga labi ay hindi ko makagawa.

"Lheiraaaaaa! B-bakit?" naririnig kong palahaw ni Tita.

Bakit siya umiiyak? Ano ba ang nangyayari?

36 Pages (Slow Update)Where stories live. Discover now