DADDY: 33

10.1K 283 14
                                    

"Gising ka na pala, sayang at hindi mo nakilala yung anak ko. Andito siya kanina, hindi na kita inabala pang gisingin."

Nabosesan ko si Edward habang maga pa ang mata ko sa luha. Umiyak ba ako habang tulog?

Umupo si Edward sa kama kung nasaan ako nakahiga. Kwarto niya ito. Hindi ko naman akalain na makakabalik pa ako dito.

"Ayos ka na ba?" Tanong niya sa akin. Mahihimigan mo sa boses niya ang pag-aalala.

Napahawak ako sa sentido ko. Medyo makirot yung kabilang parte ng ulo ko, sa may kanan pero kaya ko namang tiisin. Siguro dahil lang to sa red horse na ininom ko kagabi.

Tumango ako.

"Hangover yan. Nagluto ako ng sabaw sa ibaba. Gusto mo ba dalhan nalang kita ng pagkain dito?"

Umiling ako. Napaka VIP ko naman kung dadalhan pa ako ni Edward ng pagkain dito sa kwarto niya. Laking pasasalamat ko dahil baka sa lasangan ako nakatulog dahil sa sobrang kalasingan kung hindi siya dumating. Pero, paano naman niya ako namataan kagabi?

"P-papano mo pala ako nakita kagabi?" Tanong ko.

Ngumiti siya. "I was on my way home. Huminto ako para bibili sana ng gamot sa Mercury then sakto paglabas ko ng Mercury, that's when I saw you. Kaya agad na nilapitan kita agad."

Lalo akong nahiya. Ayoko pa naman na nakikita ako ng ibang tao lalo na at kakilala ko na lasing ako. Buti nalang kamo at mabait tong si Edward.

"Bakit ka nga pala umiinom ng ganung oras sa gater ka pa nakaupo?"

Dahil sa tanong yun ni Edward, naalala ko nanaman si Sean. Siya kase ang pinuputok ng butsi ko nitong mga nakaraang araw. Wala nang ibang laman ang tyan ko kundi alak. Wala na ako ibang hinihithit kundi sigarilyo at wala nang ibang laman ang utak ko kundi si kupal na si Sean.

"Nakakahiya at nakita mo ako sa ganung pagkakataon." Nahihiya ako. Hindi nga ako makatingin sa mga mata niya ng diretso.

"May problema ka ba? Ayos lang yan. Baka makatulong ako." Sabi niya habang akbay ako.

Umiling ako. Nawala yata yung hilo ko dahil sa pabango ni Edward. Imbes na masuka ako sa amoy ng pabango, mas nawala at nakatulong pa yon sa hilo ko.

"Nandito yung anak mo?"

Inalis ni Edward yung kamay niya na naka-akbay sa balikat ko. Naging malungkot ang mga mata niya.

"Oo kanina. Habang tulog na tulog ka. Pumasok siya dito kaso nakatalukbong ka naman ng kumot kaya hindi ka naman niya namukaan. Hindi rin naman siya nagtagal." Mahina at malungkot na sabi ni Edward.

"Kelan ba kayo huling nag-usap ng anak mo?"

Bumuntong hininga si Edward ng pagka-lalim bago sumagot. "Hindi ko na maalala."

"Magkakaayos din kayo niyan. Sigurado ako. Wala namang anak ang matitiis ang kanilang magulang. Hanga nga ako sayo kase kahit na nag iisa ka at walang katulong sa pagpapalaki sa anak mo, nakaya mo. Kahit na ang dating sa akin ng anak mo mukhang pasaway at suwail pero alam ko may kabaitan din siyang tinatago."

"Ron, bakit mo naman yan nasasabi?"

"Alam ko kase mabait kang tao. Tinulungan mo ako sa hospital bill ni papa noon kahit na hindi naman ako lumapit sayo. Tumulong ka kahit na hindi naman tayo magka-ano ano. Tapos eto, may trabaho pang nag-aantay sa akin. Lahat nang yun dahil sayo. Kaya ko nasabi na mahal ka din ng anak mo kase mabait kang ama."

Napangiti si Edward. Lahat ng sinabi ko totoo. Hindi ko yun sinabi para lang gumaan ang loob niya. Alam ko naman kahit hindi niya sa akin sabihin, alam ko na miss na din niya yung kanyang anak. Mahirap kayang mawalay sa isang anak lalo na at solo parent ka pa.

"Gusto mo ba siyang makita?" Kinuha ni Edward yung wallet niya. Marahil nandoon yung litrato ng anak niya.

Pero bago pa man niya mabuksan ang wallet niya, tumunog naman ang telepono ko. Tumatawag si mama. Hinanap ako at pinapauwi na kaya nagpa-alam nalang ako at nagpasalamat kay Edward sa kabutihan ng kanyang loob. Nag offer pa si Edward na ihatid ako sa bahay pero sa pagkakataong ito, tumanggi na ako. Sobra naman kung magpapahatid pa ako. Isa pa, may singkwenta pa naman ako sa bulsa sakto pamasahe pauwi.

Hinatid nalang ako ni Edward sa labas ng gate ng subdivision nila. Kinulit pa niya ako na ihatid daw niya ako pero tumanggi ako. Binigyan pa niya ako ng pamasahe pero di ko tinanggap. Kaya sa huli, nag abang ako ng masasakyang jeep.

Nang makasakay ako ng jeep pa bayan, naalala ko nanaman si drama king kupal dahil ang tugtog sa radyo ay "Sana" ng Shamrock. Iyan ang kanta na kinanta ni drama king nung unang beses na sumama ako sa gig nila noon. Doon ko din nakilala yung mga kabanda niya at syempre doon ko nakilala yung hindi ko inaakalang magiging karibal ko na si Justin.

Parang nawala ako sa sarili habang nakikinig sa  kantang iyon ng Shamrock. Naluluha ako pero pinigilan ko kase nahihiya ako sa makakakita sa akin. Naalala ko lahat ng pinagsamahan namin ni Sean. Inisip ko kung bakit kami humantong sa ganito? Normal naman na magkalabuan ang mag kasintahan diba? Pero, bakit ganito pakiramdam ko, hindi ko na kilala si drama king. Hindi ko maisip kung saan siya nanggagaling. Bakit kaya niya ako sinasaktan ng ganito?  Nawala ako sa muni muni nang binalik ako sa kasalukuyan ng mamang driver.

"Boy! Saan ka ba bababa? Lagpas na tayo sa bayan. Bingi ka ba? Hoy! Boy!"

"S-sorry po. Dito nalang po ako." Inabot ko sa kanya yung bayad bago bumaba.

"Bulok na yang style niyo na kunwari nagpapanggap na bingi para lang makalibre sa pamasahe! Buti nagbayad ka kung hindi ipapa-pulis sana kita. Nako, kayong mga kabataan ngayon!"

Tapos habang naglalakad ako pabalik ng bayan, naisip ko na mas maigi na siguro na makulong ako kase at least doon, hindi ko makikita yung mga bagay na makapag-papaalala sa akin kay drama king. Iniisip ko din na sana magkabati na sila Edward at yung anak niya.

"Hoy, Ron!"

Habang naglalakad narinig ko na binusinahan ako ni Denver. Nag eextra kase siya na tricicle driver kapag wala yung totoong driver na humahawak. Sinakay niya ako.

"Nga pala, nasakay ko kanina si Sean mo. Hindi niya ako namukhaan kase naka mask ako."

Nabuhayan ako ng loob at may kung ano akong naramdaman sa pagbanggit ni Denver kay Sean.

"Talaga? Saan? Anong oras?"

"Kanina sa tapat ng Francisville. Mayaman pala talaga yang si pareng Sean, no?"

Francisville? Ano naman gagawin niya sa Francisville? Sa isip isip ko. Kung napaaga lang pala ako ng kilos, baka nagkita pala kami. Doon din kasi ako galing. Doon din nakatira sa subdivision nayon si Edward.

"A-ano suot niya? S-saan daw siya pupunta?"

"Binaba ko siya sa terminal ng FX pa-Cubao. Mukha ngang balisa at wala sa sarili. May alam ka ba don?"

Umiling ako.

"Nagkausap na ba kayo?"

Umiling muli ako.

Lalo akong nasaktan kase bakit parang wala na akong alam sa mga lakad ni Sean? Pakiramdam ko may gap na. Parang hindi na namin kilala ang isa't-isa.

Daddy (COMPLETED)Where stories live. Discover now