CHAPTER 28: Their Comfort

2.4K 89 1
                                    

MARY'S POV

Sunod naming pinuntahan ay ang Horror Booth na si She ang pumili. May dalawang bantay sa labas sa mismong gate ng building na siyang nagkokolekta ng bayad. Maging sa mismong pinto ay may dalawa ring bantay na lalaki na siyang magbubukas ng pinto para sa mga papasok.

Sa labas pa lang ay hindi mo aakalaing classroom ito dahil may mga nagkalat na mga artipisyal na supot at mga buto sa mismong daraanan. Apat na classrooms na pinag-isa ang tumatayong horror house. Dalawang pinto lang ang pwedeng madaanan: para sa entrance at exit. Iyong ibang pinto pa na natitira ay nilagyan ng mga kahoy na pinaekis sa mismong pinto bilang harang at nilagyan ng pako na mukhang luma na at inaanay na sa itsura nito.

Sa mismong hallway ay may nagkalat na mga tuyong dahon. May mga naglalakihang laruang gagamba sa mga dingding na gumagalaw at mabalahibo na parang totoong may buhay. May ilan ding mga uwak na kung hindi ako nagkakamali ay de-baterya. Ginawa rin nilang parang mga basag na at luma ang bintana ng mga classroom kung titingnan at ang pinakamalala sa lahat ay ang mga sariwang dugong tumutulo sa dingding lalong-lalo na sa mismong pinto.

I wonder how much it costs to turn the whole place into a horror house. Ang nakamamangha pa sa lahat ay may maririnig kang mga ingay na nanggagaling sa kung saan mula sa mismong kinatatayuan namin: may mga umiiyak, bumubulong, kumakanta ng nakakatakot na kanta at mga humihingi ng tulong at sumisigaw.

Nakadagdag din sa nakakikilabot na ambiance ng lugar ang babaeng officer na nasa entrance sa tabi ng nakasarang gate na binabantayan ng dalawang lalaki. Nakasuot ito ng puting nakakikilabot na damit na kaparehong-kapareho ng suot ng isang White Lady sa mga palabas. Nakatakip sa mukha niya ang kaniyang mahabang buhaghag na buhok na hanggang baywang ang haba ngunit nakalitaw ang kanang mata niya na walang kabuhay-buhay. Itim na itim din ang ibaba ng mga mata nito.

Nagbayad na si Chris at Peter para sa aming apat. Dahil ako ang malapit sa babaeng nasa entrance ay ako na ang nagprisintang kumuha ng ticket na siyang kailangan para papasukin kami ng dalawang bantay na nasa pinto. Inilahad ko ang kamay ko sa mismong harapan ng babae at halos mapalundag ako sa gulat nang sinadyang idampi ng babae ang kaniyang nanlalamig na kamay sa kamay kong nakalahad.

Pigil ang hiningang iniangat ko ang aking tingin para salubungin ang tingin ng babaeng hanggang ngayon ay nakahawak pa rin sa ticket na siya mismo ang naglagay sa palad ko. Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang mapansin kong nanlilisik ang mga mata niyang nakatingin sa 'kin.

Hindi ko maiwasang manginig sa takot dahil kung ganitong nasa entrance pa lang kami ay marami na ang pakulo, ano pa kaya kapag nasa loob na kami? Baka mangisay na ako sa sobrang takot sa kung ano mang naghihintay sa amin sa loob.

Nang alisin ng babae ang kamay niya mula sa pagkakahawak sa ticket ay mabilis na kumilos ang dalawang bantay sa gate upang pagbuksan kami. Nang mapagbuksan na kami ng gate ng dalawang bantay ay kaagad na kaming pumasok ng gate at lumapit sa dalawa pang bantay na nasa pinto.

Hindi ko malaman kung anong magiging reaksiyon ko pagkakita ko sa mga bantay na nasa magkabilang gilid ng pinto. Pareho silang naka-vampire costume at may dugo sa gilid ng kanilang mga labi. Mapuputla rin ang kanilang mga mukha na animo'y hindi sila nasisikatan ng araw.

"Ticket," sabi ng batay na nasa kanan sa nakakatakot na boses, dahilan para lumabas ang kaniyang pangil na sobrang talas at haba.

Nanginginig ko namang iniabot sa bantay na nagsalita ang ticket na hawak ko.

"Grabe. Nakakatakot naman 'tong mga bantay na 'to," nanginginig na bulong ni She na mahigpit na ang kapit kay Peter.

Hindi ko magawang tawanan si She sa istura niya dahil maging ako ay kanina pa nakakaramdam ng takot. Nagtatapang-tapangan lang ako dahil nandito na kami. Wala ng atrasan 'to.

The Revenge of a NerdTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon