CHAPTER 26: Sports Fest 2

Magsimula sa umpisa
                                    

Napatakip na lamang ako sa aking tainga dahil sa lakas ng sigaw ni She. Nahihiya akong bumalik sa pagkakaupo ko at mabilis kong itinakip sa mukha ko ang banner na iniabot sa akin ni She kanina.

"I love you too, bhe! You're my source of strength!"

Pasimple kong ibinaba ang banner na hawak ko hanggang sa ilong ko para makita ko si Peter na siyang pinanggalingan ng sigaw na narinig ko. Bagay nga sila. Pareho silang mahilig mag-eskandalo at mahilig sa PDA.

Nakangising humarap si She sa aming likuran. Lumingon din naman ako sa aming likuran para tingnan ang reaksyon ng tatlong babaeng nasa likuran namin. Pigil ang tawa ko nang makita ko kung paanong nanlaki ang mga mata ng tatlo. Mga nakaawang na rin ang kanilang bibig na parang hindi sila makapaniwala sa natunghayan nilang eksena ng dalawa.

"Inggit kayo, ano?" pang-aasar ni She sa tatlo at bumalik na sa pagkakaupo niya sa tabi ko dahil magsisimula na ang laro.

"She, baliw ka talaga. Kung ano-anong kabaliwan ang naiisip mo," bulong ko kay She nang makaupo na siya.

"Hindi ako si Sheena na kaibigan mo kung hindi ako gagawa ng kalokohan at kabaliwan," nagmamalaki pang sagot ni She, dahilan para tuluyan na akong matawa.

"Sabagay, tama ka," natatawang pagsang-ayon ko sa sinabi ni She.

Tama naman kasi siya. Mas magugulat pa nga ako kung lumipas ang isang araw na hindi siya nagsasalita o gumagawa ng kalokohan.

Hindi na kami muling nag-usap pa at tahimik na lang kaming nanood ng laro na hindi ko naman maintindihan kung ano na ang nangyayari dahil ito ang unang beses kong manood ng basketball.

"Wohoo! Go, bhe! Ang galing mo!" biglang sigaw ni She na halos magpabingi sa 'kin.

"She, saan mo ba nakukuha 'yang enerhiya mong hindi maubos-ubos?" sarkastikong tanong ko.

"Saan pa ba? Malamang sa katawan ko," pambabara sa akin ni She kaya hindi na ako nagtangka pang magtanong muli sa kaniya at minabuti kong ituon na lang ang atensiyon ko sa laro.

Hindi ko mapigilang makisabay sa pagsigaw ni She nang makitang na-shoot ni Chris ang bola kahit ang layo-layo niya sa ring. Ngunit kaagad din akong nawalan ng imik nang makita kong kumindat si Chris sa direksyon namin. Ilang beses akong napakurap para tiyakin kung totoo ba ang nakita ko at hindi ito basta imahinasyon ko lang.

"Grabe, girl! Nakita mo ba 'yon? Kumindat sa akin si Chris," nag-hy-hysterical na sabi ng babaeng nasa likuran namin na inaway kanina ni She kaya kaagad kong nakumpirmang totoo nga ang nakita kong pagkindat ni Chris kanina.

Hindi ko naman maiwasang pamulahan ng pisngi nang pumasok ang ideya sa isip ko na maaaring ako ang kinindatan niya dahil sa akin siya nakatingin nang gawin niya iyon kanina.

"Girl, huwag kang mag-assume. Ako ang kinindatan niya, hindi ikaw!" sabad naman ng isa pa.

"Anong kayo? Ako kaya," nagmamalaking sabi pa ng isa.

Nagulat na lang ako nang biglang tumayo si She at muli niyang hinarap ang tatlong nasa likuran namin.

"Hoy! Kayong tatlo, kanina pa kayo ah. Mga assumera kayo ng taon. Hindi ba ninyo alam na si Ma—hmp!"

Hindi na naituloy pa ni She ang sana'y sasabihin niya nang takpan ko ang bunganga niya gamit lang ang isang kamay ko.

"Pasensiya na kayo. Nasobrahan kasi sa energy drink itong kaibigan ko," nahihiyang sabi ko sa mga tinawag ni She na clown kanina.

Walang sabi-sabi kong hinila paupo si She bago pa siya gumawa ulit ng eksena.

"Mar, bakit mo ba ako pinigilan? Dapat hinayaan mo na lang akong ipamukha sa kanila na wala silang panama sa ganda mo," inis na sabi ni She nang makaupo na kami.

The Revenge of a NerdTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon