Chapter 43 - Nefarios's Blackmarket (Part II)

3.4K 166 38
                                    

Umuulan ng mga bala sa paligid. Nagsisimula nang makipagpalitan ng putok ng baril ang mga nakatokang gwardiya ng NL7 sa loob ngunit walang makakapigil sa amin.

Binalot ng sigawan at kaguluhan sa buong silid. Hindi magkandarapa ang mga bisita sa kung saan magtatago lalo na sa ilang mga politiko na sangkot sa kaguluhang ito.

Ako ang unang umabante upang habulin ang may hawak kanila Kuya Paul at Aziel, habang sina Kuya Niel, Cello, at Aiden ang back-up sa likod. Gayunman, marami pa rin sa mga tuta ng NL7 ang sinubukan akong pigilan.

Sa bawat paghawak sa aking braso, ay ang lakas na suntok at balibag ko sa kanila pabalik. Parang alon na dumadaan ang mga kamay ko sa kanilang braso sabay bali at patid sa kanilang mga paa. Tumuntong ako sa isang mesa na naroon. Pinalibutan nila ako. Wala nang bala ang hawak kong baril, inabot ko na rin ang iba sa natitira kong magazine kay Kuya Niel kanina kaya wala akong pagpipilian kundi lumaban ng manu-mano.

Sinipa ko ang vase diretso sa mukha ng isang lalaki samantalang ang mga baso ng wine ay mabilis kong binasag at ginamit na patalim sa mga sumusugod na kalaban. Pilit nilang itinutumba ang lamesa na pinagtutuntugan ko ngunit sa bawat pag-angat nito sa kabilang dulo ay tumatakbo ako roon upang mabalanse at maging pantay ulit ang kinatatayuan ko.

May isang umakyat sa mesa na tila ba naging entablado namin para sa paglalaban na ito. Sinubukan niyang makipagsuntukan na mabilis kong nailagan. Sinamantala ko ang nakabukas niyang depensa at sinugod ang kanyang dibdib ng isang malakas na pagsipa na naghudyat ng pagkabagsak niya sa baba. Marami ang sunod-sunod na sumugod. Sa isang pagsipa ng kalaban ay ang pagyuko ko sa baba. Dinakot ng aking mga kamay ang puting table cloth cover na ginamit nila sa mesa. Iniangat ko ito at hinila kaya nawalan ng balanse ang nasa harap ko. Muli ay may sumugod sa likod ko. Mabilis akong umikot at lumipat ng mapagtutuntungan upang mahila ko ng tuluyan ang tela na hawak. Ito ang ginamit kong armas sa mga sumunod na kalaban.

Inikot ko ang tela sa aking mga kamay na animo'y lubid at ito ang ipinulupot ko sa leeg ng isang lalaki na nagtangka akong kalabanin. Mayroon pang sumugod sa aking likuran kaya ginamit kong pangbwelo ang lalaking bihag ko upang sipain ng napakalakas sa dibdib ang kasama niya. Humigpit ang pagkakapulupot ng puting tela sa leeg ng lalaki. Sunod ko na lamang na narinig ay ang malakas na lagatok. Nagpaputok sa direksyon ko ang mga kasama niya. Ginamit kong pangharang ang katawan niya upang makaalis doon.

Binilisan ko ang pagtakbo at ang mga mesa sa paligid ang naging daan ko. May ilan sa kanila ang may hawak ng kahoy at ilang beses na tinangka akong hampasin nito. Ngunit lahat ng plano nila ay nauwi sa kabiguan dahil sa bawat paghampas na natatamo ko ay sampung beses ko itong ibinabalik sa kanila.

Sa sobrang abala ko sa pakikipaglaban ay may isang nakasalisi sa aking likuran. Naramdaman ko ang malakas na paghampas sa aking likod. Halos mapasigaw ako sa sobrang sakit ngunit pinanatili kong nakatayo ang mga paa ko sa semento kahit buong katawan ko ay sumisigaw ng pagbagsak.

Natikman ko ang tila ba lasa ng kalawang sa aking mga labi. Nagdura ako ng dugo sa may gilid. Pinunasan ko ang dumudugong labi dahil sa natamong sugat mula pa kanina, at saka itinutok ang nagdidilim kong mga mata sa lalaking nangahas na saktan ako.

"Tapos ka na? Ako naman."

Umabante ako sa direksyon niya. Bakas ang nanlalaki niyang mga mata sa gulat. Sa sobrang bilis... wala na siyang oras para sumigaw kasabay ng malakas na pagsuntok ko sa kanyang dibdib. Narinig ko ang paglagatok, ang pakiramdam ng pagdiin ng nagbabaga kong kamao sa kanyang laman, at amoy ng pagbuga ng dugo mula sa kanyang mga labi. Sa isang huling paghinga, bumagsak siyang wala nang buhay ang mga mata.

Napasingap ang mga kasama niya sa gulat. Iniangat ko ang tingin, takot silang napaatras palayo sa akin.

"Serene, halika na!"

Listen To My LullabyWhere stories live. Discover now