PROLOGUE

2.3K 96 27
                                    

PROLOGUE

Walang kapantay ang ganda ng langit.

Siguro kung tatanungin ako kung anong pinakamagandang bagay na nilikha ng Diyos, ito agad ang isasagot ko.

Hindi ko man ipinangarap ang maging piloto o ibon, pero handa akong ibigay ang lahat madama lamang ito.

"Nakikinig ka ba?" aniya na halatang naiirita na.

"Ha?" Binalik ko ang tingin ko sa kaniya na ngayo'y nakasimangot at ang parehas nitong kamay ay nasa beywang na.

"Kanina pa ako nakaayos dito tapos 'di ka naman pala nakikinig. Ayoko na." Pinitik nito ang buhok saka magarbong lumakad palayo.

Sumusunod ang mahabang bestida nitong inaanod ng hangin sa bawat hakbang nito. Para siyang diwata ng kabundukan na siyang nagbabantay ng mga puno at halaman ditto.

"Ang sungit mo naman!" Binitawan ko ang lapis at sketchpad saka siya sinundan.

Binuntutan ko siya hanggang sa mainis siya at sa wakas ay lingunin niya ako. Magkasalubong ang kilay nito at parang handa nang makipagsagutan sa oras na magsalita ako.

"Hindi mo ba alam 'yong personal space?" Pinagtaasan ko siya ng kilay.

Inilapit ko ang mukha ko sa mukha niya dahilan para bahagyang manlaki ang mga mata nito at tignan ako lalo nang masama..

"Ganiyan ang hindi alam ang personal space." Marahas niyang tinulak ang noo ko gamit ang hintututro niya.

Imbes na masaktan, tinawanan ko lang siya sa mukha. Tinalikuran ako nito at kumaripas ng takbo sa 'di kalayuang talampas.

Umupo ito sa damuhan at niyakap nang mahigpit ang tuhod nito. Ramdam ko pa rin ang inis niya kaya minabuti kong hayaan na muna siyang mapag-isa para hindi niya ako lalong mapagbuntunan.

"Mahulog ka diya'n!" sigaw ko ngunit hindi niya ako pinansin

Alam kong narinig niya ako dahil lalo niyang nilapit ang tuhod niya sa dibdib niya. Kaya naman kinuha kong muli ang sketchpad at ang lapis saka inumpisahang iguhit siya sa kasalukuyang posisyon niya.

Kung tutuusin, pwedeng-pwede ko namang kuhanan na lang siya ng litrato kasama ng kahali-halinang langit na nasalikuran niya pero parang mas gugustuhin kong preserbahin ang pagkakataong ito nang walang tulong ng teknolohiya at gamit lamang ang kamay ko.

Alam mo 'yon? 'Yong kakaibang pagpapahalaga kapag gusto mong tumagal ang isang bagay, parang mas nanaisin mo na ikaw mismo ang gumawa nito nang may buong puso at ngiti sa labi.

Nakatigilid ito mula sa akin, yakap-yakap ang mga tuhod niya habang hinahangin ang kulot nitong buhok na humaharang sa mga mata niya. Kasamang sumayaw ng kaniyang bestida ang mga berdeng damo na animo'y nakiki-simpatya sa pag-iisa niya. Ang mga puno naman ay sadyang tumugma sa kalmanteng pagkatao na mayroon siya.

Nang mag-angat ako ng tingin, bigla itong tumayo sabay pinagpagan ang damit. Kinawayan ko siya pero panandaliang tumigil ang pagtibok ng puso ko nang humakbang ito papalait sa dulo ng talampas.

Halos lumipad ang sketchpad ko nang takbuhin ko ang kinaroroonan niya. Hinawakan ko kaagad ang braso niya, dahilan para mapaharap siya sa'kin.

Ngumiti lamang ito at inilipat ang tingin sa langit. Tinignan ko rin ito kahit at hinayaang balutin kami ng huni ng mga ibon at humahampas na hangin.

"Sana kapag dumating ang araw na mawala na ang sigla ng langit, magawa mo pa ring magpaulan sa natitirang kulay na mayroon ito." bulong niya.

Napalingon ako sa kaniya nang hawakan niya ang kamay ko. Hindi ko naiintindihan kung anong gusto niyang iparating, ngunit nang madama ko ang init ng mga daliri niya, unti-unting bumagsak ang talukap ng mga mata ko para damhin ito.

Hinayaan kong manatili kami sa ganoong posisyon, ngunit habang tumatagal, nanlalamig ang hawak nito.

Unti-unting gumapang ang lamig sa buong katawan ko hanggang sa paggalaw ko ng mga daliri ko ay ang hangin na lamang ang hinahawakan ko.

Sinubukan kong tawagin ang pangalan niya ng ilang beses, ngunit walang sumasagot.

Tumingala ako sa langit na unti-unti nang nilalamon ng dilim.

Sa paglipas ng sigla nito ay ganoon na lamang siyang nawala sa tabi ko.

Fleeting SkiesWhere stories live. Discover now