Si Mama

51 2 0
                                    

HORROR

Isang malakas na iyak ang pinakawalan ko nang tumama sa aking mukha ang sinag ng araw. Nakarinig ako ng mga yabag at ilang sandali lamang ay nasa harap ko na si Mama. Suot niya ang kulay puting tela na hanggang gulugod at puting bagay na nakapatong kaniyang ulo. Kung hindi ako nagising sa nakakainis na liwanag, matatawa sana ako sa puting tali na lumalawit sa bagay na nasa ulo ni Mama. Pero dahil naumpisahan ko na ang pag-iyak, itinuloy-tuloy ko na lang. Kinarga ako ni Mama't tinapik-tapik ang aking likod. Dahil sa komportableng init na nagmumula sa kaniya, tumigil ako sa pag-iyak.

"'Nanay! Alas k'watro na, male-late na tayo!" narinig kong sigaw ng aking Mama. Mula sa likuran niya ay nakita ko ang kaniyang Nanay -- kulay apoy sa aming gasera ang mga labi at pisngi ng babaeng kamukha ng aking ina. May suot din itong bagay na isinusuot ni Mama sa kaniyang paa tuwing papasok kami sa lugar na tinatawag niyang 'School'.

Binuhat ako ni Nanay upang ayusin ni Mama ang aking damit. Isinuot na naman niya sa aking kamay at paa ang dalawang pares ng kulay puting malambot na tela. Binalot din niya ako sa puting masikip na damit na kinaiinisan ko.

Pagkatapos ay inilagay nila ako sa parihabang may gulong na nagsilbi kong sasakyan sa nakalipas na apat na taon.

Sinimulan na nilang itulak ang aking sasakyan. Wala akong makita kun 'di ang kulay apoy na may halong kulay araw na langit. Masakit iyon sa mata. Gusto kong umiyak ngunit pinigilan ko ang aking sarili dahil baka pagalitan na naman ako ni Mama sa pagiging iyakin ko. Itinabon ko na lang ang kamay kong may tela sa aking mga mata at hiniling na sana'y makarating na agad kami sa aming patutunguhan.

Mabait nga 'ata sa akin ang langit dahil maya-maya lang, huminto na sa paggulong ang aking sasakyan sanhi upang makaramdam ako ng kasiyahan.

"Ba't ngayon ka lang? Nagmamartsa na!" Boses iyon ng kaibigan ni Mama.

Nakarinig ako ng malakas at nakakaheleng tunog kung kaya't agad kong ipinikit ang aking mga mata at maya-maya lang, ako'y nakatulog.

Sa aking pagtulog ay mukha ng aking ina ang aking nakita -- mukhang naliliwanagan ng aming gasera tuwing gagawa siya ng sinasabi niyang 'assignments', mukhang kumukunot tuwing matatamaan ng sinag ng araw tuwing umaga, at mukhang may bakas ng kapaguran tuwing lulubog na ang araw sa hapon. Kahapon nga habang hinahaplos niya ang aking buhok ko'y naitanong niyang, "Ano ba ang pinagkaiba ng bukang liwayway sa takipsilim, 'nak? 'Yong bukang liwayway ay ang pagsikat ng araw at ang takipsilim ang paglubog."

Gusto ko siyang sagutin na ang kaniyang mukha: na tuwing sisikat ang araw ay magliliwanag din ang kaniyang mukha at tuwing lulubog ang araw nama'y lulungkot iyon at mapupuno ng pagod. Ngunit. . .

"Sabi kasi ng teacher namin, ang pagsikat ng araw ay tanda ng bagong buhay, bagong simula. Kung sabagay, araw-araw nga nama'y simula ng pakikipaglaban sa hamon ng buhay."

. . . walang lumabas na boses sa aking bibig kung kaya't ako'y umiyak na lamang.

"Hayan, simula na naman ng pag-iyak mo. Halika nga rito."

Nagising ako dahil sa malakas na palakpakan at hiyawan ng mga tao. Doon ko napagtantong nasa school kami ni Mama. Ganito sa school, maingay, ngunit masaya.

"Unang karangalang banggit, Victoria, Vicky K.."

Nanlaki ang aking mga mata. Pangalan iyon ni Mama!

Sinubukan kong tumayo upang tingnan kung ano ang nangyayari ngunit hindi ko magawa: masyadong malambot ang aking mga paa at tuhod. Sa sobrang inis ay umiyak ako .

Kinarga ako ni Mama. Buhat-buhat ako't kasama si Nanay ay naglakad siya papunta sa tinatawag na stage ng mga kaklase niya na ngayon ay may mga disenyong nakakaakit sa aking mga mata. Kinamayan at nginitian si Mama ng mga taong may mga kulay ang mukha. Ibinigay naman ng mga tao ring iyon kay Nanay ang isang taling kulay apoy, langit, at puti na may bilog sa dulo. Kumikintab ang bilog kung kaya't nang lumapit si Nanay kay Mama'y agad kong inabot iyon. Napahalakhak ako nang ilayo iyon ni Nanay. Tumawa si Mama at hinalikan ang aking pisngi. Masaya siya. At sa hindi malamang dahilan, nakaramdam na naman ako ng saya.

May mga nakakasilaw na liwanag na tumama sa aking mga mata sanhi upang ipadyak ko ang aking mga paa. Tingnan ko nang masama ang bawat taong nasa baba ng stage na may hawak na maliit at parihabang bagay kung saan nagmumula ang paulit-ulit na puting liwanag. Naramdaman 'ata ni Mama ang iritasyon ko kaya agad siyang bumaba mula sa stage patungo sa mga kaklase niyang magkakatulad ang damit at nakaupo sa nakahanay na puting upuan.

Nang makaupo si Mama'y pinahiran niya ng panyo ang basa niyang pisngi. Tinitigan ko siya, nagtatanong. Ngiti lang ang naisagot niya sa akin. "Bagong kabanata na naman 'to sa buhay natin, 'nak. Bagong simula," bulong niya.

Nagtataka man sapagkat paglubog ng araw angnagaganap sa kalangitan at hindi pagsikat, napangiti na lang ako. Dahil kahithindi ko siya maintindihan minsan, mahal ko si Mama, at sasamahan ko siya sabawat pagsikat at paglubog ng araw sa buhay niya -- naming dalawa.    

Walang Kwento Where stories live. Discover now