Mahaba Pa Ang Gabi

48 2 0
                                    

THRILLER

Patuloy sa paglalakad si Emily habang masaganang umaagos ang luha sa kaniyang pisngi.
Hindi niya alam kung saan siya pupunta.
Ang alam lang niya kanina pa siya naglalakad at tinatalunton ang madilim at makipot na daan sa loob ng minahang pinasukan nila kanina -- nila ni Matt. Sa pagsagi ng nobyo sa kaniyang isipa'y lalong napuno ng luha ang kaniyang mga mata at umalpas sa kaniyang mga labi ang isang hikbi.
Nanginginig ang mga tuhod na napasalampak siya sa niyebeng tumabon sa lupa. Hindi man niya nakita ang pumatay kay Matt, alam niyang hindi iyon tao. Hindi tao ang babali sa buto ni Matt nang basta-basta at ngunguyain iyon pagkatapos. Hindi tao ang mangangamoy nang gano'n kabaho. Hindi iyon tao.
Sa kaniyang paghikbi'y nakarinig siya nang kaluskos sa 'di kalayuan. Kaluskos na siguradong dulot ng dahang-dahang pagyapak ng mga paa ng kung sino mang nilalang sa niyebe. Kaluskos na sanhi upang takpan ni Emily ang kaniyang bibig, pigilan ang pag-alpas ng kaniyang pagsinok at paghikbi at dahan-dahang tumayo. Malakas ang kabog ng kaniyang dibdib. Rinig na rinig niya ang pagbomba ng mga dugong kaniyang puso patungo sa kaniyang tainga. Ang lamig ng niyebeng kinauupuan niya ay unti-unting nanunuot sa kaniyang mga hita, pataas sa kaniyang batok kasabay nang malamig na simoy ng hangin, sanhi upang magsitaasan ang kaniyang balahibo.
Kung ang nilalang na pumatay kay Matt ang palapit ay siguradong hindi na siya makakatakas. Katapusan na niya. Habang lumalapit ang kaluskos ay umaatras si Emily. Kung mamamatay man siya ngayon, mamamatay siyang tumatakbo. Dahan-dahan din ang kaniyang pag-atras hanggang sa may matapakan siya't lumubog doon ang kaniyang mga paa.
Malambot. Parang putik.
Ngunit imposibleng putik iyon dahil bukod sa nagni-niyebe ang buong paligid, ay tumunog pa ang kaniyang naapakan na parang may nabaling buto. Sinubukan niyang alisin ang kaniyang mga paa ngunit masyadong malalalim ang pagkakalubog. Yumuko siya upang tanggalin na lamang sana ang kaniyang sapatos. At doon niya nalanghap ang amoy.
Malansa. Amoy nabubulok.
Napatigil siya nang may tumapat na ilaw sa naapakan niyang bagay. Napatigalgal siya hindi dahil sa ilaw kung hindi dahil sa kaniyang nakita. Nakalubog ang kaniyang sapatos sa isang-- nabubulok na ulo!
Napako siya sa kaniyang kinatatayuan. Umakyat patungo sa kaniyang lalamunan ang kinain niyang meryenda. Nanlalaki ang kaniyang mga mata, hindi makapaniwala, hindi alam kung ano ang mararamdaman -- kung takot, pagsisisi o awa. Dahil sa tabi ng ulong may makintab na hikaw sa taingang may lumalabas na kulay puting maliliit na uod ay ang mga kagamitan ni Hannah.
Si Beth. Ang isa sa kambal na kapatid ng kaibigan niyang si Josh.
Kay Beth ang ulong iyon. Alam niyang hikaw iyon ni Beth. Ngunit kung nandito si Beth, nasaan si Hannah?
Napapikit siya at hinayaang kainin ng konsensiya ang buo niyang pagkatao. Kung hindi lang sana nila napagtrip-an ang isa sa kambal na kapatid ni Josh, kung hindi lang sana siya nagdesisyon na dala ng selos at galit, kung pinabayaan na lang sana niya si Hannah na magkagusto sa ex-boyfriend niyang si Mike, siguradong wala siya sa lugar na ito ngayon -- sila.
Nahihilo siya. Nasusuka. At tuluyan nang bumigay ang nanginginig niyang tuhod. Ngunit bago pa man siya matumba'y isang braso ang sumalo sa kaniya sanhi upang tumilapon ang flashlight at sa ibang direksyon mapunta ang liwanag na nagmumula roon.
Nanghihina man ay naaninagan niyang lalaki ang sumalo sa kaniya.
Kasabay nang pagpikit ng kaniyang mata'y ang pag-ibabaw ng isang atungal.
"Babae, gising!"
Ramdam niya ang pag-alog ng estrangherong lalaki sa kaniyang balikat, ngunit mas pinili niyang lamunin siya ng kadiliman.

Ilang beses napamura ang estrangherong lalaki. Hawak niya sa kaniyang bisig ang babaeng hindi niya kilala, at ang mga kaibigan nito'y nasisiguro niyang nasa panganib. Kung bakit ba naman kasi rito pa nila naisipang magbakasyon! Mga kabataang walang alam, mga batang akala'y laro lamang ang buhay!
Napamura siya nang matamaan ng liwanag na nagmumula sa tumilapon niyang flashlight ang isang nilalang na may labinlimang talampakan ang taas. Nilalang na pinagmulan ng atungal. May mapupula itong mga mata, gulong malalagkit na buhok, litid na kitang-kita sa manilaw-nilaw nitong balat, at bibig nitong may kulay dilaw na mga pangil at tila berdeng tumutulong laway. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang hindi nag-iisa ang nilalang.
Lima sila. Limang halimaw. Limang wendigo.
Napaatras siya, at wala nang nagawa kung hindi ang tumakbo sa makapal na niyebe habang pasan-pasan sa kaniyang balikat ang nahimatay na babae. Kung nag-iisa lang siya'y mabilis niyang matatakasan ang mga ito, ngunit dahil nga may buhat-buhat siya at masyado pa itong mabigat ay hirap siya sa pagtakbo.
Hindi siya lumingon. Ayaw niyang makitang palapit na nang palapit ang ibang wendigo. Ayaw niyang makitang matatalo't mapapatay siya ng mga ito. Hindi niya alintana ang hingal. Hindi niya alintana ang lamig. Isa lang ang nasa isip niya habang tumatakbo: ang makatakas.
Natatanaw na niya ang bahay-bakasyunan ng kaibigan ng bitbit niya kung kaya't nagkaroon siya ng pag-asa. Binilisan niya pa ang pagtakbo kahit gusto nang bumigay ng kaniyang mga tuhod, kahit naninikip na ang kaniyang dibdib sa dami at lamig ng hangin na nalalanghap niya.
Limang hakbang na lang. Apat. Tatlo.
Napadapa siya nang may dumamba sa kaniyang likuran. Naabutan sila ng halimaw. Habang hawak pa rin sa baywang ang babae'y hindi sinasadyang napalingon siya. Sa tulong ng liwanag mula sa loob ng bahay-bakasyunan, tuluyan niyang nakita ang kakila-kilabot na hitsura ng wendigo, at ang pangil nitong nakabaon sa binti ng babaeng hawak niya!
Tuluyang nawala ang kulay sa kaniyang mga pisngi at mga labi. Agad niyang hinigit ang babaeng ngayo'y humihiyaw na -- siguro dahil sa hapdi at sakit na nadarama. Napaatras nang bahagya ang wendigo kasabay ng limang sunod-sunod na putok ng baril sanhi upang matanggal ang pangil nito sa binti ng babae.
"Apoy!" sigaw niya sa pagitan ng paghinga.
Agad na lumapit sa kinaroroonan nila ang mga kaibigan ng kasama niyang babae, at nakita niya ang paghagis ng isa sa mga ito ng nag-aapoy na damit patungo sa direksyon ng wendigo. Bumuntong-hininga siya.
Sa wakas, may nagawa ring tama ang mga batang ito.

"So. . . sinasabi mong doktor ka na matagal nang nag-eeksperimento rito? At ang tanging paraan lang para mapatay ang mga wendigo ay sunugin sila?" tanong ni Chris -- isa sa mga kaibigan ni Emily habang nakaupo sila sa sala ng bahay-bakasyunan. Tahimik ang paligid maliban sa pag-uusap nila. Madilim. Malamig. Nagyeyelo.
Napangiwi si Emily habang pinipigilang umiyak. Masakit ang sugat niya sa binti -- hindi iyong sakit na dulot lamang ng ordinaryong sugat. Iyong sakit na nanunuot sa laman, ugat, at buto ng kaniyang binti. Iyong sakit na abot kili-kili kahit nalapatan na iyon ng first aid ng estranghero at nalagyan na ng gasa. Humikbi siya.
Napatingin sa kaniya ang kaniyang mga kaibigan pati na rin ang estranghero bago ito sumagot ng, "Oo."
"And you're also saying na we're trapped here until dawn?" tanong ng inglisera sa barkada -- si Ashley.
"Oo. Gaya nga ng sinabi ko, isinumpang mga tao ang mga wendigo ilang daang taon na ang nakalilipas. Nagkaroon ng taggutom kung kaya't wala silang nagawa kung hindi kumain ng laman ng tao, sinaniban sila ng masamang ispirito, at naging wendigo."
Sumisinok na tumawa si Emily. "Parang alamat lang. Fiction."
Umiling-iling ang estranghero at tiningnan siya nito sa mga mata. "Alamat. . . alamat na nagkatotoo."
Pinunasan ni Emily ang luha sa kaniyang pisngi at mapait na ngumiti.
"Anong plano--" Nahinto ang sasabihin niya nang malakas na tumunog ang kaniyang tiyan. "Sorry," namumula ang mga pisnging paumanhin niya, "Gutom na kasi ako."
Napakamot siya sa batok dahil sa pagkalam ng kaniyang tiyan. Sa sobrang takot nila'y nalimutan na pala nilang kumain ng hapunan.
Pinunasan niya ang laway na tumulo mula sa kaniyang bibig. Bakit siya naglalaway? Ganito ba 'pag masyadong gutom? Tumunghay siya at nang makita ang leeg ni Ashley ay lalo siyang naglaway.
Napaisip siya.
Masarap kaya si Ashley?

Gano'n na lamang ang panlalaki ng mga mata ng estranghero nang makita ang sunod-sunod na pagtulo ng laway sa bibig ng babaeng nakilala niya sa pangalang Emily.
Nanginginig ang mga labing napadako ang tingin niya sa sugat nito. Lumalaki iyon na umabot sa puntong hindi na natatakpan ng gasa ang mismong sugat!
Bakit niya ba nalimutan ang impormasyong ito?
Sunod-sunod ang paghingang tumayo siya patungo sa kusina, at mula sa kabinet doon ay kinuha niya ang isang baril. Naglakad siya palapit sa mga kabarkada ni Emily at mabilis ang tibok ng mga pusong bumulong, "Patayin ninyo siya."
"Bakit?"
"Ano?"
"Are you crazy?"
Sabay-sabay ang tanong ng mga kabarkada ni Emily. Nang mga oras na iyon ay tumayo na si Emily at nagsimulang humakbang palapit kay Ashley. Nakangiti ang babae at mapupungay ang mga mata nitong namumula na. Tumutulo ang laway nito at pumapatak sa sahig kasabay nang pagpatak ng dugo mula sa kaniyang sugat.
Inilapag ng estranghero ang baril sa lamesita. "May nakalimutan ako't hindi nasabi sa inyo," pagsisimula niya.
"Ashley," tawag ni Emily sa kaibigan.
"Kapag nakagat ka ng wendigo, magiging isa ka rin sa kanila! Kaya ngayon na, patayin n'yo siya!"
Lumawak ang ngiti ni Emily.
"Ashley. . . patikim ng leeg mo, please?"
Iyon ang huling katagang lumabas sa kaniyang bibig bago siya tumalon upang dambahan si Ashley. Umalingawngaw sa loob ng bahay ang putok ng baril.
Habang nilulunok ang awa at panghihinayang na namumuo sa kaniyang dibdib, napapikit ang estranghero. Mahaba pa ang gabi, malayo pa ang pagputok ng bukang-liwayway, matagal pa bago matapos ang paglalaro ng tadhana sa kanilang buhay.

����������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������������

Walang Kwento Where stories live. Discover now