Mama

169 11 1
                                    

HORROR/PSYCHOLOGICAL THRILLER

Warning: This story is very very very dark in its theme and nature. If you're not into that genre then quit reading. This one shot story will make you realize that your mother always knows best. Always.

***

My mother hates me. Nasasabi ko yan hindi dahil hindi niya ako pinayagang umuwi sa bahay kahapon dahil tamad daw ako o kung ano pa mang dahilang idadahilan ng isang normal na teenager.
My mother hates me. Literally.
Nararamdaman ko iyon sa bawat galaw na ipinapakita niya. Ramdam kong ayaw niya sa akin simula no'ng bata pa ako.
Hindi niya ako ibinibili ng magagandang damit. Ang lagi kong suot ay malaking T-shirt na umaabot hanggang tuhod ko at mga pajamang lampas pa sa talampakan kaya't kailangan ko pa itong itiklop ng ilang ulit. Hindi niya ako ibinibili ng mga kung anu-anong pampaganda. Walang make up, walang facial scrub, walang kahit ano. Ni sabon nga na ginagamit ko ay sabong panlaba-- minsan iyon na rin ang shampoo ko. Kapag naman kakain kami ay halos ipalunok niya sa akin lahat ng pagkaing pampataba-- poultry, chocolates, maraming kanin. Hindi niya ako pinapakain ng kahit anong prutas. Tubig lang rin ang ipinapainom niya sa akin. Minsan kapag agahan ay pinapainom niya ako ng kape. Ayaw na ayaw ni papa-- ng pangalawa niyang asawa-- sa amoy ng kape. Alam rin ni papa ang mga ginagawa ni mama sa akin ngunit wala siyang magawa. Minsan nararamdaman kong nakatitig sa akin si papa habang pilit akong pinapakain ni mama ng marami. Siguro'y naaawa siya at gusto niya akong tulungan. Pero gaya nga ng sinabi ko, wala siyang magawa-- under siya. Gusto akong patabain ni mama, siguro para maging pangit ako at ayawan ng mga tao.
Lagi niya ring ginugupit ang buhok ko. Gupit panlalaki. Kapag tumutubo na ang buhok ko ng lampas sa batok ay gugupitin niya iyon. Naiinggit siguro siya sapagkat mas madulas ang buhok ko kaysa sa kaniya. Pareho kaming kulay itim at tuwid ang buhok, hanggang balakang nga lang ang kay mama samantalang ang akin ay hanggang batok. Ngunit ng magdalaga na ako at nagkaroon ako ng kurba sa katawan ay ginupit niya lahat ng buhok ko. Kinalbo niya ako at inutusang pumuntang palengke. Hindi niya ako inutusang magtricycle. Sabi niya ay maglakad ako. Nararamdaman ko ang mga titig na may halong simpatiya ng mga tao habang naglalakad ako sa kalsada kung kaya't wala akong nagawa kung hindi ang yumuko na lamang at simsimin ang kahihiyan.
Minsan ay hindi niya muna ako pinapauwi sa bahay at inuutusan niya muna akong umakyat sa puno sa likod bahay. Sa itaas ng puno ng santol sa likod bahay namin ako naglalagi tuwing gagawin niya iyon. Isa, tatlo o kung minsa'y limang oras akong naroroon bago niya ako pababain at papasukin ulit sa bahay. Takot si papa sa heights kung kaya't hindi niya ako matulungan. Ikinukulong rin ako ni mama sa kwarto tuwing gabi. Lagi niyang ipinapadlock ang pinto at nakasabit sa kuwintas niya ang susi kung kaya't maging si papa ay hindi iyon nakukuha.
Ngunit dumating ang araw kung saan hindi ko na nakayanan lahat ng kaniyang ginagawa. Pinagplanuhan ko lahat. Mula sa pagtago ng kutsilyo sa bulsa ng aking pajama bago ako matulog at pagtutulog-tulugan nang pumasok siya sa aking kwarto kinabukasan.
Tinapik niya ang aking pisngi at nagkunwari akong bagong gising pa lamang.
"Gugupitan na kita," sabi niya.
Umupo ako sa kama at kinapa ang kutsilyong nasa ilalim ng aking unan. At nang tumalikod siya upang harapin ang drawer kung saan nakalagay ang parihabang salamin at gunting ay agad ko siyang sinaksak sa leeg. Sa kaniyang pulso. Nakita ko ang pagkabigla sa kaniyang mukha. Napangiti ako ng mapait. Mahal ko si mama pero hindi niya ako minahal. Hindi niya iyon ipinaramdam sa akin. Hindi niya ako binibigyan ng kalayaan. Ikinukulong niya ako at minamanipula. Iyon ang dahilan kung bakit ko 'to ginagawa.
Tinanggal ko ang kutsilyo at sumirit ang kaniyang dugo. At sigurado akong mamamatay na siya. Ngunit bago siya pumikit ay nakita ko ang pagtulo ng mumunting butil ng luha mula sa kaniyang mata.
Nang bumagsak si mama sa sahig at nakita ko ang kaniyang dugo sa aking kamay ay saka lang ako natauhan sa aking nagawa.
Pinatay ko si mama.
Pinatay ko ang babaeng dapat sana'y naging kalaro ko sa aking mga maynika, ang babaeng dapat sana'y napagsasabihan ko tungkol sa aking mga pangarap sa buhay, ang babaeng dapat sana'y aking naging ilaw na tumatanglaw sa akin at gumagabay.
Napaiyak ako. Iyak lang ako ng iyak habang inililibing ang bangkay ni mama sa likod bahay-- sa tabi ng puno ng santol. Alam ni papa ang nangyari at sinabi niyang dapat lang iyon kay mama. Tinulungan pa ako ni papang maghukay.
Pagkatapos noon ay nanatili na lang ako sa kwarto at patuloy na umiyak.
Makalipas ang ilang buwan, humaba na ang aking buhok at ibinili rin ako ni papa ng magagandang damit at pinabayaan niya akong kumain ng mga prutas at gumamit ng iba't ibang pampaganda. Nag-uumpisa na akong maging masaya at maramdaman ang kalayaan na aking minimithi.
Ngunit dumating ang isang gabi-- isang madilim at maulan na gabi kung saan ay nahapit ko ang aking hininga nang maramdaman kong lumundo ang aking kama.
Si papa.
Naramdaman ko ang paghiga ni papa sa aking tabi. Isinuot niya ang kaniyang kamay sa ilalim ng aking damit at kinabig niya ako palapit sa kaniya. Hinaplos niya ang aking hita.
"Buti na lang pinatay mo na ang mama mo. Ngayon, wala nang poprotekta sa'yo."

Walang Kwento Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon