Natatanging Pagtanggap (Published as Serenata under PNY Publishing)

53 4 1
                                    

DRAMA


Magmula nang magkaroon siya ng asawa't anak, natuto siyang gawin ang lahat mapasaya lamang ang mga ito. Pinilit niyang paniwalain ang sariling sa pamamagitan no'n, mapapasaya niya rin ang sarili. Kaya naman, lahat ng hilingin ng nag-iisa niyang anak at ng asawa'y ibinibigay niya, kahit kapalit pa no'n ay ang kaniyang dangal.

Maayos na sana ang kanilang pamumuhay ngunit nagbago ang lahat ng maluklok sa puwesto ang bagong pangulo at naging mahigpit ang batas. Nakakaya pa rin naman niyang pumuslit ngunit hindi iyon sapat sa kanilang pangangailangan—lalo na ng nagdadalaga niyang anak.

“'Ma, malapit na ang birthday ko. Cake, a."

Iyon ang palaging paalala ng sampung taong gulang na bata. Wala siyang naisasagot maliban sa malungkot na ngiti. Paano niya sasabihin sa bata na ang hanap-buhay na mayro'n siya ay unti-unti nang namamatay? Paano niya pa mabibigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya kung lubos nang pumapangit ang resputasyon niya sa lipunan? Paano?

Pinilit niya ang sariling makapagbenta upang mabili ang keyk at handang pagkaing hiling ng anak. Hindi naman siya nabigo dahil isang gabi bago ang kaarawan ng bata, nagkaroon siya ng pera.

"'Ma, 'yong cake ko?" Hindi pa man nakapapasok ang kalahati ng pagod niyang katawan sa pinto, iyon na ang salubong sa kaniya ng anak. Ang asawa niya namang lango sa alak ay nakayuko sa may sopa—pupungas-pungas. Mula nang ikasal sila'y gano'n na ang lalaki. Sa isang dekada nilang pagsasama, hindi niya nga 'ata narinig mula sa bibig nito ang mga katagang, "Mahal kita". Ang iniisip niya na lamang ay siguro'y kulang pa ang pagmamahal na ipinapakita niya rito upang iyon ay masuklian. Ang tanging pangarap niya lamang ay bigyang halaga ng mga taong pinapahalagahan niya. Ngunit mukhang malabo iyon, hindi nga naalala ng mga ito na kaarawan niya ngayon.

Umiling siya at iwinaksi sa isip ang kalungkutan. Hinaplos niya ang pisngi ng bata at ipinakita ang pitaka. "Bukas, bibili tayo."

Napatalon siya sa gulat nang hablutin iyon ng asawa. "Pinagmamalaki mo ito? E, wala nga 'to sa kalingkingan ng kinikita mo noon! Pumapayat na ako, kami ng anak mo, o. Kung bakit kasi 'di ka magdoble kayod!"

"Kung bakit kasi 'di ka magtrabaho—"

Naputol ang sanang panunumbat niya nang lumapat ang palad ng lalaki sa kaniyang pisngi. Nanikip ang kaniyang dibdib at nangilid ang luha sa kaniyang mga mata. Hindi niya alam na pagkatapos  ialay ang buong buhay sa kaniyang pamilya'y ito pa ang makukuha niyang kapalit. Mali, alam niya iyon—pinilit niya lamang takpan ang mga mata upang hindi iyon makita dahil buong akala niya'y maaayos niya pa ang lahat.

Kasabay nang pagmulat ng kaniyang mga mata sa realisasyong iyon, ay ang pagkarinig niya sa masiglang  tugtog ng gitara at magiliw na awiting nagmumula sa labas ng kanilang bahay. Sa pamamagitan ng maliit na butas sa pinto'y sinilip niya kung sino at anong mayro'n sa labas—mga taong nakangiti, may dalang pulang kahon, nanghaharana, tila pinapaalalahanan siyang may pag-asa pang mabura ang kalungkutan sa puso niya at kaya siyang tanggapin ng mga ito kahit ano pa man ang kasalanang nagawa niya.

Bumagsak ang kaniyang sikmura nang mapagtantong ang unang serenata palang iaalay sa kaniya'y sa mga alagad ng batas pa mismo magmumula.

Walang Kwento Where stories live. Discover now