Chapter 17 - Red String of Fate

Magsimula sa umpisa
                                    

Napakunot-noo ako ng konti. "Pakiulit nga yung sinabi mo?"

"Alin doon?"

"Yung huli."

"Oh, yun ba? Natatakot yung mga tao sayo kasi palagi kang seryoso. Bakit?"

"Bakit parang pakiramdam ko narinig ko na yun noon?" Hindi ko mapigilang mapaisip. Saan nga ba? Ibinalik ko ang tingin sa kanya, nagkibit-balikat at ipinagpatuloy ang pagkain. "Ganun lang ako sa mga taong hindi ko kilala. Pero makulit ako. Sobra. Baka mabwisit ka pa sa akin. Kaya ititikom ko na lang ang bibig ko. Napagtanto ko kasi na sa buhay, hindi lahat worth it para bigyan ko ng atensyon. Bilang lang." Dahil bilang lang din naman ang pinagkakatiwalaan ko.

Noong gumabi na ay problema na naman namin kung saan kami matutulog. Kanina pa kami naglalakad at pagod na pagod na kami. Gusto rin naming makapagpahinga.

Napakaraming pulubi sa paligid. Karamihan pa ay ang mga bata na kay dudungis. Nakahanap kami ng karton sa may tabi at naghanap ng mapagpwepwestuhan. Nakaupo naming pinagmasdan ang bagong mundo na pinasok namin.

"Kawawa yung mga bata." Sabi ni Cello. "Hindi dapat sa ganitong lugar sila lumalaki. Dapat lumaki sila na may mga magulang at may bubong na mauuwian kailan man nila gustuhin."

Ako man din ay naaawa sa sitwasyon nila kaysa sa sitwasyon namin. Kasi kami alam naming pansamantala lang ito. Na sa huli ay may mauuwian kami, may naghihintay...may naghahanap. Pero sila wala. At iyon ang nakakalungkot.

Nauna akong nakatulog habang si Cello ang look-out. Hindi ko alam kung ilang oras na akong nakatulog pero noong idilat ko ang mga mata ay tulog na rin si Cello sa tabi ko.

May narinig akong sirena ng mga pulis, at mga kotse sa paligid. Nasa gilid kasi kami ng daan kaya ganun na lamang ang tunog na maririnig.

Tumingala ako sa langit. Napakaraming bituin. Hanggang ngayon ay nalulungkot pa rin ako sa pagkawala ni Tala. Kumikirot ang puso ko na malaman na baka hindi na sya bumalik sa akin ulit. Napahawak ako sa dibdib ko na palagi kong ginagawa. Isinuklay ko ang mga daliri sa buhok ko at may naramdaman na pulang laso na sumabit sa daliri ko.

Ito ang ginagamit kong panali sa buhok ko at mukhang sira na. Kanina ko pa ito hinahanap, nakasabit lang pala sa buhok ko. Tapos bigla kong naalala na itinali ko sa paa ni Tala ang kapiraso ng pulang laso na ito. Pinagmasdan ko ang pulang laso na hawak at itinali sa hinliliit ko na napansin kong may maliit na sugat. Sandali ko itong hinaplos.

Tala... Sana bumalik ulit sya sa akin. Sana magkita pa kami.

"Hoy! Hoy! Hoy! Bumangon kayo riyan! Hay! Itong mga batang ito talaga, alam nang bawal na matulog sa lugar na ito, dito pa rin kayo pumipwesto. Pabalik-balik!"

Di kalayuan ay may napansin akong mga pulis na ginigising at hinihila ang mga pulubi na mahagip ng kanilang mga paningin. May mga lumalaban. May mga umiiyak. Pero karamihan sa kanila ay ipinapasok sa isang truck.

Shelter daw para sa mga pulubing tulad nila. Pero base sa mga naririnig kong hinaing, impyerno ang depenisyon nila.

Agad kong ginising si Cello. Papalapit na ng papalapit ang mga pulis sa amin. Mayroon silang hawak na batuta. Ito ang ginagamit nilang panakot sa mga bata.

"Gising na dali, Cello!"

"Hmm?" Tila naalimpungatan nyang tanong. Hindi nya pa rin maidilat ang mga mata nya ng maayos. "Anong oras pa lang? Mamaya na tayo maglakad ulit."

"Hindi! Bangon na dyan. May mga pulis!" Kinuha ko na lahat ng mga gamit namin. Kulang na lang ay sampalin ko sya upang magising lang. Nakakatawa sana ang senaryo na iyon kung hindi lang kami napansin ng mga pulis na tumatakbo palayo.

Listen To My LullabyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon