🎭 TWENTY-FIFTH BEAT

50 4 12
                                    

HIMBING NA HIMBING AKO sa pagkakatulog, tapos bigla akong nakaramdam na may kung ano’ng umaalog sa katawan ko.

“Hoy, Chester L. Maglalang, ano ba? Gumising ka na diyan!” Pagkaalimpungat ko, bumungad sa akin ang Ate Cheska na nakaupo sa tabi ng hinihigaan. Nakasuot na siya ng uniporme niya, papasok na siguro sa eskuwelahan nila.

“Ate naman, o. Istorbo ka talaga.” Ngumisngis ako sabay tagilid sa hinihigaan. “Maya pang alas-nuwebe pasok ko.” Kahit kailan, kontrabida talaga siya sa buhay ko.

Ang isa talaga sa mga ayaw ko ay ang ginugulo sa pagtulog ko. Hindi ko talaga gusto na may kung sino na lang ang magdidikta sa aking buhay.

E ’di, wow! Pinapagising ka na kaya ni Mama. Mamalengke ka daw ngayon.” Nagsermon itong ate ko na mukhang nagmamadali na sa pagpasok.

Napakamot ako ng ulong ginising ang sarili sa hinihigaan kahit na ang suot ko lang ay t-shirt at saka kulay gray na boxer shorts.

“Ano’ng petsa na, Chester? Gumising ka na kasi.” Nagmaasim ulit ako ng mukha sa ate ko.

Habang papabangon, doon na unti-unting pumoproseso ang lahat sa kin. Naging blangko ang utak ko saglit at napaisip. Pucha, heto pa rin pala ang reyalidad.

Totoo nga ang sabi nila, kapag natulog ang isang tao, makalilimutan nito ang lahat ng mayroon sa mga alaala niya. Kaya heto, sinampal ulit ako ng katotohanan sa umagang tapat—wala na nga pala kami ni Donny.

Bumangon ako sa hinihigaan at napatitig na lang sa kawalan. Parang ang bilis ng mga pangyayari sa pagitan naming dalawa. Ganoon-ganoon na lang natapos ang lahat ng kung ano ang namamagitan sa amin.

Mabuti pang hiniling ko na lang na sana, hindi na lang ako nagising mula sa pagkakatulog ko. Mas mabuti pa rito, makalilimutan ko lahat ng sakit na nararamdaman ko. Mabuti pa ang tulog at ang higaan ko, hindi ako iniwan. Buti pa sila, marunong umintindi sa nararamdaman ko.

Napabuga ako ng hangin at saka napatayo sa kama. Tae, kailangan ko na namang harapin ang araw na ito.

Pagkalabas ng kuwarto para pumunta sa kusina namin, nadatnan ko na sina Mama at Papa na abalang kumakain sa mesa at nagkukuwentuhan.

Kahit kanina pa tinakasan ng diwa, napaupo na lang ako sabay titig sa kawalan. Napatingin ako sa kung ano’ng ulam ang nasa mesa—prinitong meat loaf na binalot sa itlog, pritong talong, at saka tuyo. Kahit masarap ang ulam na nasa mesa, hindi naman dumalaw ang gutom sa akin.

Pansin kong hindi ko pa nagagalaw ang pinggan para kumuha ng ulam. Naramdaman ko na lang na may tumapik sa balikat ko.

“Anak, okay ka lang?” Kaagad akong napalingon sa kaliwa ko at nakita ang nakangiting papa ko. Pero sa kabila ng mga ngiting iyon, namumbalik sa akin ang takot at ang lahat ng mga sinabi niya sa akin dati.

Pero sa kabila noon, kahit ano pa ang mangyari, sa bandang huli ay papa ko pa rin siya.

“Opo...’Pa. Okay lang po ako.” Tumango ako kay Papa sabay sabi na may confidence sa sarili. Ge, magtago ka pa. Diyan ka naman magaling, Chester.

Sumunod naman itong si Mama, “Chester, no’ng isang araw pa namin napapansin na parang wala ka sa sarili. May problema ba, anak? May nangyari sa ’yo sa school? Sa play n’yo?”

Napakuyom ako ng kamao sa ilalim ng mesa bago nagpakita ng ngiti—kahit totoo namang may problema sa akin, “Ay, wala naman po, ’Ma. Siguro, medyo pagod lang po sa school sa dami ng mga ginagawa.”

“Naku, kumain ka dapat para may energy ka. Sa Biyernes na ’yong play n’yo, a?” Hay, pinaalala pa nga.

Wala na akong ibang choice kung hindi ang sumandok ng ulam at kanin.

Behind the CurtainsHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin