🎭 SEVENTEENTH BEAT

81 5 20
                                    

PAGKAUWI SA BAHAY GALING eskuwelahan at pagkakain ng hapunan, palagi na lang, deretso ako agad sa kuwarto para manood ng ilang episodes ng Maria Clara at Ibarra online gamit ang aking cellphone para sa requirement namin kay Sir Joko sa Teatro Apaliteño. Matagal-tagal na nga rin akong hindi makanonood at nakasubaybay nito sa TV.

Maliban na lang sa mga eksena nina Crisostomo at Maria Clara, moments nina Klay at Fidel ang lagi kong inaabangan. Minsan nga, sa sobrang panggagaya ko sa mga galawan ni Fidel sa palabas, nadadala ko na siya sa pag-arte sa rehearsals.

Wala, e. Diyan magaling si David Licauco, sa pagpapakilig. Effective talaga ang aktingan niya; kaya lodicakes ko iyan, e.

Nakatutok lang ako sa screen habang pinanonood ang eksena kung saan hinaharanan ni Ginoong Fidel si Klay. Sa sobrang babad ko sa pangyayari, para bang nandoon lang ako sa eksena at nakikichismis. Ang ganda na ng part na ito, o! Wala na sanang mang-istorbo sa akin. 

Habang naka-focus sa screen habang kumakanta si Fidel habang may hawak na mga rosas, napalingat lang ako saglit, pero pagbalik ng tingin, hindi na si David Licauco ang nasa screen.

Donny? Ano ang ginagawa niya rito at siya ang nakikita ko? Bakit si Donny ang nanghaharana kay Klay?

Teka, teka, teka.

Inalog ko ang ulo ko, saka kumurap nang ilang beses. Hayun, si David na ulit ang nasa screen.

Baka namalik-mata lang siguro ako.

Mas okay pa sigurong ituloy ko na lang ang panonood kaysa wala akong ibang iisipin. Mindset lang, mindset!

Nakatapos din naman ako ng dalawang episodes, pero nakasandal pa rin ako sa headboard ng kama. Ang weird nga na mabigat na ang nararamdaman ko sa pagod, pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok kahit lumalalim na ang gabi.

Kaya ang ginawa ko, binuksan ko na lang ang app ng Instagram, para maiba naman dahil puro na lang FB ang kinakalikot ko maghapon. Wala rin naman akong ibang social media accounts maliban na lang sa dalawang ito.

Pagkabukas ko pa lang, boom! Bumungad na ulit sa akin ang post ni David Licauco. Grabe, kakapanood ko lang sa kaniya kanina, siya pa ulit ang unang madadatnan ko.

Noong nilalang siguro ni Papa God ang lalaking ito, pinakatodo Niya ang pag-customize kaya ganito ang kinalabasan. Maganda na ’yong katawan, tapos maginoo pa. Sila na talaga ni Donny, e ’di, sana all!

Shet, ang guwapo talaga. Pero sorry, mas guwapo naman ako sa kaniya, kapag tulog nga lang, joke!

Napatitig ulit ako sa picture ni David mula katawan at saka deretso sa mukha. Pero pagkakita sa mukha, iba na naman ang bumungad sa akin.

Luh, bakit nakita ko mukha ni Donny? Paano napunta ang mukha niya sa katawan ni David?

Namamalik-mata ba ako at nakita ko pa ang picture na kumindat sa akin?

Para na tuloy akong sasabog sa kaba nito. Nadedeliryo na yata ako na ewan.

Kinusot ko pa ang mga mata ko at saka tiningnan ulit ang picture. Phew! Si David na ulit ang nakikita ko.

Lakas din ng trip ng Donny na iyon, a? Ayaw talaga akong tantanan.

Napahiga na lang ako sabay hinhang malalim at saka inilagay ang cellphone sa dibdib ko. Sa sobrang pagod na lang siguro kaya kung ano-ano na lang sumasagi sa utak ko. Tinalukbungan ko na ang sarili ko ng kumot.

Hay, itulog ko na lang nga ito.

---

Pagkapihit ng gripo, kaagad na akong nagbuhos ng tubig gamit ang tabo galing sa kulay red na timba na dating lalagyanan ng biskuwit.

Behind the CurtainsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon