🎭 FOURTH BEAT

115 8 32
                                    

"HINDI MO ALAM KUNG kailan. Hindi mo alam kung ano'ng nangyari. Hindi mo alam kung ano'ng mali sa 'yo kaya ka iniwan."

Pinapanood ko kina Mok-mok, Oliver, at Japs ang audition video ko para sa Teatro Apaliteño habang nakaupo sa isa sa long tables ng canteen. Siyempre, ang requirement sa i-o-audition kong role ay magbigay ng award-winning performance, kaya itong line ni Piolo Pascual sa pelikulang Starting Over Again ang ginawa ko.

Nakailang takes kaya ako kagabi rito-nagkabulol-bulol pa ako at namali ng lines. May isang take na okay na sana, pero may papansin pang mga pusang nag-iingay sa bubong na background sound. Inabot tuloy ako ng isang oras para lang sa isang one-minute video. Pero ang mahalaga, nairaos ko at may maipapasa ako.

"Ano'ng karapatan mong hingin ang isang bagay na ipinagdamot mong ibigay? I deserve an explanation! I deserve an acceptable reason."

Pagkapanood sa video, biglang napapalakpak nang malakas ang tatlo habang pinagtitinginan kami ng ibang mga estudyanteng nakapalibot sa amin. "Wooh! Palaklakan natin!" sulsol nitong si Oliver.

May papunas-punas pang mata gamit ang blue na panyo itong si Mok-mok. "Grabe, naiyak ako. Superstar in the making ka na talaga!" Tapos, kunwari, naiiyak at nahihikbi pa ang siraulo.

Nginisian ko Mok-mok at saka tumango. "'Ge, patingin nga ng iyak." Alam kong binabalasa lang ako ng mga ito...pero kahit na, at least supportive naman sila sa akin kahit papaano.

Iyon nga lang, itong si Oliver, mabagal na itinapik ang kaniyang mga kamay sa magkabilaang balikat ko at saka ako inakbayan. "Pero matanong ko lang, p're, sure ka na ba talaga sa pag-o-audition-an mo? Papa'no niyan, kung ikaw magiging bida, lalaki din magiging ka-love team mo sa play?"

Napakibit-balikat ako sa tanong ni Oliver. "E, ano ngayon? Paano ako mag-a-artista kung magiging choosy ako sa mga roles? Kahit taong grasa pa role na ibigay sa 'kin, gagawin ko."

Ang sa akin kasi, okay lang namang tanggapin ko ang ganitong roles, wala namang issue iyon. 'Di ba nga, kaya actor dahil aarte ako sa isang role na malayo sa personalidad ko? Mareklamo ako, pero hindi naman ako choosy.

Nagpatuloy ako sa pag-e-explain sa kanila, "At saka si Sir Joko kaya nagha-handle ng theater club. Alam n'yo naman siya, 'di ba? May connections 'yon sa mga handlers ng Star Magic at saka Sparkle kaya dapat magpa-impress ako."

Hindi man namin teacher si Sir Joko dahil puro HUMSS subjects ang hinahawakan niya, alam kong marami na siyang na-produce na stage play sa paaralan namin. Ang galing din na siya ang sumulat sa play na Sina Oberon at Titaneo. Isama pa 'yong mga connection na mayroon siya sa mga showbiz industry, dahil may ibang mga nauna sa amin ang nagkaroon ng opportunity na makasama sa mga talent management unit at napanonood na ngayon sa TV.

Tamang sana all na lang din ako dahil lagi siyang may picture na may kasamang mga artista na pino-post sa Facebook. Ang profile picture pa naman niya ngayon, kasama ang idol kong si David Licauco. Wala, e. Malakas kapit sa mga artista. Kung makapasok man ako, e 'di, stepping stone ko na ito para sa pag-aartista.

Kaya kung mangangarap na lang din ako, tataasan ko na. Gusto kong mapunta sa akin ang role ni Oberon-ang prinsipeng tao na napunta sa Fairy Kingdom at makakakrus ng landas ni Titaneo, ang prinsipe ng mga diwata at love interest ni Oberon sa kuwento.

Ewan ko ba, parang nagkaroon ako agad ng connection sa character ni Oberon pagkabasa ng overview niya sa may poster. Isa pa, siya talaga ang pinaka-bida sa stage play.

Lumawak ang ngiti ko habang iniisip iyon at sandaling nawala sa reyalidad. Hindi ko ma-imagine na wala talagang imposible sa mundo. Kakabahan na talaga itong Donny sa akin, makita niya.

Behind the CurtainsWhere stories live. Discover now