🎭 FIRST BEAT

356 14 46
                                    

CHESTER ARTWORK BY: iammasteryel

---

’YONG FEELING NA ANG sarap ng hilata ko, ang ganda-ganda pa ng aking puwesto sa higaan kaya ang sarap ng tulog ko. Isama pa ’yong malambot na unan at kumot na gamit-gamit ko, at saka ang electric fan na naka-number two at tutok pa sa akin, tapos biglang...

“Hoy, Chester L. Maglalang, gumising ka na diyan!” Akala ko, lumilindol dahil naramdaman kong umuga ang kama ko, tapos nang maalimpungatan ko, nakita ko kung sino ang salarin—ang Ate Cheska pala ’yong nag-aalog.

Ngumiwi ako sa sobrang yamot, sabay pitik ng dila. “Yihh, maya na lang. Aga-aga pa, e.” Marahan ko pang kinamot ang ulo ko habang nakahiga pa at saka tumagilid at nagtalukbong ng kumot. Istorbo naman kasi ang isang ito.

“Ano ba, pinapagising ka kaya ni Mama sa ’kin.” Ayaw pa akong tigilan ng ate kong ito. Ano bang gusto niya?

“Mamaya na la—ay, pucha!” Hindi ko pa naituloy ang pagsasalita ko, bigla na lang akong kinurot sa tagiliran.  Kaya dahil sa inis, napabangon na nga ako at tiningnan siya nang nakayamot sabay kamot ng ulo.

Itong ate ko talaga, kontrabida talaga sa buhay ko kahit kailan.

“Bumangon ka na kasi, dami mo pang reklamo. Bilisan mo naman, papasok pa ’ko sa school nito.” Napahawak na ng beywang si Ate Cheska habang nakatayo sa gilid ng higaan ko. Nadatnan ko na rin siyang suot na ang kaniyang uniform na pang-Nursing.

“Ano gagawin ko? E ’di, pumasok kang maaga mag-isa mo. Alam mo nang mamaya pang tanghali pasok ko. Panira ka talaga,” sabi ko habang nangangasim ang mukha. Ang ayaw ko pa naman sa lahat ay ’yong ginigising ako kung kailan masarap na ang tulog ko, kainis.

E di, wow. May pinapautos kaya sa ’yo si Mama,” sagot ng ate ko, tapos bigla niyang hinagis sa akin ang t-shirt kong nakakalat sa ibaba ng maliit kong kama. “At saka magdamit ka nga, hindi ’yong parang laging may pa-live show ka diyan. Hoy, kahit sa Adonis, hindi ka tatanggapin do'n.”

Nakita na naman ni Ate ang get-up ko. E, ano naman kung naka-topless ako at boxer brief kapag natutulog? Mas komportable kaya akong ganito.

Itong ate ko, nanira na nga ng tulog, nanira pa ng pangarap...joke lang!

Siyempre, dahil wala na at hindi ko na mahuhuli ang tulog ko, bumangon na nga ako at kinamot ang buhok kong gulo-gulo na. Isinuot ko rin ang aking t-shirt at lumabas ng kuwarto. Habang papalabas sa may pintuan ay nagmasungit ulit ako sa ate ko at saka siya binelatan.

Paglabas ng kuwarto ay sa kusina na agad ang punta ko. Nadatnan kong nang nag-aalmusal na sina Mama kasama si Papa na naka-uniporme ng sa Converge kung saan ang trabaho niya. Kumuha muna ako ng pinggan sa may sakluban bago umupo sa dining table.

Si Papa, as usual, habang nasa hapag-kainan ay nagdadadaldal na naman tungkol sa mga kumokontra sa nakaupong presidente. Tapos habang sumasalok ako ng singangag, nalipat naman ang topic niya sa mga hinaing sa trabaho. Kung mareklamo ako, aba, mas mareklamo itong tatay ko. Routine na nga yata niyang maglabas ng sentimiyento kada almusal. Kahit pala nasiraan kami ng radyo, itong papa ko naman ang pumalit.

“’Ma, ’Pa, alis na po ako,” paalam ni Ate Cheska bago lumabas ng bahay dahil papasok na nga sa school.

“Sige, ’nak. Ingat!” Pagkasabi noon ni Mama, sa akin naman napunta ang tingin niya habang ako, kumakain ng ulam na scrambled egg at pritong galunggong, “Anak, ikaw mamalengke mamaya, a? Maglalaba pa kasi ako nito.”

Behind the CurtainsWhere stories live. Discover now