🎭 ELEVENTH BEAT

73 6 5
                                    

ISANG NORMAL NA ARAW na naman ang nagdaan sa akin. Pero ang ibig sabihing normal talaga sa akin 'yong mga tadtad na assignments, quizzes, walang-kamatayang discussion, tapos dumagdag pa itong Sina Oberon at Titaneo.

Mga alas-dose ng tanghali kami tinipon sa classroom kung saan kami nagre-rehearse, nasaktong first period pa. Buti nga at pasensiyosa si Ma’am Malonzo at binibigyan pa kami ng konsiderasyon ni Donny.

Pero medyo weird nga lang...may kakaiba talaga ngayong araw na hindi ko maipaliwanag o ano. Para bang may kulang pa rin.

Napalingon-lingon ako sa buong classroom, pero wala akong maramdaman ni anino niya.

“Ba’t wala pa si Donny, Chester?” tanong ng isang kasamahan namin na si Kiana na kinalabit ako mula sa likod. Sumabay pa ’yong ibang katabi niya sabay sabing “Oo nga.”

Pero napaangat na lang ako ng magkabilang balikat. Maski ako, hindi alam ang sagot. Hindi naman ako ’yong manager at hawak lagi ang oras ng lalaking iyon.

"Okay, wala na tayong hihintayin, 'no? Start na tayo." Nagsalita na si Sir Joko sa harap. Pero teka lang, wala pa si Donny, a? Kanina ko pa napapansing wala ang presensiya niya. E, always present naman iyon at hindi pa um-absent sa rehearsals.

Tch, nasaan na ba kasi siya?

"Anyway, bago lahat, nakausap ko pala si Donny kaninang umaga. Mukhang 'di muna natin siya makakasama sa mga rehearsals natin for the following days. Magiging busy kasi siya para sa contest na sasalihan niya." Oh, ganoon pala.

"Ay, kaya pala absent," sinitsitan naman ako ni Niel na katabi ko sa upuan. Tapos bigla kong naalala, kinausap siya kahapon ni Ma'am De Guzman noong Statistics subject namin para isali siya sa contest. Natuloy pala siya.

Pambihira talaga ang Donny na ito, laging in-demand, hindi nauubusan ng mga ganap sa buhay. ’Yong totoo, tao pa ba siya?

"E, kabisado naman niya lahat ng lines sa script at alam naman niya gagawin, kaya 'di naman siguro tayo mangangapa kahit wala siya,” pag-e-explain ni sir. Si Donny pa? Basic na lang sa kaniya lahat.

Napunta sa akin ang tingin ni Sir Joko, “Ikaw, Chester, I'm sure, kayang-kaya mo na 'yan kahit wala partner mo, a?"

"Of course po, sir. Kaya 'yan," with full confidence kong sagot. Anak, itabi n’yo. Ako nang bahala sa play na ito.

“For the meantime, ikaw muna stand-in para kay Oberon. Don't worry, okay lang basahin mo 'yong script ni Donny.” Kinausap din ni Sir Joko si Jeric na isa sa mga gumaganap na kawal ng Fair Kingdom.

"Game po, sir."

"Sige, dami ko namang sinabi. Mag-start na talaga tayo.” Pagkatapos ng mga cheche bureche ni sir, kaagad na kaming pinatayo ni Jeric sa harap para i-practice ang lines namin.

"Sino ka? At saan kang lupalop nagmula?" panimula ko nang mag-transform ang sarili ko mula sa pagiging Chester hanggang sa maging si Titaneo.

Saka binasa ni Jeric ang script, "Prinsipe Oberon ng Camiro. Ako ay humihingi ng paumanhin dahil ako'y naliligaw at hindi makabalik sa amin." In fairness, kahit nagbabasa lang, nakukuha ng kasama kong ito kung papaano magsalita si Oberon.

Hindi ko na lang pinakaisip na wala si Donny. E, ano ngayon? Guguho ba ang mundo kung wala siya? Hay, naku! Ewan ko na lang.

"Malamang ay isa kang tao. Alam mo bang ipinagbabawal sa kahariang ito ang sinumang tao na manghimasok?”

Nakakapanibago lang na ganito na hindi si Donny ang kaeksena ko. Pero okay lang naman kasi nakakayanan ko namang buhatin ang practice namin. Kahit absent siya, feeling ko, mairaraos naman namin ang rehearsals na ito...siguro.

Behind the CurtainsWhere stories live. Discover now