Chapter 1

11.8K 390 286
                                    

"Gusto mo maging Engineer? Ako gusto ko maging teacher."

Nahinto ako sa pag-gigitara pagkarinig ko sa usapan ng mga batang kasama kong nakatira dito sa ilalim ng tulay. Oo dito sa ilalim ng tulay, minsan sa likod ng simbahan, sa park, sa terminal at kung saan kami aabutin ng gabi. Ito na ang naging tirahan ko sa loob ng limang taon. 

"Ako gusto ko maging doctor."

"Gusto ko maging macho dancer."

"Ako gusto ko maging snatcher."

"Ako bold star."

"Ako blagger"

Sila ang mga batang kasama kong nakikipaglaban sa hamon ng buhay sa araw-araw. Madami kami dati pero ang iba hindi ko na alam kung saan napunta. 

Sampung taong gulang ako ng tumakas ako sa bahay ampunan. Nang inampon ang kaisa-isang kaibigan ko doon at maiwan akong mag-isa, nawalan ako ng pag-asang may umampon pa sa akin. Kaya kesa mabaliw ako kasama ng mga matatandang madre na kulang sa dilig mas minabuti kong tumakas nalang.

"Ikaw Ate Chichay, anong gusto mo paglaki?" 

Nagulat ako dahil hindi ko inaasahang isali nila ako sa usapan nila. Madalas tahimik lang ako at kung may marinig man sila sa akin yun ay ang tunog ng gitara ko. Tunog lang dahil hindi naman ako kumakanta. 

Abugado. 

Gusto kong isagot pero mas pinili kong tumahimik.

Gusto kong maging abugado dahil...

Yun ang pangarap ko pero alam kong malabo nang mangyari. Limang taon na akong nahinto sa pag-aaral. Gustuhin ko mang pumasok sa paaralan wala akong mga dokumento. Tanging  mga lumang damit at ang gitara na dala-dala ko nung dumating ako sa ampunan lang ang dala ko nung tumakas ako sa bahay ampunan. 

Marunong akong magbasa at magsulat. Kapag may nakikita akong newspaper o anumang papel na may nakasulat iniipon ko yun at kapag wala akong ginagawa yun ang binabasa ko. Kahit hindi ko masyadong naiintindihan yung ibang salita basta pinapractice ko lang. Ayokong makalimot sa pagbabasa.Ayokong makalimutan ang tinuro ni Ate sa akin.  Kahit mahirap ayoko namang tumandang walang alam. 

Hanggang sa nasanay na ako sa mga salitang nababasa ko sa newspaper. Marami na rin akong natutunan, nakakaintindi rin ako ng ingles at kahit papano nakakapagsalita din naman. Yun nga lang mas madalas akong tahimik lang.

Sinubukan ko namang pumasok sa paaralan noon pero isang araw lang. Tumigil ako dahil kapag nag-aral ako wala akong kikitaing pera buong araw, ibig sabihin wala akong makain.

Dito sa lansangan walang libre, kanya-kanyang kayod kaming lahat. Hindi pwede dito ang umasa sa iba. Isang araw, dalawa o tatlo pwede pa pero kapag higit na doon hindi na pwede. Dito sa lansangan bawal ang tamad. Kapag tamad ka at walang diskarte gutom ang aabutin mo.

Limang taon na ako dito sa lansangan, apat na taon ginugol ko kasama ang mga batang ito at isang taon sa...

"Libre lang naman mangarap Ate Chichay. Pili ka lang, Abugado, doktor, nars, teacher, stewardes o di kaya yung mga nagtatrabaho sa opisina." Sabi ni Luningning, siguro napansin nitong natigilan ako. Tumayo pa ito at lumipat ng upo sa tabi ko. Maganda si Luningning, singkit at maputi.

"Pwede ka ding mag-artista Ate Chichay kasi maganda ka. Ang ganda ng pagkaitim ng mga mata mo. Para kang manika na may mahabang pilik mata, matangos na ilong at mapupulang labi. At ang buhok mo kahit walang suklay maganda pa rin. Alam mo yung manika na gusto kong bilihin dun sa Mall Ate? Yung sinasabi ko sayo dati, yun! Ganun ka kaganda. Siguro kong sa mall kita nakita at hindi dito sa lansangan mapagkakamalan kitang mayaman." Malawak ang ngiti nito sa akin pero hindi ko magantihan  ang ngiti niya. Hindi ko alam paano ngumiti. 

Sandoval Series #2 : A BEAUTIFUL NIGHTMARE  (Gustavo Orion Sandoval)Kde žijí příběhy. Začni objevovat