Chapter 75: Apprehension

6 4 0
                                    

SA isang iglap lang, nabalot ng mainit na tensyon ang hapag-kainan na siyang payapa lamang kanina. Akala ko'y handa na 'ko sa planong ito, pero mukhang hindi pa rin pala. Hindi pa natapos sa pagsaklolo ni Eric ang lahat. Hindi matatapos ang pagtakas ni Levi hangga't hindi sila nakakasakay sa barko na tutungo sa isla ng Manara.

Kaylangan kong gumawa ng paraan upang ma-delay ang kilos nila Ezekiel. Nakikita ko na ang pagbakat ng mga ugat niya dahil sa galit na nararamdaman nito ngayon.

Madaling tumungo si Ezekiel papunta sa kulungan kaya sinundan namin itong lahat. At pagkarating doon, wala na ngang naiwan na kahit ano. Blanko na ang loob ng piitan at naging matagumpay ang dalawa sa pag-alis ng palasyo.

Padabog at nanggigigil na umakyat si Ezekiel sa lobby at doon huminto. Tahimik ang lahat, at kahit ako, natatakot na sa pagngalit ng panga niya ngayon.

"Pa'no nangyari 'to!?" tarantang singit ni Lauraine.

"Wala na 'kong pakielam." Sabay baling nito sa ilang Valiente na nakapaligid sa 'min. "Lumayas na kayo ngayon at hanapin ang buong lugar kung hindi pa sila nakakalayo."

Agad na sumang-ayon ang mga officer at nilisan din agad ang harap namin. Habang natira naman kami sa hallway. Ang kasapi ng konseho niyang sina Chester, Hannah, Lauraine, at Neo. Maski sina Lyra at Kian ay narito rin dahil kasama namin silang mag-dinner palagi. Bukod sa kanila, ako, si Vivien, at Commander Simeon ay naghihintay rin sa susunod na sasabihin ni Ezekiel.

"Kayong lahat, sumama kayo. Tutungo tayo sa Talion port nang makita n'yo kung ano'ng mangyayari kapag nalaman kong magiging anay lang kayo sa pamumuno ko," seryoso at gigil na wika nito. "Ihanda na ang sasakyan at aalis na tayo ngayon din."

Nag-alinlangan pa ang ilan, pero agad din itong sumunod sa utos niya. Madali nang nilisan ng mga kasama namin ang loob ng palasyo upang lumabas.

Habang hindi ko naman alam ang gagawin. Tila ba hihimatayin na 'ko sa sitwasyon na 'to. Hindi ko alam kung saan ako lulugar ngayon dahil batid ko kung ano'ng naging bilang ko sa nangyayari ngayon.

Bigla namang huminto si Ezekiel sa harap ko at matalim akong tiningnan nito. "Namumutla ka yata?"

"P-pa'nong hindi? Ano bang plano mo? Natatakot na 'ko sa kung ano'ng balak n'yo," nanginginig kong sabi rito.

"Dapat lang na matakot ka, oras na mahuli ko 'yang Lorenzo na 'yan, hindi na aabot pa ang buhay niya para makabalik dito," walang emosyon nitong sabi at sinamaan pa 'ko ng tingin. Mga matang may gusto pang sabihin pero parang pinipigilan niya. Tuluyan na 'tong tumalikod upang dumiretso sa labas, ngunit hinawakan ko ito sa braso upang pigilan.

"Ezekiel, please naman," pagmamakaawa ko rito.

Ngunit hinigit niya lang ang kamay ko at nagsalita, "Hindi ka sasama, Kitkat. Maghintay ka dito."

"A-ano!?"

"Masisira lang ang plano ko kapag sumama ka pa—"

"Mas masisira ka kapag ginawa mo 'to! Hindi mo ba maintindihan—"

"Shut up! This is an order, and you will stay here!" pagtaas ng boses ni Ezekiel sa 'kin kaya natahimik na lamang ako. Sandali pa 'kong pinandilatan ng mga mata nito bago tuluyang lisanin ang loob ng palasyo.

Napahinga na lamang ako ng malalim dahil pakiramdam ko, bahagyang namanhid ang dibdib ko sa ginawa niya. Did he just give me an order? An order!? Na para ba 'kong tauhan niya na hindi pwedeng tumanggi dahil iyon ang gusto niya?

"Kaylangan mong unawain kung ano'ng nararamdaman niya ngayon. Pinaghalong matinding pressure at poot na ang bumabalot kay Ezekiel. Kaylangan mong sanayin ang sarili mo dahil hindi lang ito ang unang beses na mararanasan mo 'to sa kaniya. Ito ang pinili ninyong landas at maniwala ka, mas magiging mahirap pa ang kinabukasan niya. Nasa sa 'yo na lang kung paano mo siya itataguyod," kalmadong wika ni Commander Simeon na nasa tabi ko na ngayon.

The Royal Prophecy II: Forsaken CrownWhere stories live. Discover now